Lumolobong gastos ng rehimeng US-Duterte para sa kampanyang kontrainsurhensya
Ginigisa ang taumbayan sa sarili nilang mantika. Pondo ng publiko ang perang winawaldas ng rehimeng US-Duterte para sa madugong gerang tumatarget din mismo sa kanila.
Sa kabila ng matinding krisis sa ekonomya, pinili ng pangkating Duterte na pagkagastusan ang pagpondo sa mga walang kapaki-pakinabang na aktibidad at programa ng kanyang mersenaryong hukbo. Sa Bikol, nakapaglunsad pa ng magagarbong simulation exercises ang PNP, AFP, Joint Task Force Bicolandia (JTFB) at Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) upang diumano’y ihanda ang mamamayan sa mga atakeng maaaring ilunsad ng NPA gayong may mas malalaking problemang kinakaharap ang rehiyon ngayon. Patuloy na tumataas ang kaso ng Covid-19 pero wala pa ring komprehensibo at sistematikong programang pangkalusugan gaya ng pagpapabakuna para sa Covid-19. Lampas isang taon nang walang trabaho at walang pantustos sa araw-araw na gastos ang masang Bikolano pero wala pa ring maayos na sistema at sapat na pondo para sa pamamahagi ng ayuda.
Sa Mindanao naman, nagbigay pa ng P9 milyong pabuya ang AFP para sa kanilang pinakamasisigasig na mamamatay-tao.
Labas pa ang mga gastos na ito sa bilyun-bilyong pisong winawaldas ng militar at pulis sa panggagalugad ng mga komunidad, pagpapasuko at pagpapalaganap ng disimpormasyon sa publiko. Ito ang kinahinatnan ng kaban ng bayan sa kamay ng isang rehimeng walang ibang bukambibig kung hindi kill, kill, kill.
Ang bawat bala, gramo ng pulbura at araw na sinasayang ng AFP at PNP sa madudugong operasyong militar ay pagnanakaw sa pondo ng mamamayan at pagkakait sa kanila ng mga serbisyong higit nilang kinakailangan. Ang P16.44 bilyong pondong ilinaan nito para sa mga hungkag na proyekto sa ilalim ng Barangay Development Program (BDP) ay sapat sana para makabili nang mahigit 13 milyong bakuna, mahigit limang milyong sako ng bigas o mahigit apat na milyong sako ng palay.
Habang nangangasim ang tiyan ng masang anakpawis, ginagastos ang pera nila pambili ng balang ipampapatay sa kanila. Hindi ba’t puro mga maralita ang biktima ng pasistang rehimen sa huwad na gera kontra-droga at kontra-terorismo? Hindi ba’t yaong mga sukdulang nagdurusa at pinagkaitan ng maayos na buhay at kabuhayan tulad nina Polegrantes, Gracio, Brioso at Abla ang sila ring pinakabulnerable sa pasismo ng estado?
Ang mga panawagang palayasin ang militar at pulis sa mga komunidad, pagbubuwag ng NTF-ELCAC at pagtigil sa malawakang kampanyang saywar at disimpormasyon ay mahigpit na nakakawing sa sikmura ng masang inaapi’t pinagsasamantalahan. Ngayon, higit kailanman, nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang ibayong palakasin ang kanilang paglaban at paggigiit ng kanilang mga panlipunan at pang-ekonomyang karapatan. Bantayan at singilin ang rehimeng US-Duterte sa pagwawaldas ng kabang bayan. Karapatan ng bawat mamamayang nagbanat ng balat at butong papanagutin ang mga nagsamantala at nag-api sa kanila.
Militar sa kanayunan, palayasin! NTF-ELCAC, buwagin!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!