Magpalakas para sa lahatang-panig na pagsulong! Iabante ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!
Isang maalab at taas-kamaong pagpupugay sa lahat ng mga pulang kumander, mga opisyal at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan para sa ginintuang taon ng pagkakatatag nito bilang tunay na hukbo ng mamamayang Pilipino! Taas-kamaong pagbatin din sa lahat ng kadre at kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas na walang-kapagurang gumagabay at namumuno sa armadong pakikibaka bilang pagkilala na ito ang pangunahin at pinakamataas na porma na paglaban sa naghahari’t mapang-aping uri. Gayun din, marapat na bigyan ng pinakamataas na pagkilala ang lahat ng ating mga rebolusyonaryong martir, kung saan 170 ang martir ng Kalinga. Sila ang mga kasamang hindi nag-atubli at walang pag-iimbot na nag-alay ng kanilang lakas, talino, at buhay para sa pagsulong ng ating rebolusyonaryong mga mithiin.
Malayo na ang ating narating at marami ng tayong naipong mga tagumpay at aral mula nang naitatag ang BHB noong Marso 29, 1969. Pitong taon pagkatapos nito ay narating ng BHB ang probinsya ng Kalinga taong 1976 sa bahagi ng Lubo, Tanudan kung saan sinikap nitong makapagpalawak at makapag-organisa. Sa kasalukuyan, matapos ang mga pag-abante ng gawaing IPO, kahirapan at mga pag-atras dulot ng maling linya, patuloy na nakatayo at nagsisilbi sa interes ng masang pinagsasamantalahan ang BHB sa probinsya at gayun din sa pambansang saklaw.
Tulad ng noong panahon ng pakikibaka laban sa Chico Dam 1-4 ng diktadurang Marcos, kinahaharap muli ng samabayan ang papaigting na banta laban sa kanilang buhay, ari-arian at kinabukasan sa katauhan ng rehimeng US-Duterte. Berdugong maituturin ang rehimeng ito dahil sa walang-habas nitong mga pagpatay sa ngalan ng mga kontra-mamamayang mga gera nito. Sinasangkalan nito ang kapakanan at kinabukasan ng mamamayang Pilipino sa patuloy na paglalako sa mga dayuhan at lokal na kapitalista ng mga lupang ninuno at natural yaman ng bansa upang makapagkamal ng daan bilyong pisong mga pautang at pondo na napupunta lamang sa korapsyon. Pinalalala nito ang agwat ng naghaharing uri at maralitang Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay pabor sa mga batas at patakarang pang-ekonomiyang nagsisilbi sa interes ng mga dayuhan, panginoong maylupa at burgesya kumprador gaya ng TRAIN Law, Rice Tariffication at Jeepney Phaseout.
Sa Kalinga, nagsimula na ang konstruksyon ng 4.37 bilyong pisong halaga na Chico River Pump Irrigation Project (CRPIP) na pinondohan mula sa pautang ng bansang China. CAMC Engineering Co., isang korporasyong tsino ang nagpapatupad ng proyekto kung saan mga manggagawang tsino rin ang magtatrabaho. Gayun din, nagkalat sa buong probinsya ang iba’t ibang proyektong pang-enerhiya gaya ng dam at geothermal. Nagpapatuloy ang panlilinlang at panggigipit ng kumpanyang Chevron-Aragorn sa mga mamamayan ng Pasil- Lubuagan-Tinglayan upang maitulak ang plano nitong geothermal powerplant na aagaw sa ekta-ektaryang lupain ng mga mamamayan ng mga nabanggit na munisipyo.
Ang mga mapanira at mapanlinlang na proyektong ito, mula noon hanggang ngayon, ay kaakibat ng tumitinding pasismo sa buong probinsya. Ang mga berdugong Philippine Constabulary-Integrated National Police (PC-INP) noon ay nag-aanyo na ngayon bilang PNP na kasama ng AFP sa paghahasik ng lagim sa buong bansa. At ang dating tutang Integrated Civilian Home Defense Force (ICHDF) ay ang siya ngayong mga CAFGU. Tuloy-tuloy ang malawakang rekrutment sa hanay ng mga ito at maging sa mga paramilitar gaya ng teroristang CPLA. Patuloy rin ang pagkakampo ng mga reaksyunaryong armado sa mga pampublikong lugar, kabahayan at pamimilit na makapagtayo ng mga detatsment sa loob ng mga baryo. Walang ibang naidudulot ito kundi takot, pagkadistorbo, at paglabag sa karapatan ng mga mamamayan.
Ngunit gaya ng mga pakikibakang masa laban sa Chico Dam, Cellophil Resources, at Batong Buhay Gold Mines noon, sinasalubong ang mga mapanirang proyektong ito ng pagtutol at paglaban ng mamamayan. Aktibong tinututulan ng masa ang Karayan Dam. Malakas at tuloy-tuloy ang oposisyon sa pang-aagaw ng Chevron-Aragorn sa ancestral na lupain ng mga tribo sa Pasil-Lubuagan-Tinglayan. Handa ang masa na ipaglaban ang kanilang mga karapatan. Patuloy silang kumikilos ng sama-sama upang irehistro ang kanilang mga katayuan sa iba’t ibang isyu na kanilang kinahaharap. Tuloy-tuloy ang paniningil ng masa sa gobyerno ng relief at rehab matapos ang mga kalamidad gaya ng Bagyong Rosita at Ompong at maging sa dinaranas na tag-tuyot sa kasalukuyan.
Bilang tugon, siniskap ng BHB na pag-ibayuhin ang responsibilidad nitong iabante ang interes ng masang kanyang pinaglilingkuran sa usaping pang-ekonomiya, pulitika, militar at kultura.
Ang mga matatagumpay na aksyong militar gaya pinakaunang taktikal na opensiba ng BHB taong 1977 sa Kallasan, Lubo, Tanudan laban sa mersenaryong 55th Philippine Army noon at ang reyd sa CAA detatsment sa Ag-agama, Western Uma, Lubuagan ngayon ay iilan lamang sa mga halimbawa ng pagtupad at pangangalaga nito sa kagalingan ng mamamayan.
Inabot ng BHB sa Kalinga noon ang lakas batalyong pwersa ng pultaym na hukbo at lakas platung pwersa ng milisyang bayan sa bawat baryo ng probinsya habang sinisikap na mahusay gampanan ang tungkulin sa pagbubuo ng baseng masa at pagsusulong ng agraryong rebolusyon. Naitayo sa probinsya ang ilang demokratikong gobyernong bayan habang pinapalakas ang produksyon at agrikultura. Limampung taon na pinatutunayan ng BHB na ito ay isang komprehensibong hukbo na naglilingkod sa interes ng masang api.
Hinarap, nilabanan at napangibabawan ng BHB at ng masa ang magkakasunod na mararahas na mga operation plan (oplan) ng mga nagdaan rehimen na gaya ng Oplan Lambat-Bitag 1-4, Oplan Bantay Laya at Oplan Bayanihan na naglalayong durugin ang rebolusyonaryong kilusan ngunit nabigo sa kalaunan. At sa kasalukuyan ay mahusay nating hinaharap at nilalabanan ang lahatang-panig na gera ng rehimeng US-Duterte.
Dumaan tayo sa isang yugto ng pagkakalihis pero sinikap nating bumangon mula rito sa pamamagitan ng paglalagom, pag-aaral at bukas na aktitud upang magwasto. Nagdulot ang mga kamaliang ito ng pinsala sa ating kilusan ngunit dahil sa ating hangaring makamit ang isang patas na lipunan, tayo at patuloy na nagwawasto, nagpupuna, nagsusuri at nagpupunyagi sa tulong ng pinakaabanteng teorya na Marxismo- Leninismo-Maoismo.
Ngayon, hamon sa ating mga pulang kumader at madirigma na patuloy na magpaunlad sa lahat ng antas ng trabaho habang komprehensibong hinaharap ang papatinding krisis ng bulok na lipunan at umiigting na pasismo ng estado. Kailangang lahatang-panig tayong sumulong upang makamit ang mithiing maabot ang abanteng yugto ng estratehikong depensiba sa mga susunod na taon. Kailangan nating magpalakas at magplaki ng pwersa habang tuloy-tuloy na binubuo ang kondisyon para sa pagtatayo ng demokratikong gobyernong bayan at pagsusulong ng agraryong rebolusyon na siyang sagot sa kahirapang dinaranas ng masang anakpawis. Kasama ang masang ating pinaglilingkuran bigyan natin ng diin ang pagpapalaki at pagpapalakas ng ating hanay sa pamamagitan ng masigasig na pagpapasampa mula sa hanay ng mga magsasaka, manggagawa at petiburgesya upang mas epektibo pa nating maharap ang kaaway at mga programa para sa pagsusulong ng agraryong rebolusyon. Kailangan nating mahamig ang malawak na hanay ng masa upang sumuporta at direktang lumahok sa digmang bayan.
Malinaw ang ating kalagayan at nais tunguhin. Kaya naman, malinaw rin ang ating dapat gawin. Hamunin natin ang ating mga sarili na umigpaw sa ating mga kahinaan at magkamit ng mas marami pang mga tagumpay para sa Partido at para sa rebolusyon.
Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan! Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas! Mabuhay ang samabayanang lumalaban!