Loan agreement sa China: pagyurak sa pambansang soberanya at pagwasak sa kinabukasan ng mamamayang Pilipino
Tinutuligsa ng mamamayang Pilipino ang ginagawang pagyurak ni Duterte sa pambansang soberanya ng Pilipinas. Tigas mukhang isinusulong nya ngayon ang di pantay na mga loan agreement sa China na nagsasangkalan sa patrimonial assets o mga ari-ariang komersyal ng bansa. Sa ilalim nito, malalaking tipak ng likas na yaman at teritoryo ng bansa ang walang kahirap-hirap na mapasasakamay ng China. Palihim pa itong pinagkasunduan na labag mismo sa reaksyunaryong konstitusyon.
Walo sa malalaking proyektong imprastruktura ng rehimeng nakapailalim sa loan agreement ang isinapubliko ng Department of Finance kamakailan lamang. Isa na rito ang proyektong Chico River Pump Irrigation na tinatayang P4.37 bilyon. Walumpu’t limang porsyento nito ang tutustusan sa ilalim ng Overseas Development Assistance ng China sa halagang P3.69 bilyon. Bilang kapalit, malayang makukuha ng China ang patrimonial assets ng bansa kabilang ang Reed Bank (Recto Bank) sa West PH Sea. Nakalagak dito ang 5.4 bilyong bariles ng langis at 55.1 trilyong kubikong pye ng natural gas. Bukod sa nakakolateral na patrimonial assets, mayroon pang 2% interest rate, “management fee” na nagkakahalagang $186,260 at “commitment fee” na 0.3% kada taon ang kapalit ng pautang.
Sa ST, nakapailalim din sa patibong na loan agreement ang Kaliwa Dam project sa Rizal at Quezon kung saan magpapautang ang China ng mahigit $211 milyon. Halos ipamigay lang ni Duterte ang likas na yaman ng bansa para sa proyektong tanging ang mga malalaking dayuhang negosyante at mga burukratang tulad niya ang makikinabang habang sinasalanta ang kabuhayan at panirikan ng mamamayan.
Hindi na malilinlang ng rehimen ang sambayanang Pilipino na malaon nang ibinaon ng dayuhang pangungutang sa dustang kalagayan. Kung totoong madaling bayaran ang mga dagdag utang na ito, hindi na kailangan pang mangutang nang paulit-ulit. Balon lamang ng korupsyon ng reaksyunaryong gubyerno ang mga proyektong kanilang itinutulak kahit pa ibenta ang kinabukasan ng mamamayang Pilipino. Tulad ng pagkatali ng Pilipinas sa mapagsamantalang mga kundisyon at kasunduan sa International Monetary Fund-World Bank sa loob ng mahabang panahon dahil sa “utang”, lalo lamang bubulusok pababa ang ekonomya ng bansa habang nagpapasasa ang dayuhan sa ating likas na yaman. Hindi na kataka-taka kung isang araw ay lubusang nakagapos na rin ang ekonomya ng bansa sa di makatwirang mga patakaran ng China sa kalaunan.
Matagal nang naninindigan ang rebolusyonaryong mamamayan na hindi proyektong imprastruktura ang kailangan nila kundi sistematikong pagbabago para sa tunay na serbisyong panlipunan. Pinawawalang saysay ni Duterte ang matagal nang tagumpay ng sama-samang pagtutol at pagpigil ng mga katutubo at magsasaka sa pagsasagawa ng anti-mamamayang proyektong Chico Dam at Kaliwa Dam noong panahon pa ng rehimeng US-Marcos at US-Arroyo. Malinaw na kailanma’y hindi maglilingkod ang reaksyunaryong gubyerno sa tunay na kahingian ng taumbayan habang pinananatili nito ang malakolonyal na relasyon sa imperyalistang mga bansa.
Salungat sa ginagawa ni Duterte, nakalahad sa programa ng National Democratic Front ang pagtataguyod ng patakarang panlabas na nakaangkla sa pambansang soberanya at kasarinlan. Alinsunod ito sa prinsipyo ng mutwal na paggalang sa teritoryal na integridad at soberanya, mutwal na walang agresyon, walang panghihimasok sa panloob na mga usapin ng isa’t isa, pagkakapantay-pantay at mutwal na suporta, at mapayapang pakikipamuhay.
Husto na ang pagkamuhi ng malawak na masa sa taksil at manggagantsong si Duterte. Dapat ilantad ang mapanlinlang na mga loan agreement at ipawalambisa ang ganitong mga tipo ng kasunduan. Kailangang magkaisa ang lahat ng rebolusyonaryo at makabayang pwersa upang palawakin ang ating hanay at paramihin ang mga aksyong protesta laban sa pagyurak ni Duterte at mga imperyalistang kapangyarihan sa soberanya ng Pilipinas. Dapat na singilin at pagbayarin ang reaksyunaryong gubyerno sa pagkakanulo nito sa pambansang soberanya.
Hangga’t hindi nawawakasan ang kontrol ng dayuhan sa ekonomya ng bansa, lubos na mapipinsala at masasaid ang mga likas na rekursong sana’y pinakikinabagan mamamayan sa halip na mga dayuhang kapitalista. Ang sama-samang pagkilos ng mamamayan para itatag ang sarili nitong pampulitikang kapangyarihan ang magsasalba sa kalikasan at kinabukasan ng susunod pang mga henerasyon. Dapat paigtingin ng mamamayan ang kanilang paglaban at magpunyagi sa demokratikong rebolusyong bayan upang ibagsak ang inutil at taksil na rehimeng US-Duterte.