Limang taon ng kabiguan, ‘wag na dagdagan!—MAKIBAKA

Limang taong pagkakaupo sa kapangyarihan ng pasistang rehimeng US-Duterte ay katumbas nang walang patumanggang pananabotahe sa ekonomiya, pagpapanikluhod sa dalawang nag-uumpugang imperyalistang kapangyarihan, higit na pagdurusa at pambubusabos sa sambayanang Pilipino. Mula sa kanyang kontra-mahirap na polisiyang Kontra-Droga, Anti-terror law hanggang sa puno ng korapsyon at bulok na ‘Covid-19 pandemic response’, ang ganid at pahirap na si Duterte ay walang ibang nais at hangad sa kanyang mamamayan kundi patayin sa hirap at dahas.

Nilulubos ni Duterte ang lahat ng paraan para makapanatili at makapagkonsolida ang kanyang diktadura. Nabubuyangyang ang pagkakabitak-bitak ng naghaharing-uri, mula sa kanilang hanay na nagsasalba ng sarili at naghahabol ng malaking porsyento sa hatian ng yaman ng bansa.

Ang kanilang paghahabol na makapanatili sa pwesto ay malinaw na takot sa galit ng mamamayang maniningil sa kanila! Tulad ng mga hinalinhan nito, si Duterte ay magbabayad sa kanyang mga sala at mapapatalsik sa kanyang kinauupuang trono. Ang mga darating na buwan ay lalong kritikal ngunit nasa paborableng panig ang pagtatagumpay ng rebolusyon. Kaya tumpak na isanib ng kababaihan ang lakas nito sa papaigting na armadong rebolusyon!

Mabuhay ang nakikibakang mamamayan!
Mabuhay ang pambansa-demokratikong rebolusyon!
Makibaka! ‘Wag matakot!

Limang taon ng kabiguan, 'wag na dagdagan!—MAKIBAKA