Magkaisa at labanan ang lantarang agresyon ng bansang China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea!
Mariing kinokondena ng NDFP-ST ang karuwagan at kawalan ng kongkretong aksyon ng gubyernong Duterte sa harap ng lantarang panghihimasok at paglapastangan ng bansang China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS). Umaasa na lang ang gubyernong Duterte sa kinagawian nitong paghahain ng “walang ngiping” diplomatic protest sa pag-aakalang sa pamamagitan nito ay kusang tatalima ang China at lilisanin ng kanilang mga sasakyang pandagat ang karagatang sakop ng Pilipinas. Subalit pinatunayan na rin sa maraming pagkakataon na hindi tumatalab ang mga paghahain ng diplomatic protest ng Pilipinas sa China dahil paulit-ulit din lang ang mga paglabag at panghihimasok ng huli sa mga teritoryong eksklusibong pag-aari ng Pilipinas. Ang kailangan ay aksyon mula sa taumbayan upang igiit at itulak ang gubyernong Duterte na magpatupad ng mga kongkretong hakbang laban sa lantarang agresyon ng China sa ating teritoryo.
Mahigit nang isang buwan ang pananatili sa Julian Felipe Reef (JFR) ng mga sasakyang pandagat ng China na pinaniniwalaang lulan ang mga maritime militia nito. Wala pang katiyakan kung kailan ito magsisipag-alisan sa ating teritoryo. Ayon sa pinakahuling ulat ng inutil na Department of National Defense (DND) nasa 32, mula sa dating mahigit sa 200 na mga sasakyang pandagat galing China, ang nananatili pa sa JFR. Walang ginagagawa ang DND at AFP kundi ang mag-antay kung kailan kusang-loob na aalis ang mga sasakyang pandagat ng China mula sa ating saklaw na karagatan sa WPS. Hinahayaan lang ng walang-silbing DND at AFP na dambungin at salaulalin ng mga dayuhang Tsino ang mga yamang-dagat ng bansa na dapat mga Pilipino ang pangunahing nakikinabang. Matapang at may impyunidad ang AFP at PNP sa paggawa ng mga karahasan sa mamamayang PIlipino subalit bahag-ang-buntot sa harap ng lantarang agresyon na ginagawa ng bansang China sa JFR. Hanggang sa kasalukuyan, patuloy na nakadeploy ang malaking pwersa ng AFP at PNP sa “kontra-insurhensya” at “anti-terorismo” kaysa ang pangalagaan ang integridad ng teritoryo at bantayan ang panlabas na banta sa seguridad ng bansa. Pangunahing nakatutok sa ulo ng mamamayang Pilipino ang diumanong modernisasyon ng AFP-PNP at pagbili ng makabagong mga kagamitang pandigma kaysa sa pagbibigay proteksyon at pagtatanggol sa pambansang soberenya at integridad ng teritoryo ng Pilipinas laban sa sinumang dayuhang manghihimasok dito.
Lubhang nakagagalit at marapat lamang kondenahin ng sambayanang Pilipino ang ginawa ng barkong pandigma ng China sa pagharang, pagtataboy at paghabol sa mga mangingisdang Palaweño kasama ang TV Crew ng ABS-CBN News Network. Subalit, sa halip na kondenahin at ipagtanggol ang mga mangingisda at TV Crew ng ABS-CBN News mula sa harasment at paghabol dito ng barkong pandigma ng China kahit nangyari sa loob mismo ng karagatan ng Pilipinas, ang mga mangingisda at taga ABS-CBN pa ang sinisi at kinastigo ng AFP. Trabaho ng midya ang maghatid ng balita at impormasyon sa taumbayan sa tunay na nangyayari sa WPS. Wala silang nilalabag na batas dahil naglalayag sila sa karagatang pag-aari ng bansa. Ni hindi pa nga nila nararating ang Ayungin Shoal, na pag-aari din ng bansa, nang harangin, itaboy at habulin sila ng mga sasakyang pandigma ng China.
Nakakabahala ang pangyayaring ito sa Julian Felipe Reef na nasa 175 nautical miles ng Bataraza, Palawan at pasok na pasok sa 200 nautical miles na Exclusive Economic Zone (EEZ) at extended continental shelf ng bansa. Kung hindi mapagpasyang mapapalayas ang mga sasakyang pandagat ng China na naruon ay maaaring matulad ang JFR sa nangyari sa Mischief Reef noong 1995 na tuluyan nang inangkin ng bansang China. Ang Mischief Reef tulad ng Julian Felipe Reef ay nasa loob ng EEZ ng Pilipinas. Hindi pa rin katagalan ang pangyayari sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc noong 2012 na matapos magkaroon ng stand off ay tahasan nang inangkin ng bansang China ang mayamang lugar na pangisdaan ng mga Pilipino. Ang dating malayang karagatang pinanggagalingan ng kabuhayan ng mga mangingisda sa Zambales at Pangasinan ay kontrolado na ng bansang China at mga Pilipino na ang pinagbabawalang mangisda sa sarili nitong pag-aaring karagatan.
Nakabibingi ang katahimikan ni Duterte at nakagagalit ang kawalan nito ng kongkreto at mapagpasyang hakbang laban sa unti-unting pag-angkin ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Patuloy ang kanyang paninikluhod sa bansang China dahil sa kanyang mga nakuhang pakinabang at kurakot mula sa mga kontrata sa pamumuhunan at mga pangakong pautang at bakuna ng China. Wala kang maririnig kay Duterte na mga maaanghang at matatapang na salita laban sa manghihimasok na imperyalistang China taliwas sa kanyang mga pagmumura at mga bantang pagpatay sa mga kababayan nating hindi sumasang-ayon sa kanyang tiwali at palpak na pagpapatakbo ng gubyerno. Ni hindi ito nag-atas ng re-deployment ng pwersa AFP para palakasin ang pagbabantay at pagbibigay proteksyon sa mga teritoryo ng bansa sa WPS. Hindi rin ipinatawag ni Duterte sa Malacañang ang embahador ng China sa bansa para personal itong magpaliwanag sa ginagawa ng kanilang bansa sa JFR. Hindi makakapagpalayas sa mga sasakyang pandagat sa China na nasa loob ng teritoryo ng bansa ang mga paglalathala ng selfie at video ni Duterte sa social media.
Mahigpit na sinusuportahan ng NDFP-ST ang panawagan ng Communist Party of the Philippines (CPP) para sa pagbubuo ng Pambansang Nagkakaisang Prente laban sa tinagurian nitong “Chinese imperialist maritime annexation.” Kailangan ang taumbayan na ang mapagpasyang kumilos upang ipaglaban at ipagtanggol ang pambansang soberenya ng bansa mula sa manghihimasok na imperyalistang China. Bubuuin ang nagkakaisang prente ng mga demokratikong pwersa mula sa hanay ng batayang masa, mga konserbatibong grupong oposisyon, mula sa ilang elemento ng naghaharing rehimen at pwersang sundalo at pulis para pagkaisahin ang lahat ng mga pagsisikap na igiit at ipagtanggol ang soberenya ng bansa at itaboy ang mga mangangamkam-ng-teritoryo na imperyalistang China, ayon sa pahayag ng CPP.
Nananawagan din ang NDFP-ST sa lahat ng mga kaalyadong organisasyon nito at mga kaibigan na kumilos at ipahayag ang malakas na nagkakaisang tinig at pusisyon ng sambayanang Pilipino na dapat respetuhin ng mga dayuhang imperyalistang kapangyarihan ang pambansang soberenya ng bansa at wakasan ang pang-ekonomyang pandarambong at paglapastangan sa likas na yaman ng Pilipinas. Makabayang tungkulin ng lahat ng Pilipino na ipagtanggol ang pambansang soberenya mula sa lahat ng uri ng panghihimasok ng mga dayuhan—mapadagat, lupa at himpapawid man ito. Sabi nga ng CPP, sa harap ng lantarang pang-aagaw ng teritoryo at pandarambong China sa mga yamang rekurso ng bansa, ang bayan ay kailangan bumangon at lumaban bilang isa at magkakasama.
Ang nagkakaisang tinig at pagkilos ng lahat na makabayan at patriotikong Pilipino ay magsisilbing malakas na mensahe sa lahat ng imperyalistang kapangyarihan na kailanman ay hindi palulupig ang sambayanang Pilipino sa mga dayuhang kapangyarihan tulad noong kapanahunan ng mananakop na bansang España, ng USA at Hapon. ###