Madaming mga residente ng MP, tumangging mabakunahan
Sa isinagawang pangangalap ng impormasyon ng Cordillera People’s Democratic Front – Mountain Province, napag-alaman na hindi lamang iilan ang mga residente ng Mountain Province ang tumangging mabakunahan laban sa COVID-19 sa iba’t ibang dahilan. Marami ang tumangging mabakunahan, partikular ang mga senior citizens, pagkatapos maiulat ang ilang mga masamang epekto ng bakuna.
“Noong una’y pinag-iisipan ko talagang magpabakuna. Pero matapos kong malaman na may mga side effects pala tulad ng biglang pagtaas ng blood pressure, takot na akong magpabakuna,” sabi ni Manang Eva’%, isang senior citizen at residente ng Besao. Sabi naman ni Manah Lou’, residente ng Tadian, nagpatawag ng pagpupulong sa kanilang barangay hinggil sa bakuna, at lahat ng mga senior citizen na dumalo ay hindi nagboluntaryong magpabakuna. Ang ilan ay umatras sa pagpapabakuna matapos inanunsyo ng Department of Health hindi naman talaga mapipigilan ng anti-COVID vaccine ang katawan sa pagkakasakit, bagkus mababawasan lamang ang mga sintomas na mararamdaman. “Bakit ka pa magpapabakuna kung magkakasakit ka pa rin pagkatapos?” sabi ni Manang Mel*, residente ng Sagada. Ang ganitong mga sentimyento ay lalo pang nagatungan pagkatapos maiulat na ilang mga health workers sa kabilang probinsya ng Kalinga ang nagpositibo pa rin sa COVID-19 kahit na sila’y nabakunahan na.
Sa gitna ng malawakang pagdududa at kawalang-tiwala sa anti-COVID vaccination sa hanay ng i-Montanyosa, ang CPDF MP ay determinadong ikampanya ang pagpapabakuna kasabay ng kampanya para sa pagpapalakas ng sistemang pangkalusugan ng mga komunidad at resistensya ng mamamayan laban sa kahit anong virus. “Ang malawakang pagdududa sa mga bakuna ay dahil sa malaking kawalan ng pagpapakalat ng impormasyon sa mamamayan. Palalakasin ng mga rebolusyonaryong pangmasang organisasyon sa mga baryo ang kanilang gawain sa pagpapalaganap ng impormasyon hinggil sa COVID-19,” sabi ng CPDF MP. Ayon sa isang artikulo noong Marso 2021 sa Dangadang, ang rebolusyonaryong publikasyon sa Ilocos-Cordillera, makakatulong ang bakuna sa katawan upang makalikha ng mga anti-bodies sa paglaban sa mga partikular na uri ng virus. Ipinaliwanag din sa artikulo ang kahalagahan ng pagpapabakuna ng mayorya at magkaroon ng kakayanan na makalikha ng mga anti-bodies laban sa COVID-19.
Samantala, patuloy ang Leonardo Pacsi Command (New People’s Army – Mountain Province) sa pagbibigay ng mga serbisyong medikal sa mga taga-baryo habang hinaharap ang tuloy-tuloy na operasyong militar. “Nakakalungkot at nakakagalit na ang rehimeng Duterte ay mas naka-pokus pa sa pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan kaysa seryosong lutasin ang pandemya. Ang aming mga yunit medikal ay magpapatuloy sa kanilang gawaing pangkalusugan sa mamamayan kahit tuloy-tuloy ang mga atake ng AFP at PNP. Batayang karapatan ng mamamayan ang libre, abot-kaya, at de-kalidad na serbisyong pangkalusugan,” sabi ni Magno Udyaw, tagapagsalita ng NPA MP. “Kasabay ng aming gawaing pang-medikal, palalakasin rin ng Hukbo ang mga programa nito para sa rebolusyong agraryo, tulad ng pagpapataas ng antas ng produksyon sa pagkain at medisinang herbal, bilang bahagi ng ating kampanya laban sa COVID-19,” dagdag ni Udyaw. Sa huli, muling idiniin ng CPDF MP ang karapatan ng mamamayan sa ligtas at epektibong bakuna, at bilyun-bilyong pondo para sa militar at kontra-insurhensya ay dapat mailipat sa pangkalusugan at iba pang batayang serbisyong panlipunan.#
*Ang kanilang mga tunay na pangalan ay hindi binanggit sa dahilang pang-seguridad