Linalatag ng alyansang Marcos-Arroyo-Duterte ang mga batayan para sa mas pinaigting na pandarahas, no election at batas militar

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Dalawang bagay ang pangunahing pinupuntirya ng pangkating Marcos-Arroyo-Duterte (MAD) sa pagpapakalat na mayroon umanong mga banta sa buhay ang anak ng diktador at presidential candidate na si Bongbong Marcos. Una, dinadagdagan nito ng dahilan ang lalo pang pagpapatindi ng walang batayang pang-aatake sa mga progresibong grupo at partylist, mga kritiko ng MAD at nasa oposisyon. Alam ng publiko na matagal nang pinag-iinitan, binabantaan, nirered-tag, kinukulong at pinapaslang ng rehimeng US-Duterte ang lahat ng kanyang kritiko. Ngayon pa nga lang, pinipilit nang i-ugnay ang pinalalabas na banta sa buhay ni BBM sa ilang mga kasapi umano ng isang progresibong grupo na hudyat ng pinatinding atake.

Ikalawa, upang ikundisyon ang isip ng mamamayan na maaaring maging magulo ang darating na halalan at kung gayon ay hindi na dapat ikagulat alinman sa mga senaryo ng no election o batas militar ang ipataw ni Duterte.

Alam ng alyansang MAD na labis ang pagkamuhi ng sambayanang Pilipino sa diktadura at sa mga tagapagtaguyod nito sa bansa. Kahit pa manghimasok ang imperyalista o paganahin ang alinman sa mga galamay nila magmula sa COMELEC, kumpanyang may hawak sa kontrata ng electronic balloting hanggang sa militar at pulis, magdudulot ng matinding pampulitikang kaguluhan ang pagpipilit nilang ilusot ang isinusukang Marcos-Duterte tandem. Wala silang awat sa paghahanap ng maniobra upang makakapit sa kapangyarihan at mapahupa ang papalakas na paglaban ng mamamayan laban sa diktadura at lahat ng naghaharing kinatawan nito.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayan na mas maging mapagmatyag sa anumang tusong maniobrang tiyak na gagamitin ng rehimen upang makapangibabaw. Sa huli, dapat panghawakan ng bawat isa ang katiyakang nasa paglaban ang kasalbahan ng interes ng nakararami. Dapat gawin ang lahat ng maaari upang pigilan ang pagtakbo hanggang pag-upo ng alyansang MAD sa poder. Kung tahasan man nilang ipilit ang pagkakaluklok ng mga sagadsaring reaksyunaryong ito sa pwesto, dapat sunggaban ang tiyak na mabilis na pag-init ng pampulitikang sitwasyon at kunin ang pagkakataon upang igiit ang panawagan ng mamamayan.

Linalatag ng alyansang Marcos-Arroyo-Duterte ang mga batayan para sa mas pinaigting na pandarahas, no election at batas militar