Likhain ang panibagong EDSA People Power! Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte!
Ang NDFP-ST at ang rebolusyonaryong mamamayan ng rehiyon ay mahigpit na nakikiisa sa sambayanang Pilipino sa paggunita sa makasaysayang pag-aalsa sa EDSA, 35 taon na ang lumipas, pag-aalsang nagpabagsak sa kapangyarihan ng diktador na si Ferdinand E. Marcos noong Pebrero 25, 1986. Ang apat na araw na pag-aalsa ng halos isang milyong mamamayan sa EDSA noong Pebrero 21-25, 1986 ay resulta ng kapasyahan at determinasyon ng taumbayan na pabagsakin sa kapangyarihan ang isang despotiko at kinamumuhiang diktador na si Ferdinand Marcos na labis na nagpahirap sa taumbayan sa loob ng mahigit isang dekada. Ito ay kulminasyon ng natipong iba’t ibang anyo ng mga pakikibakang isinagawa ng uring anakpawis, mga kabataan at estudyante, mga propesyunal, taong simbahan at iba pang demokratikong uri at sektor ng lipunang Pilipino.
Libong buhay ang inialay ng mga rebolusyonaryong martir at bayani ng sambayanang Pilipino sa pakikibaka laban sa diktadurang Marcos hanggang siya ay mapatalsik sa kapangyarihan. Ang popular na pag-aalsa sa EDSA, higit sa lahat, ay resulta ng masikhay at puspusang pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos na isinagawa ng rebolusyonaryong kilusan sa hanay ng mga batayang sektor ng lipunang Pilipino. Sa inisyatiba ng rebolusyonaryong kilusan nabuo at napatatag ang malapad na nagkakaisang prenteng anti-diktadura laban sa pasistang paghahari ni Marcos. Ang matatag na pamumuno ng rebolusyonaryong kilusan sa malapad na anti-pasista at anti-diktadurang nagkakaisang prente ang naging susi sa tagumpay ng paglaban at pagpapabagsak sa diktadurang Marcos.
Ipinapaalala din sa atin na ang pangyayari sa EDSA sa panahon ni Marcos ay patunay na walang anumang lakas o kapangyarihang militar ang makahahadlang at makagagapi sa lakas at kapangyarihang taglay ng masang Pilipino. Muli itong naulit sa panahon ni Erap Estrada na nagpabagsak sa kanyang korap na rehimen.
Nananatiling makabuluhan at balido ang mga aral na mahahango sa mga pangyayari sa EDSA 1 noong Pebrero 25, 1986 na nagpabagsak kay Marcos at ganundin ang sumunod na EDSA 2 noong Enero 21, 2001 na nagpabagsak sa korap na si Joseph Estrada. Hinog na hinog ang mga kundisyon sa lipunang Pilipino para muling likhain ng sambayanan ang gahiganteng lakas ng kilusang masa at nagkakaisang prente kahalintulad ng EDSA 1 at 2 para pabagsakin sa kapangyarihan ang pasistang rehimeng US-Duterte. Sukdulan at nais pang higitan ang kalupitan at pagiging anti-mamamayan ni Duterte ang karumaldumal na rekord ng kanyang iniidolong sina Hitler at Marcos. Ang malawak at mayamang karanasan ng sambayanang Pilipino sa pakikibaka na nagpabagsak kay Marcos at Estrada ay malaking puhunan para sa pagpapabagsak sa higit na kasuklam-suklam na si Duterte. Higit na kailangan ngayon ng taumbayan ang pagpupunyagi at pagkakaisa para muling ipamalas ang lakas nito sa harap ng pasistang lagim at terorismo na inihahasik ni Duterte kasama ang mga dating matataas na Heneral ng AFP at PNP sa loob ng NTF-ELCAC. Isang de-facto civilian-military junta sa anyo ng NTF-ELCAC, sa pamumuno ni Duterte, ang kasalukuyang kumukubabaw sa sibilyang otoridad at nagpapatakbo ng gubyerno sa Pilipinas.
Sa bawat araw na nananatili sa pwesto si Duterte at ang NTF-ELCAC nito, araw-araw ding bumibigat ang pinapasang kalbaryo ng taumbayan lalo na ngayong sadsad ang ekonomiya at baon na baon sa utang ang bansa dahil sa nagpapatuloy na mga patakarang neo-liberal sa gitna ng pandemyang Covid-19. Bangkarote at wala nang kakayahan ang gubyernong Duterte para pagtuunan ang pagtugon sa mga pangangailangan ng masang Pilipino. Mas abala si Duterte at NTF-ELCAC sa red-tagging, pananakot at panggigipit, intimidasyon, magpatahimik at pumatay ng mga inosenteng sibilyan, mga kritiko at mga pinararatangan nilang “kaaway ng estado.” Okupado ang isip ni Duterte at NTF-ELCAC kung paano makakapanatili sa kapangyarihan lagpas sa termino ni Duterte na magtatapos sa Hunyo 30, 2022 at kung paano malulusutan ang lahat ng naging krimen nila sa sambayanan.
Sagad ang tapang ni Duterte laban sa mga Pilipino subali’t bahag ang buntot at nagsisilbing asong sunod-sunuran sa mga imposisyon ng imperyalistang kapangyarihan ng US at China. Walang nakikitang kahit maliit na puwang na pag-asa na makababangon ang Pilipinas mula sa lugmok na kahirapan at pang-aapi sa ilalim ni Duterte.
Araw-araw na lamang ay nahaharap sa kabi-kabilaang kapalpakan ang rehimeng Duterte. Patuloy ang kawalan ng direksyon ng rehimeng Duterte sa pagharap sa Covid-19. Sa simula pa lamang ay labis nang inaasa ni Duterte sa militaristang paraan ang pagharap at paglaban sa pandemyang Covid-19 sa halip na sa paraang syentipiko at medikal. Sumunod naman ang paninikluhod nito para sa limos ng paparating na bakuna na manggagaling sa bansang China at Russia bilang paraan ng paglaban sa Covid-19. Pero hanggang sa ngayon ay wala pa ring kalinawan kung kailan darating sa bansa ang nasabing mga bakuna gayong halos lahat ng bansa sa Timog Asya ay nagsimula na ng kanilang malawakang pagbabakuna sa kanilang mamamayan.
Katakot-takot na mga kontrobersya ang hinarap ng gubyernong Duterte kaugnay sa bakuna laban sa Covid-19. Ang pinakahuli ay ang ibinulgar ng ispesyal na sugo (envoy) ni Duterte sa China na si Mon Tulfo, na sing-aga pa lamang ng Oktubre 2020 ay nakapagpabakuna na siya kabilang ang ilang opisyal ng gubyerno na may ranggong gabinete at isang senador ng bakunang gawa ng Sinopharm ng bansang China kahit wala pa itong aprubal ng Food ang Drug Administration (FDA). Maituturing na iligal ang pagpapabakunang ito nina Mon Tulfo ng mga inismagel mula sa China.
Katulad rin ito ng nauna pang kontrobersyal na kaso ng Presidential Security Group (PSG) na nagpabakuna din ng gawa ng Sinopharm noon pang Setyembre 2020. Ngunit hanggang sa ngayon ay wala pang napapanagot sa iligal na pagpasok sa bansa ng bakunang ito na gawa ng Sinopharm.
Nalantad ang pagiging hungkag ng sinasabing “priority list” ng Inter Agency Task Force at ng Malacañang. Sa halip na mga frontline health workers, indigent senior citizens, iba pang senior citizens na may mga karamdaman, at mga mahihirap na Pilipino ang dapat nasa unahan ng listahan, ang mga VIP’s at malalapit sa Malacañang pa ang mga nagkukumahog na magpabakuna sukdulang gumamit ang mga ito ng inismagel na bakuna at labagin ang sariling batas laban sa ismagling at mga panuntunang itinakda ng gubyerno hinggil sa pagpapabakuna.
Marapat lamang ding kondenahin ng taumbayan ang garapal at wala sa lugar na hakbang ng DOLE at Malacañang na ituring na isang “kalakal” o commodity ang mga health workers sa bansa kapalit ng mga bakunang gawa sa United Kingdom at Germany. Ang padaskol daskol na hakbang na ito ng DOLE ay resulta ng pagkukumahog at kabiguan ng gubyernong Duterte na maagang makapagsara ng mga kontrata sa pagbili ng mga bakunang gawa sa mga bansang nasa Europa dahil sa labis itong umaasa sa mga pangakong suplay mula sa China at Russia, na hanggang sa kasalukuyan ay wala pang aprubal ng FDA at ni wala pa ring katiyakan kung kailan darating sa bansa. Ngunit nang mabatikos si Bello sa kanyang pahayag na ito, agad namang nagpalusot na ang kanyang tinutukoy diumano na bakunang “kapalit” ng mga health workers ay ang paniniguro lamang na lahat ng mga OFW na pupuntang Europa ay mabakunahan upang sa gayon ay di magkaroon ng pangamba ang dadatnang bansa na malayong malayo sa kanyang unang pahayag.
Sa kabila ng mga kontrobersyang ito, ipinahayag pa rin ni Duterte na ang Sinopharm mula sa China ang kanyang pinili na maging pangunahing bakuna para sa mamamayang Pilipino.
Kasama ng sambayanang Pilipino, patuloy ang pagpupunyagi ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyong Timog Katagalugan sa paglaban sa pasistang rehimeng US-Duterte at sa paglikha ng mga karagdagang kundisyon sa pagpapabagsak sa kanyang rehimen tulad ng pagpapabagsak sa diktadurang US-Marcos at ng tiwaling si Estrada. Matatag ang kapasyahan nitong isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan sa rehiyon sa isang bago at mas malakas na antas.
Kasabay ng matinding labanan sa pulitika, kailangan ring harapin ng mga rebolusyonaryo ang kanyang tungkulin sa malawakang edukasyon at panghihikayat sa mga mamamayan sa saklaw nitong mga sona at larangang gerilya hinggil sa nakamamatay na Covid-19 at paano ito lalabanan.
Hindi nila dapat na katakutan ang pagpapabakuna sakaling dumating na sa bansa ang iba’t ibang brand ng bakuna laban sa Covid-19. Naniniwala ang rebolusyonaryong kilusan na ang mga bakunang ito ay produkto ng syensya at tagumpay ng sangkatauhan sa paglaban at pagpuksa sa mga nakahahawa at nakamamatay na mga sakit na hindi dapat naipagkakait sa tao anuman ang kangyang lahi, kasarian, katayuan sa buhay, relihiyon at pampulitikang paniniwala. Kaugnay nito, matatag na ipinaglalaban at iginigiit ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ang pagkakaroon ng libre at ligtas na bakuna para sa lahat ng mamamayang Pilipino. ###