Mabibigo muli ang taning ng reaksyunaryong estado sa pagdurog sa New People’s Army

,

Tuwing malapit nang matapos ang termino ng mga ito, ang bawat nagdaang rehimen sa bansa ay nag-aanunsyong magagapi nila ang New People’s Army bago sila umalis sa poder. Walang kaibahan dito ang anunsyo n Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen Jose Faustino, Jr. na makakamit ang target nilang madurog ang NPA sa kalagitnaan ng 2022.

Ang sagot namin: mataas ang kumpyansa at matatag na idinedeklara ng Pangrehiyong Komite ng Partido Komunista ng Pilipinas at Pangrehiyong Kumand sa Operasyon ng New People’s Army sa Cagayan Valley na sa buong bansa man o sa hilagang-silangang Luzon, ngayon pa lamang ay masasabi nang ganap na mabibigo ang pangarap na ito ng papet at pasistang rehimeng Duterte.

Sa kabila ng daan-daang milyong pisong salaping nilulustay ng rehimeng Duterte sa pagbili ng mga moderno at malalakas na sandatang pandigma at pantustos sa mababangis na operasyon ng AFP at Philippine National Police at ilang bilyong piso pa ang inilalaan para sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), wala ni isang yunit ng NPA sa Cagayan Valley ang nalusaw. Ang ilang mga natamong kaswalti sa mga labanang ginamitan ng AFP at PNP ng labis na nakalalamang na laki ng pwersa at lakas ng mga sandata ay madaling napunuan ng mga kabataan, magsasaka at katutubong minorya na bagong narekluta o naghahandang sumapi sa NPA. Ang pagmamartir ng mga opisyal at mandirigma ng NPA sa rehiyon na katulad nina kasamang Mary Grace Bautista, Renato Busania at Rosalino Canubas na itinuturing nilang mga bayani ng masang api ay nagbigay-inspirasyon sa kanila upang magpakatatag at masiglang lumahok sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka.

Gayunma’y mangilan-ngilan lamang ang mga labanan na tunay na nangyari at may kaswalti ang NPA at ang nakakararami sa mga ibinabalita ng 5th Infantry Division Philippine Army ay kathang –isip lamang ng mga opisyal nito. Katulad ng mga pinalalabas na naganap na labanan sa Cabagan at Ilagan City, Isabela noong mga nagdaang buwan, sa diumanong pangalawang labanan sa Sta. Teresita, Cagayan noong Setyembre 28, at sa labanan diumano sa Tappa, San Mariano, Isabela nitong Oktubre 29. Marami din sa mga pinalalabas ng AFP na kinasamsaman diumano ng mga armas ng NPA ay gawa-gawa lamang nila. At kapag ang AFP at PNP ang nagtamo ng mga kaswalti, na higit na mas marami kaysa sa kaswalti ng NPA, ay ikinukubli at matigas nilang itinatanggi. Bagama’t sa ganyan ay lalong nalalantad sa mga mamamayan, laluna na ang mga nasa paligid ng mga pinangyarihan o di-pinangyarihan ng labanan, ang kanilang pagiging sinungaling at ang tunay na iskor ng digmaan. Idinadamay nila sa kanilang mga panlalansi ang ilang mga bayaran nilang nasa mass media na puro panig lamang ng AFP ang ibinabalita, at kung may ilang maibalita man sila sa panig ng NPA ay pinulot mula sa maling konteksto o simpleng dinoktor at binaluktot.

Ipinangangalandakan ng AFP na ang kanilang estratehiya diumano ng focused military operations at paggamit ng mga tinagurian nilang yunit ng mga Community Support Programs (CSP) ang susi sa kanilang matagumpay na kampanyang kontra-rebolusyonaryo. Pero kung susuriin, itong mga paraan ng CSP ay mahigit dalawang dekada na nilang paulit-ulit na ginagawa, simula noong ang katawagan pa nila sa mga yunit nilang nagbabababad at naghahasik ng lagim sa mga baryo ay Special Operations Team (SOT) at pagkaraa’y makailang ulit na nilang “minodipika”, “nirebisa” at pinalitan ng pangalan pero sa esensya ay pare-pareho lamang ang oryentasyon at pare-parehong sumadsad sa kabiguan.

Kung papansinin pa, ang mga baryong pinagbababaran ng mga team na ito sa nakaraang 20 taon ay halos pare-pareho rin na makailang ulit na nilang idineklarang “pumanig na sa gubyerno ang mga mamamayan” doon at “itinakwil na nila ang NPA.” Madali lamang nilang ideklara ulit ito ngayon, lalo at naghahabol silang itrumpeta ang diumanong “pagwawagi sa gyera” ng rehimen laban sa NPA sa panahong papatapos na ang termino ng kinamumuhiang rehimeng Duterte. Pero kagaya rin ng mga naunang rehimen, tahimik nilang aaminin sa kanilang sarili na ang totoo ay bigo sila sa hibang nilang pangarap na tapusin na ang makatarungang armadong rebolusyon.

Pinalalabas ng AFP na ang Barangay Development Fund na pinondohan ng rehimeng Duterte ng ilang bilyong piso ay epektibong sumisilaw sa mga mamamayan sa mga piling baryo upang pumanig na sa reaksyunaryong gubyerno at tuluyan nang itakwil ang rebolusyonaryong kilusan. Pero sa Cagayan Valley nitong 2021, anim na baryo lamang ang inianunsyo ng AFP na wala na diumanong presensya ng NPA kaya nilaanan nila ng BDF, bagama’t sa aanim na nga lang na ito, ang isa ay dati nang may nakatayong kampo ng Army at ang iba pa ay hindi naman talaga prayoridad ng NPA na kilusan.

Para palabasing tuluyang nanghina na ang NPA, paulit-ulit ding ipinaparada sa nakaraang ilang taon na ang mga diumanong ilan-daang “sumurender” na kasapi ng NPA, milisya, organisasyong masa (kabilang ang mga sibilyan sa mga baryong may organisasyon pero hindi nauugnayan, hindi nakikilusan at hindi kilala ng mga pwersa ng NPA). Matagal nang naibulgar ang gasgas na panlalansi ng huwad na pagpapasurender ng AFP na pinagkakakitaan ng malaking halaga ng mga opisyal nito mula sa pondo ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Katulad sa mga nakaraan, idinedeklara namin na hindi magagapi ang NPA dahil ang simulain at ipinaglalaban nito ay nakatuntong at nakaugat sa mga makabayan at demokratikong adhikain ng malawak na masa ng sambayanan. Higit kaysa kailanman ay naging paborable ang kalagayan para sumulong ang demokratikong rebolusyong bayan dahil sa wala pang kaparis na paglala ng krisis sosyo-ekonomiko at pulitikal ng naghaharing sistemang panlipunan.

Wala pang kaparis ang dami ng mga nagugutom at nagdurusa sa kahirapan, mga naaagawan ng lupa, mga walang trabaho, mga may trabaho pero di mapagkasya ang kakarampot na suweldo o sahod sa harap ng pagsirit ng presyo at gastusin sa mga batayang pangangailangan, ang dumaraming mga kabataang di nakakapag-aral lalo sa ilalim ng sistemang “blended learning”, ang paggastos ng rehimen ng ilampung bilyong pisong halaga para sa kampanyang “kontra-insurhensya” nito habang salat na salat naman ang inilalaan para sa mga pangangailangan ng mamamayan sa panahong ito ng matinding krisis, pandemya at kalamidad, ang patuloy na pandarambong at korapsyon ng mga burukrata kasabwat ang mga kompanyang dayuhan na ang isa sa pinakahuli ay ang nalantad na ilang-bilyong pisong halagang kulimbatan sa pagbili ng mga personal protective equipment sa panahon ng pandemya, at ang marami pang katulad na pruweba ng patuloy at sumasahol pang krisis at kabulukan dulot ng paghahari ng mga imperyalista, malalaking panginoong maylupa at burgesyang kumprador sa bansa.

Uulitin namin: ang numero unong tagarekrut ng NPA sa kasalukuyan ay si Rodrigo Duterte at ang rehimen nito. Katulad ng kanyang idolong si Marcos, dulot ng maraming marurumi at maiitim nitong mga pakana, milyung-milyong mamamayan ang mabilis na namumulat para sa pangangalailangan ng armadong rebolusyon. Kaya naman sa mga pinagpapalawakang lugar ng mga yunit ng NPA, mainit silang tinatanggap at sinusuportahan ng mga api at dalita at dumarami ang aktwal at potensyal na sumasapi sa hukbong bayan. Inihahanda ang pagbubuo ng mga dagdag na platung gerilya para maipalaganap at masinsin pa ang pakikidigmang gerilya sa buong lawak at haba ng Cagayan Valley.

Inaasahan ng mamamayan sa Cagayan Valley at buong bansa na sa taong 2022, higit na sisigla ang rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan at patuloy na lalakas ang hukbong bayan para ipaglaban ang pambansa at panlipunang kalayaan.

Mabibigo muli ang taning ng reaksyunaryong estado sa pagdurog sa New People's Army