Magkakasunod na kasinungalingan ng 9th IDPA at RTF-ELCAC sa Camarines Sur at Masbate
Iwinawasiwas ng 9th IDPA at Regional Task Force End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) sa mga balita ng Bombo Radyo ang kainutilan ng rehimeng US-Duterte sa pagharap sa armadong pag-aaklas ng mamamayan. Nitong mga nagdaang araw, walang pag-aatubiling ilinabas ng 9th IDPA ang mga pekeng balita ng engkwentro sa Bongalon, Sagñay, Camarines Sur at pagsurender ng 18 kabataang menor de edad mula sa ilang baranggay ng Aroroy, Masbate.
Muli, mga sibilyang magsasaka ang kanilang mga naging biktima may maipaghambog lamang sa madlang bayan. Walang naganap na labanan sa pagitan ng BHB-Camarines Sur at anumang pwersa ng mersenaryong hukbo. Recycled na mga armas na nailibot na sa buong rehiyon para sa kanilang mga photo operations ang ibinabandera ng 83rd IBPA. Tulad ng kanilang ginawa sa Anas, Masbate, props sa entablado ang pagturing nila sa dalawang sibilyang kanilang pinaslang para makumpleto ang nilulubid nilang kwento ng ekwentro sa Sangay. Kasuklam-suklam na maging mga bata at kabataan ay hindi ligtas sa kampanyang saywar ng RTF-ELCAC sa rehiyon. Malinaw at mahigpit na ipinatutupad ng BHB-Bikol ang patakaran sa pagrerekluta ng 18 taon pataas ng mga mandirigma para sa Pulang Hukbo. Ang mga batang ihinarap ng 22nd IB sa Aroroy ay hindi mga kasapi ng Jose Rapsing Command-BHB Masbate at pawang mga sibilyang kabataang sapilitang ipinaloob sa programa ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program.
Habang papalapit ang pagtatapos ng termino ni Duterte at ang kanyang State of the Nation Address (SONA), pinabangis ang pananagasa ng pasismong terorismo sa iba’t ibang panig ng bansa. Habang nagsisimulang magbangayan at maghanayan ang mga pulitiko sa kanilang paghahanda para sa eleksyong 2022, gumegewang ang super majority ng pangkating Duterte. Ilinalagay nito sa alanganing pusisyon ng juntang militar sa bansa. Hindi bibitiw sa poder ang lasing sa kapangyarihang berdugong pangkatin na kinakalinga at ipinagtatanggol ni Duterte. Isasakripisyo nila ang buhay at kagalingan ng daang milyong Pilipino para mangunyapit sa poder.
Batid ng mamamayang Pilipino at Bikolano na hindi na sasapat ang kanilang pagkamuhi sa pang-aabuso at kabangisan ng rehimeng US-Duterte. Ang liwanag at pag-asang ihinahatid ng pagrerebolusyon ang nagpapatatag sa mamamayang panghawakan ang armadong pakikibaka para ipagtanggol ang kanilang sarili at pandayin ang isang bukas na masang inaapi’t pinagsasamantalahan ang magtatakda ng kasaysayan.
Hinahamon ng NDF-Bikol ang mga kagawad sa midya, laluna na ang Bombo Radyo, na bigyang daluyan ang perspektiba ng mamamayang Bikolanong anakpawis na nakararanas ng pinakamatinding bigwas ng pasistang terorismo ng estado. Nananawagan din ang NDF-Bikol sa lahat ng Bikolanong manindigan laban sa paglaganap ng kabangisan sa rehiyon, tipunin ang kanilang lakas at ituon ang bigwas nito sa kanilang pangunahing kaaway-ang RTF-ELCAC at rehimeng US-Duterte.
Nasa satuyang kamot an pag-abot kan liwanag asin katrangkiluhan!
Magkasararo, labanan an panwawaras kan kadikluman kan RTF-ELCAC!