Lt. Gen. Galvez sa OPAPP, tuluyang pagpatay sa usapang pangkapayapaan
Tuluyang papatayin ng rehimeng US-Duterte ang usapang pangkapayapaan kung itatalaga si AFP Chief-of-staff Lt. Gen. Galvez sa Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) matapos ang pagreretiro nito. Sa tahasang pagsabi ng uhaw-sa-digmaang heneral ng kagustuhan nitong matalaga sa naturang opisina, tuluyan nang isasakatuparan ng AFP-PNP, rehimeng US-Duterte at ng amo nitong imperyalistang US ang pagsasalaula sa usapan at paghasik ng kaguluhan sa buong bayan.
Taliwas sa mga kasinungalingang ikinakalat ni Galvez, hindi nilalayon ng isang militarista at mapandigmang heneral ang makamtan ang isang tunay, makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Nilalayon lamang ng mga kabaro ni Galvez ang artipisyal na “kapayapaan” sa ilalim ng isang pasistang rehimen at ng mapang-aping lipunan. Isang “kapayapaang” pabor sa mga imperyalistang dayuhan at lokal na mga naghaharing uri sa batayan ng pagsupil sa karapatan ng mamamayang lumalaban sa mga pahirap at mapang-aliping programa’t patakaran ng rehimeng US-Duterte.
Magpapatuloy rin ang pagpapalaganap ng fake news at kabulaanan sa mass media hinggil sa usapang pangkapayapaan. Matatandaang isa sa mga heneral na bihasa sa psywar si Galvez at kasama sa mga tagapagpalaganap at pasimuno ng pekeng ‘Red October’. Higit nilang maisusulong ang pinapangarap na Martial Law laban sa sambayanang Pilipino at mamamayang Moro upang “panatilihin ang katahimikan sa bayan”.
Sa pagkukumpleto ng military junta ni Duterte, kailangang higit na magkaisa ang mamamayang Pilipino at labanan ang militarisasyon ng sibil na estado. Higit na makatarungan ngayon ang pag-aaklas at pag-aarmas ng mamamayan laban sa isang pasista, pahirap, papet na rehimen upang maipagtanggol ang bayan.
Walang mas mahusay na paraan kundi ang pagsapi sa hukbong bayan at pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan upang baguhin ang bulok at naaagnas na sistemang panlipunang itinataguyod ng rehimeng US-Duterte.###