Magbigkis at lumaban! Pag-alabin ang mga pakikibaka para sa trabaho, sahod, karapatan at hustisyang panlipunan!
Taas-kamaong pagbati ang ipinaaabot ng NDFP-ST sa manggagawang Pilipino sa okasyon ng ika-118 Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Sa harap ng panunupil ng rehimeng US-Duterte at pandemya, kapuri-puri ang kanilang pagpupursige na isulong ang kahilingan para sa disenteng trabaho, nakabubuhay na sahod, ayuda, karapatan at kagalingan para sa buong bayan.
Nagpupugay ang NDFP-ST sa mga lider-manggagawa at aktibistang biktima ng teroristang rehimeng Duterte kabilang sina Dandy Miguel at Emmanuel Asuncion na pinaslang nitong Marso. Hanggang sa kanilang huling sandali, ang kapakanan ng uring manggagawa at iba pang uring anakpawis ang kanilang ipinaglalaban. Pulang saludo rin ang alay kay Eddie “Ka Resty” Torrenueva, isang manggagawang nagpasyang sumapi sa Bagong Hukbong Bayan-Quezon at namartir nitong Pebrero. Ang inyong buhay at pakikibaka ang nagsisilbing inspirasyon ng buong kilusang paggawa at sambayanang nakikibaka para sa mas maaliwalas na bukas.
Sinasaluduhan ng NDFP-ST ang mga manggagawa na ngayo’y nagtitipon-tipon sa iba’t ibang panig ng daigdig para ipagdiwang ang pandaigidigang araw ng paggawa at ipahayag ang kanilang puspusang paglaban at determinasyon para wakasan ang pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan ng daigdig sa harap ng pinaigting na atake ng imperyalismo at mga neoliberalistang rehimen sa gitna ng pandemya. Higit sa lahat, itinatanghal natin ang uring manggagawa na nasa taliba ng pambansa demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.
Nag-iibayo ang paglaban ng manggagawang Pilipino bunsod ng kriminal na kapabayaan ng rehimeng Duterte at kasakiman ng mga monopolyo kapitalista sa tubò. Sa taong 2020 at pagtama ng pandemya, umigting ang krisis sa trabaho. Sumidhi ang disempleyo sa bansa tungong 12.7% dulot ng napakatagal na miltaristang lockdown. Nagsara ang maliliit na negosyo at ipinagbawal ang mga aktibidad na pandugtong ng maralita sa kanilang kabuhayan.
Tahasan nang inabandona ng reaksyunaryong gubyerno ang mga manggagawa sa panahon ng pandemya mula lockdown hanggang sa muling pagbubukas ng mga pabrika. Hindi kayang pasunurin ng DOLE ang mga kapitalista sa pagpapatupad ng health protocols, pagsasagawa ng libreng testing, at pagkakaloob ng hazard pay, kumpensasyon para sa mga naka-kwarantina at danyos sa mga nawalan ng trabaho. Hindi rin natiyak ang bakuna para sa manggagawang balik-trabaho.
Hinayaan ng rehimeng Duterte ang mga kapitalista na pigain ang kaya nila mula sa mga manggagawa habang isinasakripisyo ang kalusugan ng mga ito. Nag-oopereyt nang 80% hanggang 100% kapasidad ang karamihan sa mga pabrika—palatandaan na walang physical distancing. Masahol pa rito, pinupwersa ang mga manggagawa na bumalik sa trabaho kahit na mayroon nang kaso ng COVID-19 at wala pang disimpeksyon sa pook-trabaho.
Resulta nito ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa mga engklabong industrial sa TK. Sa Laguna, 30 kumpanya ang nag-ulat ng hawahan sa kanilang pagawaan noong Hulyo 2020. Karamihan din sa higit 20,000 kaso ng COVID-19 sa probinsya ay mula sa mga manggagawa.
Hindi matapos-tapos ang kalbaryo ng mga manggagawa sa ilalim ni Duterte. Nito lamang Abril, muling ipinataw ang MECQ sa NCR at mga katabing probinsya ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal, pinalawig pa nila ang MECQ hanggang kalagitnaan ng Mayo.
Nagbibingi-bingihan din ang rehimen sa mga panawagang magpatupad ng umento sa sahod sa gitna ng pagsirit ng presyo ng mga batayang bilihin laluna ng pagkain. Hindi rin nito inobliga ang mga negosyante na sagutin ang pangangailangan ng mga manggagawang hindi makapagtrabaho.
Sagad na ang pambubusabos sa mga manggagawa ng rehimeng Duterte. Dadaganan lang ng krisis dulot ng pandemya ang mga dati nang suliranin tulad ng malawakang kontraktwalisasyon, mababang sahod, hindi ligtas na pook-trabaho, pagsiil sa karapatang mag-unyon at mga di-makatarungang patakaran sa pagawaan. Sa TK, walo hanggang siyam sa sampung manggagawa ang kontraktwal bago ang pandemya. Napakababa rin ng sahod na lalong binabarat sa pamamagitan ng mga regional wage board at two-tiered wage system.
Sa kabila ng nararanasang krisis sa ekonomiya at krisis sa pampublikong kalusugan na iniluwal ng palpak at militaristang paraan ng paglaban sa Covid-19 ng rehimen, naging abala naman ang pasistang rehimeng US-Duterte sa pag-atake sa kilusang paggawa sa rehiyon. Talamak ang demonisasyon sa pag-uunyon at sabwatan sa pagitan ng mga kapitalista at AFP-PNP para lansagin ang mga lehitimong organisasyon ng mga manggagawa. Walang patawad itong isinasagawa ng mga buktot na anti-komunista kahit may pandemya. Malalang kaso nito ang panggigipit at red-tagging sa mga manggagawa ng Coca-Cola. Ipinipresinta bilang mga diumano’y “sumukong NPA” ang mga manggagawang tinatakot ng kumpanya at Task Force Ugnay ng 2nd ID. Nagsagawa rin ang Southern Luzon Command (SOLCOM), na pinamumunuan ng talamak na red-tagger ng NTF-ELCAC na si Lt. General Parlade, ng mga porum na tinagurian nilang “information forum” para sa demonisasyon at red-tagging ng mga pormasyon ng manggagawa sa Laguna at sa rehiyon. Nagbabahay-bahay, tinatakot at binabraso ang mga unyonista na tumiwalag sa OLALIA. Ginagamit nilang panakot ang pagpapakulong nila kay Arnedo Lagunias, dating lider unyonista ng nagsarang Honda Cars at opisyal ng Alyansa ng Manggagawa sa Engklabo (AMEN) at Steve Mendoza ng OLALIA-KMU.
Subalit mariing nilalabanan ng mga manggagawa ang mga pahirap na patakaran at pang-aatake sa kanilang hanay habang iginigiit ang kanilang mga demokratikong karapatan. Naging sandigan nila ang mga militanteng unyon. Noong 2020, nagkamit ang nagkakailang unyon sa TK ng dagdag sahod para sa mga manggagawa, kumpensasyon sa panahon ng pandemya, health insurance at hakbanging kontra-impeksyon sa mga pabrika. Malinaw sa mga kaganapang ito ang kabiguan ng RTF-ELCAC at buong rehimeng Duterte na wasakin ang pagkakaisa ng mga manggagawa sa rehiyon.
Ramdam na ramdam ng uring anakpawis ang walang habas na pagsasamantala’t pang-aapi kaya’t nag-aalab ang kanilang pagnanais na magrebolusyon. Higit na lumalawak at lumalakas ang Revolutionary Council of Trade Unions-ST. Dumaraming manggagawa ang umaanib sa Partido Komunista ng Pilipinas at yumayakap sa kanilang makauring papel na pamunuan ang rebolusyon hanggang sa makamit ang isang tunay na makatarungang lipunan.
Ginugunita ng rebolusyonaryong mamamayan ng TK ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa na may diwang ibayong palakasin ang kilusang paggawa. Tumutugon ang rehiyon sa kahingiang bigkisin ang mas malawak na bilang ng mga manggagawa. Pag-aalabin ang pakikibaka para sa sahod, trabaho, karapatan at hustisyang panlipunan. Buong giting na haharapin ng rebolusyonaryong kilusan sa pamumuno ng uring manggagawa ang teroristang rehimeng Duterte at imperyalismo saanman kinakailangan—sa mga pagawaan, lansangan, hanggang sa mga larangang gerilya sa kanayunan.