Ligalig at teror, kakambal ng mga operasyong militar at pulis sa Bikol
Kakambal ng anumang operasyon ng AFP-PNP-CAFGU ang pagdanak ng dugo at pagkitil ng karapatang tao ng sibilyang populasyon. Nitong Hunyo 14-22, anim na sibilyan ang inaresto ng pulis. Nangangahulugan ito ng halos araw-araw na pang-aaresto ng mga sibilyan sa loob lamang ng isang linggo. Ilan sa mga inaresto sa panahong ito ay kabilang sa 20 Masbatenyong sinampahan ng gawa-gawang kaso nitong Hunyo 26 at pilit na iniuugnay sa rebolusyonaryong kilusan.
Maliban pa sa mga inaresto sa Masbate, inaresto rin ng PNP si Jesus Macinas, isang senior citizen, sa Sitio Camagong, Brgy. San Ramon, Donsol, Sorsogon at pinaratangang kasapi ng NPA. Tuluy-tuloy din ang panghahalihaw ng AFP-PNP-CAFGU sa mga komunidad, sa tabing ng Retooled Community Support Program (RCSP) o pamimilit sa mga residenteng magpabakuna laban sa Covid-19. Tuluy-tuloy din ang paghahasik ng lagim ng PNP sa paglulunsad ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operations (SACLEO) sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Walang kredibilidad ang mga operasyong ilinulunsad ng AFP-PNP-CAFGU. Paulit-ulit, nasasaksihan ng masang Bikolanong wala itong ibang idinulot kung hindi ang papalobong bilang ng iligal na inaaresto, hinaharas, pinapaslang at iba pang paglabag sa karapatang tao. Kaya itago man sa katwirang kontra-kriminalidad o kontra-terorismo, pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa pandemya o kahit simpleng pagsesensus, lumalabas at lumalabas din ang tunay nilang pakay: ang magwasiwas ng teror sa mga komunidad at supilin ng paglaban ng mamamayan. Tunay na nasa kaibuturan na ng institusyon ng AFP-PNP-CAFGU ang pagiging berdugo.
Suyang-suya na ang mamamayan sa de-plakang katwirang ‘nanlaban’ o NPA ang mga biktima ng AFP-PNP-CAFGU. Ngayon, higit na lumalakas ang kanilang kaisahang ipagtagumpay ang laban upang biguin ang mga operasyong mlitar at pulis sa rehiyon at ganap na mapabagsak ang rehimeng US-Duterte. Kasama ang buong rebolusyonaryong kilusan, hindi matitinag ng ligalig at teror na dala ng mga operasyong militar at pulis sa Bikol ang kanilang paglaban para sa katarungan at kalayaan.
Biguin ang SACLEO! Palayain ang mga bilanggong pulitikal!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!