Magprotesta laban sa pasista at tangang mandato sa bakuna ni Duterte
Dapat batikusin at labanan ng mamamayang Pilipino ang pambansang mandato sa bakuna ng rehimeng Duterte. Ito ay malinaw na diskriminasyon, labag sa batas, pasista, pahirap, at higit sa lahat, walang kwenta at katangahan.
Ang bagong mandato sa bakuna ni Duterte ay panibagong lockdown na naman. Layunin nitong ipataw sa taumbayan ang pasanin ng pagkokontrol sa pandemya at ipawalang-sala ang gubyerno sa pagtanggi nitong balikatin ang gastos sa mass testing, contact tracing, pagpapaunlad sa mga pasislidad sa kalusugan, paggamot sa mga impeksyon at ayudang pangkabuhayan sa milyun-milyong naghihirap na mamamayan. Nananatiling lubhang kulang ang badyet para sa kalusugan sa 2022.
Ang mandato sa bakuna ni Duterte ay tahasang diskriminasyon laban sa higit kalahati ng populasyon ng bansa na hindi pa nababakunahan, kalakhan dahil sa kakulangan ng mga bakuna, at dahil sa gastos at kawalang akses sa pagbabakuna (dahil sa “no work, no pay” na nagdudulot ng kawalan ng kita dahil sa mahahabang pila, gastos sa transportasyon laluna para sa mamamayan mula sa liblib na mga erya at iba pang dahilan.)
Ang atas ni Duterte na ang mga hindi pa nababakunahan ay pagbabawalang lumabas sa kanilang bahay, umikot at magkaroon ng akses sa serbisyong pangkabuhayan at iba pang pampublikong serbisyo ay tuwirang paglabag sa mga karapatang panlipunan, pang-ekonomya at sibil ng mamamayan. Malinaw itong iligal kaya ipinasa ni Duterte sa lokal na mga gubyerno ang responsibildiad na bumubo ng ordinansa para arestuhin o idetine o pagmultahin ang taumbayan.
Dapat tuligsain si Duterte at kanyang mga tagasunod na malalaking negosyo sa pagpapaypay sa pasistang histerya laban sa mga hindi pa nababakunahan. Ang ilang mga sektor, kalakhan sa hanay ng panggitnang mga uri, ay pinasasakay sa ganitong anti-demokratikong kalakaran. Karapatan ng bawat indibidwal kung siya ay magpapabakuna, tulad ng iba pang hakbanging medikal. Responsibilidad ng estado na magsagawa ng komprehensibong kampanyang edukasyon para tulungan ang mamamayan na pangibabawan ang pag-aalangan sa bakuna, at maglatag ng kundisyon para sila ay makapagpabakuna.
Ang atas ni Duterte na pigilan at parusahan ang mamamayang hindi pa nagpapabakuna ay pasista at awtoritaryan at paglabag sa batayang karapatan sa kalusugan ng mamamayan. Ang mga taong nagdadalawang-isip na magpabakuna ay mayroong lehitimong karapatan na magtanong at dapat tugunan ng siyentipikong paliwanag at hindi pag-aresto. Ang mga taong gustong magpabakuna ngunit hindi magawa (pangunahin dahil sa kawalan ng suplay o dahil hindi magawang lumiban sa trabaho o gumastos para sa transportasyon) ay dapat alalayan at hindi parusahan. Dapat magpakita ng habag at pang-unawa sa mayorya ng mga Pilipinong hindi pa nababakunahan.
Itinataguyod ng Partido at ng rebolusyonaryong kilusan ang pagbabakuna bilang siyentipikong paraan para protektahan ang mamamayan mula sa posibleng pagkahawa o pagdurusa sa malubhang sintomas ng mga sakit. Kaugnay nito, iginigiit ng Partido na buwagin ang monopolyo ng malalaking kumpanya sa parmasyutika para maging bukas at demokratiko ang pananaliksik, pagpapaunlad at produksyon ng bakuna, para gawing mas abot-kaya at mura ang mga bakuna, at para itaas ang tiwala at kumpyansa ng mamamayan sa mga bakuna. Dapat gawing aksesibol ang pagbabakuna hindi lamang sa pagbibigay nito ng libre, kundi gawin ring madali para sa mamamayang nais pumunta sa mga sentro ng pagbabakuna sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng transportasyon at bayad na araw ng pagtatrabaho.
Higit sa lahat, walang kwenta at katangahan ang utos ni Duterte. Napatunayan nang hindi mapipigilan ng pagbabakuna ang pagkalat ng bayrus na Covid-19, na ang maraming nabakunahan na ay maaari pa ring mahawa at magkalat ng bayrus, bagaman bumababa ang panganib na magkaroon ng malubhang sintomas o maospital. Lilikha ng malawakang kaguluhan at pasanin sa mamamayan ang lockdown ni Duterte, sa pagpapatupad ng mga tsekpoynt ng pulis na nanghaharang sa mga hindi pa nabakunahan, kahit na wala silang ideya kung paanong tutukuyin alin sa mga ito ang totoo. Kikita lamang ang mga gagawa ng mga pekeng papeles sa pagbabakuna.
Ang pagbabawal sa higit kalahati ng populasyon na maging produktibong kalahok sa ekonomya ay lalo lamang lulumpo sa ekonomya sa harap ng pagsasara at pagkabangkarote ng mga negosyo, malawakang disempleyo, kawalan ng kita, dislokasyon, pagkaantala ng suplay at magdudulot ng ibayong paglubha sa kalagayang sosyo-ekonomiko ng mamamayan.
Sa harap ng bagong bugso ng impeksyon na pinaniniwalaang itinulak ng bagong baryant na Omicron, at sa paglaho ng bisa ng mga bakuna sa Covid-19 sa darating na mga linggo, at habang mas mababa pa sa 2% lamang ang nakatanggap ng booster na bakuna, umiigting ang paggigiit para sa mas epektibong mga hakbangin sa pampublikong kalusugan at mas malaking akses para sa mga bakuna sa Covid-19. Malawakan ang sigaw na ilipat ng gubyerno ang pampublikong pondo para sa pagbibigay ng libreng mass testing, laluna para sa mga manggagawa at estudyante, paigtingin ang contact tracing, mag-empleyo ng mas maraming mga manggagwang pangkalusugan, paunlarin at palawakin ang mga pasilidad sa kalusugan, ihanda ang mga paaralan para sa ligtas na harapang klase at iba pa. Iginigiit ng marami na itigil ang magastos na mga proyektong imprastruktura na nakasalalay sa utang at ilipat ang bilyun-bilyong nakatakdang ipambili ng bagong mga aircraft ng militar, barkong pandigma, misayl pandagat, bomba, mga rocket at artileri.
Nag-uumapaw ang galit ng mamamayan sa panibagong atas sa lockdown at mapagsamantalang patakaran ng rehimeng Duterte. Dapat kumilos ang mamamayan ngayon at ipamalas ang kanilang galit laban sa tumitinding anti-mamamayang tugon sa pandemya ng rehimeng Duterte.