Magkaisa, Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Magtatapos na ang termino ng rehimeng US-Duterte ngunit walang pagbabago sa kanyang gubyerno. Ang naghihingalong ekonomya na tumatagos sa krisis sa pulitika at kultura ay lalo lamang pinatindi ng rehimen. Sa loob ng limang taon ng kanyang administrasyon todo-largang ipinatupad niya ang mga batas sang-ayon sa interes ng mga naghaharing uri. Higit niyang ibinuyangyang ang bansa sa mga dayuhang kapitalista kahit pa ang bansa ay nakararanas ng matinding krisis at kahirapan dahil sa sunud-sunod na pananalasa ng mga sakuna at pandemya.
Magdadalawang taon nang nagdurusa ang mamamayan sa pananalasa ng Covid-19. Lagpas limang taon na rin ang matinding pasakit ang nararanasan ng mamamayan sa ilalim ng rehimeng US-Duterte. Ang pinakamahaba at pinakamarahas na lockdown sa buong Asia na ipinataw ni Duterte ay hindi naman nagdulot ng pagbaba ng mga kaso ng Covid-19. Mahigit isang milyon at kalahati na ang tinamaan ng bayrus samantalang daang libo na rin ang namatay dito.
Litaw ang kamangmangan ng Inter-Agency Task Force on Covid-19 (IATF) sa kung papaano makokontrol ang pagkalat ng bayrus dahil sa arbitraryong pagpapasa at pagbawi ng mga community quarantine qualifications sa mga komunidad, siyudad at probinsya. Ano ba naman ang maaasahan sa isang task force na kalakhan ay mga heneral at wala ni isang patak ng kaalamang medikal? Mas mabilis pa sa alas-singko ang pagpataw nila ng mga parusa para sa mga sumusuway sa mga health protocols na kung ituring nila ay mga kriminal.
Ang bakunang inaasahan sana ng mamamayan na makapagbibigay sa kanila ng proteksyon, hanggang sa kasalukuyan ay nakararating lamang sa malalaking syudad at piling rehiyon. Kung mayroon mang ilang nakakarating sa mga liblib na lugar, kailangan pang bumiyahe ng mga tao sa bayan para magparehistro at mabakunahan.
Sa Bikol, wala pang malinaw ng distribusyon ng mga bakuna. Kung mayroong nakakarating sa ilang mga bayan ay kailangan pang sadyain ng mga tao sa sentrong bayan. Wala ring komprehensibong plano upang mapataas ang antas ng pag-unawa at pagtanggap ng masa sa bakuna. Dagdag pa, marami sa kanila ang nagdadalawang-isip na magpatingin sa mga clinic centers at ospital dahil sa tiyak na kakambal nitong gastusin. Mayroon lamang 109 ospital sa rehiyon na PhilHealth accredited. Kahit pa nga may Philhealth, lampas kalahati pa rin ng gastusin ay nanggagaling sa bulsa ng mga pasyente.
Masahol pa, komersyalisado na ang serbisyo, kulang ang mga pasilidad at kagamitan para sa mga pasyente, kulang din ang mga nars at doktor. Mayroon lamang 13 doktor na nakadeploy sa kanayunan ng Bikol. Kung mayroon mang mga volunteer, kulang pa rin upang punuan ang pangangailangan ng libu-libong tinatamaan ng bayrus.
Matagal nang umaaray ang sektor pangkalusugan sa kapabayaan ng gubyerno. Sa pagharap sa pandemya, sukat na manlimos ang mga health workers makamit lang ang pangakong compensation at allowance para sa kanila. Kinailangan pa nilang mangalampag sa Department of Health para ilabas ang pondo para rito.
Sa kabila nito, patuloy namang pinalolobo ng rehimen ang pondo ng AFP at pinalalaki ang pwersa nito. Daan-daang militar ang ideneploy kapwa sa kalunsuran at kanayunan para umano magbantay ng mga lumalabag sa lockdown. Mala-batas militar at puro kontra-mahihirap na restriksyon din ang ipinataw ng IATF. Hindi nakapagtatakang unahin ni Duterte na busugin ang kanyang mersenaryong hukbo dahil ito ang kanyang masasaligan sa paghahasik ng teror laban sa mamamayan. Walang sinumang rehimeng naupo sa kapangyarihan ang nagtuon ng pansin sa kapakanan ng mamamayan.
Wala ibang maaasahan ang mamamayan sa pagharap sa Covid-19 at pagtugon sa mga kahingian ng sektor pangkalusugan kung hindi ang kanilang mga sarili. Hanggang patuloy na umiiral ang bulok na sistema at nananatili sa poder ang mga papet na gaya ni Duterte, hindi mabibigyan ng angkop na solusyon ang pandemya at hindi mareresolba ang mga pundamental na kahinaan sa usaping pangkalusugan at iba pang sosyoekonomikong sektor. Dahil dito, kinakailangang paigtingin ang kampanyang masa sa paggiit ng karapatan sa maayos at abot-kayang serbisyong medikal at iba pang karapatang tao. Dapat magtulungan ang rebolusyonaryong kilusan kapwa sa kanayunan at kalunsuran upang makapagpalaganap ng sapat na impormasyon hinggil sa mga bakuna at pakinabang ng pagpapabakuna para mapawi ang agam-agam ng masa.
Nananawagan ang Makabayang Samahang Pangkalusugan – MSP Bikol sa lahat ng uring inaapi at pinagsasamantalahan na magkaisa upang wakasan na ang rehimeng US-Duterte. Singilin at panagutin siya sa kanyang kriminal na kapabayaan, kainutilan, pasismo at pangangayupapa sa mga lokal at dayuhang amo.
Magkaisa at lumaban!
Isulong ang Digmang Bayan!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!