Lumalaganap na krisis sa bansa, pinalalala ng pangkating Marcos-Arroyo-Duterte
Mariing kinukondena ng MGC NPA-ST ang rehimen ng pangkating Marcos-Arroyo-Duterte (MAD) sa dinaranas na malawakang krisis bunga ng kawalan ng murang bigas sa mga pamilihan at kawalang-aksyon ni Duterte upang tugunan ang batayang pangangailangan ng mamamayan. Sumaklaw na ang krisis sa bigas sa buong kapuluan.
Halos umabot na sa P60 ang halaga ng bawat kilo ng bigas sa mga pamilihang bayan at kinakapos pa dahil sa pagtago ng rehimen ng suplay nito sa mamamayan. Kasabay nito ang walang katuturang pagyayabang ng hambog na si Duterte na diumano’y ipahuhuli ang mga sindikato at kartel ng bigas sa harap ng naghihikahos na mamamayan. Sa kabila ng kanilang mga walang kabuluhang pahayag, ikinukubli nila ang katotohanang ang ugat ng krisis sa bigas ay ang pagpapatupad ng neoliberal na patakarang deregulasyon, pribatisasyon, liberalisasyon at denasyunalisasyon. Ang mga ito ang nagpalala sa pagkawasak ng industriya ng palay at bigas sa Pilipinas at halos pumatay sa magsasakang Pilipino. Ang kundisyong ito ay pinasahol pa ng pagsasabatas ng TRAIN Law na ang pangunahing tinatamaan ay ang mahigit sa 95% mahihirap at karaniwang mamamayan ng bansa.
Walang ginagawa ang rehimen ng pangkating MAD sa paghahanap ng kalutasan sa krisis na dinaranas ng mamamayang Pilipino. Pawang mga inutil ang mga pinuno ng DA at NFA at iba pang departamento at ahensya habang bulag, bingi at walang pakiramdam si Duterte sa mga nagaganap sa kanyang pamahalaan. Hungkag na inirekumenda ni Sec. Piñol ng DA na gawing ligal ang smuggling sa bansa. Kasabay nito ang patuloy na pagtanggol ni Duterte sa kanya at kay Sec. Aquino ng NFA sa kabila ng malawakang panawagan ng mamamayan na bumaba na sila sa pwesto.
Ang laganap na krisis sa bigas at ekonomiya sa bansa ay pagpapatunay na walang kakayahan ang rehimeng Duterte na lutasin ang mga pundamental na suliranin at problema ng bayan. Kahit ang pinagyayabang nitong gera laban sa droga ay walang nilutas kundi nagdulot ng pamamaslang ng libu-libong biktima ng iligal na droga.
Patuloy sa walang tigil na pambabaluktot sa katotohanan ang rehimeng US-Duterte. Nananatiling kulapol ng malalang kurapsyon at katiwalian ang iba’t ibang bahagi ng gubyernong Duterte. Tuloy-tuloy sa pagnanakaw ang mga kapural at kroni nito sa kaban ng bayan sa kabila ng walang tigil na pagyayabang nito na sisibakin ang mga tiwali, kurap at magnanakaw sa kanyang gubyerno. Nagpapatuloy ang laganap na red tape sa iba’t ibang ahensya ng gubyernong Duterte. Pilit niyang ibinubunton ang mga kapalpakan ng kanyang administrasyon sa kanyang mga kritiko upang iligaw ang taumbayan sa tunay na mga nangyayari sa kanyang pamahalaan. Wala ring inatupag ang administrasyong Duterte kundi ang ilako sa taumbayan ang nakakasuka at nakakarimarim na CHA-CHA at pederalismo na maglilingkod lamang sa mga dayuhang monopolyo kapitalista at papabor sa kanyang ambisyong makapanatili lagpas sa kanyang termino sa 2022.
Sa tindi ng krisis at kahirapang dinaranas ng mamamayang Pilipino sa pamamahala ni Duterte, wala itong mapagpipilian kundi ang ilagay sa kanilang kamay at hawakan ang sariling kapalaran nila. Hindi na dapat paabutin pa sa sukdulan ang kaperwesyuhan dulot ng salot at bwitreng gubyernong Duterte. Panahon na upang magkaisa’t ihiwalay, tutulan at labanan ang pangkating rehimeng MAD hanggang sa maibagsak ito ng nagkakaisang makabayan at patriyotikong sambayanang pilipino.
Ibagsak ang pasista at tiranikong rehimeng US-Duterte!
Mabuhay ang nagkakaisang sambayanang Pilipino!