Mabuhay si Ka Pia, huwarang kabataan at Pulang mandirigma! Kabataan, tularan si Ka Pia, isulong ang digmang bayan!
Pinakamaalab na pulang saludo ang alay ng Melito Glor Command-NPA ST kay Kasamang Justine Ella “Ka Pia” Vargas, Pulang mandirigma na nasawi sa labanan sa Barangay Gapasan, Magsaysay, Occidental Mindoro nitong Setyembre 14. Isa siyang kabataan at manggagawang pangkalusugan na walang pag-iimbot na nag-alay ng kanyang lakas at talino sa pagtatanggol at pagsusulong ng kapakanan at interes ng sambayanang Pilipino. Huwaran siya ng pagpupunyagi sa pambansa demokratikong rebolusyon sa harap ng kalupitan at pasismo ng estado.
Nagmula si Ka Pia sa isang pamilyang mangingisda sa isla ng Paly sa Palawan, maaga siyang namulat sa pangangailangang makibaka para sa karapatan at kabuhayan. Kasama ang kanyang pamilya at buong komunidad, nakibaka siya upang pigilan ang pangwawasak sa kanilang kabuhayan at tirahan. Nilabanan niya ang pagtatayo ng mga proyektong ekoturismo na magdidisloka sa kanilang kabuhayan. Tinutulan niya ang pagpasok ng mga mapanirang kumpanya ng mina sa kanilang probinsya.
Sa kanyang pakikibaka, nasaksihan niya kung papaano nakikipagkutsabahan ang reaksyunaryong gubyerno sa mga dayuhang negosyo at malalaking burgesya kumprador upang dambungin ang yaman ng isla ng Palawan. Nakita niya ang kahungkagan ng pangakong kaunlaran na isinusubo ng naghaharing uri at mga burukrata sa tulad nilang mahihirap. Natunghayan niya ang pandarahas ng estado sa mga taong lumalaban para sa kanilang lehitimong karapatan.
Ang pagsidhi ng krisis at pagtindi ng pasismo ang panlipunang kalagayan na humubog sa rebolusyonaryong pagpapasya ni Ka Pia. Naunawaan niyang hindi makakamit ng mga inaapi’t pinagsasamantalahan ang katarungan at tunay na demokrasya’t kalayaan sa kasakuluyang bulok na lipunan. Kailangang magrebolusyon upang mabunot ang ugat ng kahirapan at maitayo ang gubyernong bayan na tunay na maglilingkod sa mamamayan.
Ang pagsapi sa NPA ang nakitang paraan ni Ka Pia upang makapag-ambag sa adhikaing palayain ang mamamayan mula sa kahirapan at pang-aapi. Sa kanyang isang taon bilang NPA, nakitaan siya ng dedikasyon at kasigasigan sa pagtupad sa mga atas at gawain. Pinakamaningning na bahagi ng kanyang pagiging NPA ang paggampan niya bilang upisyal medikal ng Hukbo sa panahon ng pandemyang COVID-19. BIlang rebolusyonaryong medical frontliner, tumungo siya sa mahihirap na komunidad sa Mindoro upang giyahan ang kanilang pagharap sa sakit na COVID-19. Sa kanyang paglahok sa digmang bayan, sabay niyang ginagamot ang sakit ng mamamayan at binibigyang-lunas ang kanser ng lipunan.
Punung-puno ng inspirasyon ang kwento ng buhay at pakikibaka ni Ka Pia para sa mamamayang nagpupursige sa paglaban hanggang sa mapabagsak ang rehimeng Duterte. Hindi ito kayang dungisan ng itim na propaganda ng AFP-PNP. Lantad ang kahibangan ng rehimen at AFP-PNP sa paggamit nito sa pagkasawi ni Ka Pia upang maghasik ng takot at pahinain ang pakikibaka ng mamamayan. Mariing kinukundena ng MGC ang red-tagging ni Lt. Col. Alexander Arbolado ng 203rd Brigade sa mga demokratikong organisasyon sa komunidad ni Ka Pia at pagmamalaki niya na “sumuko na” ang magulang ng nasawing kasama. Wala itong ibang layunin kundi ipahamak ang pamilya’t komunidad ni Ka Pia at pasahulin ang tuluy-tuloy na karahasan sa Palawan sa kumpas ng kontra-rebolusyonaryong NTF-ELCAC at JTF-Peacock.
Nagkakamali ang rehimeng Duterte at AFP-PNP sa pag-iisip na nagtatagumpay sila sa pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan tuwing may napapaslang silang NPA. Galit, hindi takot, ang itinatanim nila sa puso ng mamamayan. Ang terorismong pinapakawalan nila ang nagtutulak sa aping mamamayan na bumaling sa armadong pakikibaka para ipagtanggol ang sarili at kamtin ang katarungan.
Ngayong katindihan ng terorismo ni Duterte, dakilang hamon sa kabataang Pilipino na nagmamahal sa kanyang kapwa at sa bayan na sundan ang yapak ni Ka Pia at taus-pusong maglingkod sa sambayanan. Nananawagan ang MGC sa lahat ng kabataan na tugunan ang hamong ito at lumahok sa demokratikong rebolusyong bayan bilang mga mandirigma at kumander ng NPA. Kasama ang mga manggagawa, magsasaka at lahat ng inaaping uri, igupo natin ang mersenaryong AFP-PNP hanggang maibagsak ang papet, inutil at teroristang rehimeng Duterte. Ibayo nating palakasin ang NPA at ipagwagi ang rebolusyon upang makamtan ang maaliwalas at masaganang bukas sa lipunang Pilipino.###