Maghapong aerial strike at pang-aatakeng militar sa Samar, masahol na mukha ng terorismo ng estado

Read in: English

Sa panahong halos mamalimos para sa ayuda at dilat na ang mata sa kagutuman ng sambayanang Pilipino, labis na hindi katanggap-tanggap ang maghapong pagpapaulan ng bomba at pang-aatake ng militar kapwa sa katubigan at kalupaan sa bayan ng Dolores, Eastern Samar noong Agosto 16. Isang malaking sampal sa publiko na ipagyabang pa ng mga berdugong militar bilang tagumpay ang walang pinipiling panahon at labis-labis na pangwawasak sa buhay at kabuhayan ng masang Samarenyo. Ang naturang operasyon ay walang ipinag-iba sa pinsala at panganib sa buhay at komunidad ng mamamayan ng Caramoan noong walang patumangga ring maghulog ng bomba at magpaputok ng mga baril ang mga pwersa ng 83rd IBPA, PAF TOG 5 at Joint Task Force Bicolandia sa Sityo Gogon, Brgy. Lidong, Caramoan noong Agosto 13, 2019. Lampas 230 pamilya mula sa Caramoan at Garchitorena ang sapilitang lumikas at napinsalaan ng kabuhayan.

Pera ng taumbayan ang winawaldas ng mersenaryong hukbo sa kanilang mga mapangwasak na gerang walang ibang biktima kundi ang masang bugbog na ng krisis. Sa isang oras na pagpapalipad pa lamang ng karaniwang attack helicopter gaya ng MG-520, nag-aaksaya na agad ang militar ng P53,714. Liban pa rito ang halaga ng bala at bomba, pangangailangang lohistika at combat pay ng tropang nag-operasyon. Sa isang oras pa lamang na pambubomba ng JTFB sa Lidong, Caramoan, hindi bababa sa P1.5 milyon ang nawaldas. Magkano na lamang kung ganoon ang perang naging abo sa lampas 12 oras na aerial attack sa Samar? Ilang daang pamilya at frontliners na sana ang maaaring nakinabang sa halagang linustay.

Higit sa lahat, masahol na mukha ng terorismo ng estado ang ganitong tipo ng mga atakeng lubhang mapanganib sa sibilyang populasyon at laksa-laksang komunidad. Walang pinipiling target ang ganitong malalakihang pag-atake mula sa ere, lupa at tubig. Napakarami nang kaso kung saan nadadamay at napapahamak ang mga sibilyan dahil sa todo-largang pambubomba at pamamaril na gaya nito– mula sa mga pambubomba sa ere sa Ilocos Norte, Timog Katagalugan, Kabikulan, Eastern Visayas hanggang Mindanao.

Tatak ng berdugong Duterte ang pagsunog sa bahay para patayin ang daga. Ito ang repleksyon ng kanyang desperasyong itulak pa rin hanggang sa huli, kahit sa gitna ng patung-patong na krisis, ang kanyang bigo at mapanglustay na gera kontrarebolusyonaryo. Tiyak na dahil higit na lumalakas at lumalawak ang kilusang masa at rebolusyonaryong kilusan, lalo ring titindi ang pang-aatake ng pangkating Duterte. Dapat paghandaan ng masa ang higit pang malulubha at mapangwasak na mga atake ng mga berdugo at ang katambal nitong higit ding pagsahol ng mga kalagayang panlipunan. Buong pagpapasyang harapin at biguin ang kontramamamayang gera ni Duterte. Hindi mawawakasan kahit ng pinakamapangwasak na mga bomba at ng anumang teroristang atake ng estado ang matatag at mapagpasyang paglaban ng mamamayang walang ibang hangad kundi tunay na pag-unlad, katarungang panlipunan at kapayapaan.

 

Maghapong aerial strike at pang-aatakeng militar sa Samar, masahol na mukha ng terorismo ng estado