Mabuhay ang rebolusyonaryong mamamayan sa Isla ng Mindoro! Magpunyaging isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!

,

Pinagpupugayan ng National Democratic Front of the Philippines – Mindoro ang ika-49 anibersaryo ng pagkakatatag ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP)!

Apatnapu’t siyam na taon na ang nakalipas, makasaysayang itinatag ng Partido Komunista ng Pilipinas ang NDFP sa layuning pagkaisahin ang pinakamalawak na masa ng sambayanan –mga manggagawa at magsasaka at lahat ng uring pinagsasamantalahan at inaapi upang kamtin ang pambansang demokrasya at gapiin ang mapagsamantalang pwersa ng imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo sa pamamagitan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. May mapagpasyang tungkulin ang NDFP na pukawin, organisahin, at pakilusin ang lahat ng aping mamamayan upang pabagsakin ang paghahari ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at sa pagtatatag ng panibagong lipunan alinsunod sa programa para sa demokratikong rebolusyong bayan ng Partido.

Sa saklaw ng isla ng Mindoro, magiting na itinataguyod ng NDFP ang tungkulin nitong pagkaisahin ang mga Mindoreño at bigyan ng pambansa-demokratikong direksyon ang kanilang pakikibaka alinsunod sa linya ng pagsusulong ng digmang bayan. Ang ating mga tagumpay sa gitna ng mga kinakaharap na mga balakid ay mga patunay na nalikha natin ang isang hindi matitibag na muog. Sa kabila ng walang puknat na atake upang lipulin ang ating hanay, nagawa nating magpunyagi’t magpalakas kasabay ng makihamok sa kaaway. Ang pagtatakda sa Mindoro bilang “eye of the storm” ng rehimeng US-Duterte pagpasok ng taong 2021, ay nagpapakita ng lakas ng ating rebolusyonaryong kilusan sa isla, at nagsisilbing hamon din sa atin upang patuloy na makipagkaisa sa lahat ng inaaping mamamayan na muhing-muhi na sa kasalukuyang reaksyunaryong rehimeng US-Duterte.

Sa ilalim ng madugong panunungkulan ng kriminal na rehimeng US-Duterte, kabi-kabilaang paglabag sa karapatang pantao ang ginawa nito sa mamamayang Mindoreño. Mula sa mas pinatinding focused military operations (FMO) at retooled community support program operations (RCSPO), libu-libong mga minoryang Mangyan at magsasaka ang sapilitang nagbakwit mula sa kanilang mga komunidad dulot ng pambobomba, panganganyon, pang-iistrapping at mga operasyon ng mga berdugong AFP at PNP-MIMAROPA. Bukod sa paghahasik ng terror sa kabundukan, patuloy din ang panggigipit, pamamaslang, at panghuhuli sa mga mamamayang lumalaban kahit sa kapatagan. Ang pagyurak na ito sa karapatang pantao ay nagsisilbing huling pako sa kabaong ng mga karapatan ng mamamayang Mindoreño, na noon pa may sinadlak na sa matinding kahirapan at bigwas sa kabuhayan dulot ng mga mapaminsalang polisiya tulad ng Rice Tarrification Law, pagpapatupad ng TRAIN Law at palpak na tugon sa pandemyang COVID-19 sa gitna ng malulupit na mga lockdown. Nakaamba ring pahirapan ang mamamayang Mindoreño sa mga proyektong itataguyod ng rehimen sa pagtanggal nito sa pagbabawal kapalit ng pagpapahintulot sa mapaminsalang open-pit mining upang kumita ng bilyun-bilyong tubò ang mga dayuhang kumpanya ng mina sa isla. Dagdag pa ang pagpapatuloy ng Tamaraw Reservation Expansion Project, Expanded National Integrated Protected Area Systems (RA11038), at mga Renewable Energy Projects na magtitiyak sa malawakang pang-aagaw ng lupa at likas na yaman na magdudulot ng mas grabeng kahirapan laluna sa mga minoryang Mangyan at magsasaka.

Sa tumitinding antas ng tunggalian sa pagitan ng kampon ng mga mandarambong na pinangungunahan ng paksyong Duterte-Marcos-Arroyo at ng sambayanang Pilipino na ating kinakaharap ngayon, nasa ating mga rebolusyonaryong mamamayan ang mabigat na tungkuling puspusang ibigay ang ating ganang kaya upang palakasin ang pagsusulong ng ating digmang bayan. Mahalaga ang tungkulin nating biguin ang final push ng kriminal na rehimeng US-Duterte sa lahatang panig ng labanan: ligal, iligal, armado at hindi armado. Gawin nating okasyon ang masiglang pampulitikang klimang hatid ng eleksyon 2022 upang ibuhos ang buong lakas sa pakikibaka upang ganap na wakasan ang paghahari ng tiranya sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalawak ng mga pwersang titindig laban sa patuloy na paghahari ng pangkating Duterte at panunumbalik ng mga Marcos sa Malacañang. Hamon sa atin na abutin at buuin ang pagkakaisa at mapakilos ang puo-puong milyong mamamayan upang mabuo ang higanteng lakas upang ganap na wakasan ang tiranikong paghahari ng pangkating Marcos-Duterte.

Marapat lamang na buong sigasig nating palawakin ang mga organisasyon ng mamamayan at isagawa ang mga kampanya upang makapag-ambag sa pambansang pakikibaka ng sambayanang Pilipino sa pagpapabagsak sa pasistang paghahari ng tiranong si Duterte. Kasabay nito, kailangang buong sikhay ding gawin ang buong makakaya ng bawat alyadong organisasyon ng NDFP-Mindoro na iambag ang mas maraming pinakamahuhusay na anak ng bayan sa Bagong Hukbong Bayan. Sa pamamagitan nito, mabubuo natin ang pangunahing lakas sa pagsusulong ng armadong pakikibaka upang gawing posible ang pag-agaw sa kapangyarihang pampulitika mula sa kamay ng mga kaaway ng sambayanan.

Sa kasalukuyang nagaganap sa ating bayan, malinaw pa sa sikat ng araw ang kawastuhan ng pagsusulong ng dakilang pambansa-demokratikong rebolusyon. Sa ganito, lalu tayong nabibigyan ng inspirasyon at naitutulak na magpunyagi at mahigpit pang yakapin ang landas ng pagrerebolusyon! Tanging sa tagumpay lamang ng pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba natin makakamit ang isang malaya, masagana at makatarungang lipunan!

Mabuhay ang nakikibakang mamamayan!
Mabuhay ang sambayanang lumalaban!
Isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon!
Mabuhay ang National Democratic Front of the Philippines!

Mabuhay ang rebolusyonaryong mamamayan sa Isla ng Mindoro! Magpunyaging isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!