Largadong FMO ng AFP-PNP, katumbas ng terorismo laban sa mamamayan
Ipinakikita ng largadong focused military operation (FMO) ng AFP-PNP sa rehiyon ng TK ngayong Enero na sila ang pangunahing terorista at tagalabag ng karapatang tao sa bansa. Higit nitong pinag-aalab ang hangarin ng mamamayan na kamtin ang hustisya para sa lahat ng biktima ng mga krimen ng mersenaryong hukbo at ibagsak sa pinakamaagang panahon ang pasista at teroristang rehimeng US-Duterte.
Kinatatangian ang mga FMO sa TK ng panghahalihaw sa mga komunidad sa interyor, pagtatayo ng mga iligal na checkpoint at paglapastangan sa karapatang tao ng mga katutubo at magsasakang residente ng mga eryang saklaw ng operasyon. Dinidirehe ng Southern Luzon Command sa ilalim ng bantog na berdugong si Gen. Antonio Parlade ang lakas-dibisyong tropa na ginagamit sa mga FMO sa iba’t ibang probinsya ng TK.
Sa Quezon, tuluy-tuloy ang operasyon ng 201st Brigade ng Philippine Army at PNP-CALABARZON sa mga barangay ng Villa Espina, Pisipis, at Vergania sa bayan ng Lopez mula Enero 10 hanggang Enero 30. Mula Enero 13 naman ay hindi nilubayan ng halos isang batalyong pwersa ng 85th IB at PNP ang ilang barangay sa Gumaca, Quezon. Nagtayo rin ang 85th IB at PNP ng mga checkpoint sa Gumaca at iba pang bayan sa Timog Quezon simula ng ikatlong linggo ng Enero.
Isang batalyon naman ng 1st IB ng Philippine Army, PNP at CAFGU ang nag-ooperasyon sa mga bayan ng Real, Sampaloc at Mauban sa Quezon at mga bayan ng Kalayaan at Luisiana sa Laguna mula pa noong ikalawang linggo ng Enero hanggang sa kasalukuyan.
Samantala, ginalugad ng mga pwersa ng 203rd Brigade at PNP-MIMAROPA ang mga interyor at piling barangay sa kapatagan sa bayan ng Rizal at San Jose sa Occidental Mindoro at Bulalacao, Mansalay, Victoria at Socorro sa Oriental Mindoro mula Enero 8 hanggang ngayon. Gumagamit ang kaaway ng dalawang kumpanya ng tropa nito sa bawat cluster na saklaw ng FMO.
Target naman ng kasalukuyang bugso ng FMO sa isla ng Palawan ang 32 baryong ipinipilit ng Western Command ng AFP at Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict na diumano’y mga base ng NPA. Ang mga baryong ito ay pawang nasa timog ng isla, partikular sa mga bayan ng Quezon, Rizal, Bataraza, Brooke’s Point at Sofronio Española kung saan ipinuwesto ang 1st Police Mobile Company ng Palawan PNP.
Katambal ng mga FMO ang lansakang paglabag sa karapatan ng mamamayan at panggugulo sa pamumuhay ng mga apektadong komunidad. Mga halimbawa nito ang iligal na paghahalughog at pagbibinbin sa isang dyip sa isang checkpoint sa Gumaca, Quezon at ang walang habas na pamumutok ng mga sundalo na nagresulta sa pagkapatay ng kalabaw ng isang magsasaka sa Rizal, Occidental Mindoro.
Tampok din ang panghaharas sa tatlong kabataang Tadyawan mula sa Barangay Happy Valley, Socorro, Oriental Mindoro noong Enero 12, kung saan sinakal ng mga sundalo ang tatlong kabataan at pinaghukay ng kanilang sariling libingan. Dahil sa FMO, sapilitang pinalikas ang mga residente mula sa anim na sityo sa tatlong barangay ng Socorro at apat na sityo sa tatlong barangay ng Victoria simula Enero 15.
Pangitang-pangita rin ang pagiging berdugo ng 203rd Brigade sa pagpatay nito sa dalawang sibilyan na sina Mark Ederson Valencia delos Santos, 21, at JR Mercado, 26, kapwa sa Oriental Mindoro. Hanggang ngayon hindi pa rin ibinibigay ng walang-pusong AFP sa mga kaanak ni Mercado ang kanyang katawan na nagtataglay ng ebidensya ng pagtortyur sa kanya.
Ang tumitinding FMO ng AFP-PNP sa TK ay palatandaan ng kabiguan nitong lipulin ang NPA sa rehiyon. Dahil hindi sumasapat ang dati nitong mga pamamaraan, nagbubuhos ito ng dagdag na rekurso, nagmomobilisa ng mas maraming tropa, at nagwawaldas ng mas maraming pondo maitulak lamang ang imbing pakana nitong durugin ang rebolusyonaryong kilusan. Upang pagtakpan ang kabiguan nito, binabalingan ng mga pasistang tropa ang mamamayan at nag-iimbento ito ng mga pekeng balita at paninira hinggil sa rebolusyonaryong kilusan.
Tulad ng nangyari sa mga naunang rehimen, tiyak na mabibigo ang rehimeng Duterte at ang AFP-PNP sa layunin nitong gapiin ang rebolusyon, kahit pa patindihin ng ilampung beses ang mga FMO. Hindi ito magtatagumpay dahil superyor ang digmang bayan sa reaksyunaryong pasistang todong-gera at dahil sa patuloy na pagtutulungan ng NPA at mamamayan. Ang matatagumpay na opensiba at aktibong depensa ng mga yunit ng MGC-NPA ST ngayong Enero ang kongkretong pruweba nito. Tatapatan ng NPA-ST ng ibayong tapang at sakripisyo ang higit na bangis ng kaaway, at paulit-ulit nitong palalasapin ng pagkatalo ang pasista at mersenaryong hukbong kinasusuklaman ng mamamayan.###