Mabuhay ang Christians for National Liberation sa ika-50 taong anibersaryo nito!
Ipinapaabot ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mainit na rebolusyonaryong pagbati sa Christians for National Liberation (CNL) sa okasyon ng ika-50 anibersaryo nito. Bilang magkakaalyado sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), ang PKP at CNL ay mahigpit na nagtulungan ng limang dekada para isulong ang mga hangarin ng mamamayang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Sa nagdaang limampung taon, nagluwal ang CNL ng malaking bilang ng mga rebolusyunaryo, kadre ng Partido at mga Pulang mandirigma na hinubog ang kanilang pananampalataya at bokasyon sa paglilingkod, tungo sa isang walang pag-iimbot na pag-aalay ng kanilang mga buhay para sa adhikain ng api at pinagsasamantalahan. Hindi iilang mga kasapi ng CNL ang naging mga lider ng Partido at kumander ng BHB at bumalikat sa mabibigat na tungkulin ng paglulunsad ng demokratikong rebolusyong bayan. Ang ilang namumunong kasapi ng NDFP ay nagmula sa CNL.
Parangalan natin ang mga rebolusyonaryong bayani at martir na nagmula sa hanay ng CNL. Ang pinakamataas nilang sakripisyo para sa rebolusyonaryong adhikain ng bayan ay habampanahong aalalahanin.
Ang CNL ay binuo sa mismong ika-100 taong anibersaryo ng pagkamartir nina Padre Mariano Gomez, Jose Burgos at Jacinto Zamora (na kilala sa bansag na Gomburza) na ginarote ng kolonyal na gubyerno ng Spain dahil sa kanilang pagtuligsa sa mga pang-aabuso at sa paggampan ng papel sa pag-aaklas ng mga Pilipino sa Cavite. Sa takbo ng kasaysayan, may mga Pilipinong relihiyosong personahe ang gumampan ng aktibong papel sa pakikibaka laban sa magkakasunod na kolonyal na kapangyarihan at pakikibaka para sa tunay na pambansang kalayaan.
Ang pagkakatatag ng CNL limampung taon na ang nakararaan ay bahagi ng makasaysayang pagpapatuloy ng progresibong pag-iisip at aktibismo ng mga Pilipinong Kristyano at iba pang relihiyoso. Ang CNL ay kabilang sa matatatag na tumindig laban sa batas militar at nagsulong ng puspusang pakikibaka laban sa pasistang diktadura.
Sa takbo ng kasaysayan nito, matagumpay na hinamon ng CNL ang reaksyunaryo, konserbatibo at kleriko-pasistang mga pwersa na nangingibabaw sa Simbahang Katoliko at ibang relihiyosong denominasyon, at humikayat sa maraming relihiyosong paham tungo sa layuning progresibo at rebolusyonaryo. Ang aktibong partisipasyon ng CNL sa demokratikong rebolusyong bayan ay malinaw na nagpapatunay na ang mga komunista at hindi komunista ay maaaring magtulungan para sa mithiin ng pambansa at panlipunang pagpapalaya.
Patuloy na gumagampan ng mahalagang tungkulin ang CNL sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Tumutulong ito sa paglalantad sa kabulukan ng imperyalismo, pyudalismo at buruktratang kapitalismo na patuloy na umaapi at nagsasamantala sa malawak na masa ng manggagawa, magsasaka at lahat ng mamamayang Pilipino.
Tulad ng nagsilbing tanglaw noong madilim na panahon ng batas militar, layunin ng CNL ngayon na magsilbi na tagapagbigay-liwanag sa harap ng malawakang panlilinlang at tangkang pagpapanumbalik sa korap at mapandambong na paghahari ng mga Marcos at pagpapalawig ng tiranya ng dinastiyang Duterte.
Patuloy na dinadala ng CNL ang mithiin ng mamamayan para sa pambansang demokrasya sa mga relihiyoso at malapad na sektor ng lipunan at hinihikayat ang sa ilampung libo na bagtasin ang landas ng militanteng pakikibaka at rebolusyonaryong paglaban. Patuloy din nitong ipinababatid ang kawastuhan at pangangailangan na magsulong ng digmang bayan, gayundin ang hangarin ng mamamayan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
Mabuhay ang Christians for National Liberation!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang demokratikong rebolusyong bayan!
Mabuhay ang mamamayang Pilipino!