Magprotesta laban sa taas-presyo ng ganid na mga kumpanya sa langis
Dambuhalang tubo ang ibinubulsa ng ganid na dayuhan at lokal na higanteng monopolyo kapitalistang mga kumpanya sa langis sa pagtataas ng presyo ng krudong langis at mga produktong petrolyo na labis na nagpapahirap sa malawak na masa ng mga manggagawa at anakpawis.
Lahat na lamang ay kanilang idinadahilan-ang aklasan sa Kazakhstan noong nakaraang ilang linggo, at ngayon naman ay ang tensyong pinapaypayan ng US at Russia sa Ukraine-upang artipisyal na itaas ang presyo ng langis sa pamamagitan ng ispekulasyon sa pamilihan, o pagmanipula ng suplay at produksyon ng langis. Nagsasabwatan ang mga kumpanya sa langis sa pagtatakda ng mga presyo upang magkamal ng supertubo. Walang kabusugan ang kasakiman ng mga monopolyo kapitalista sa langis.
Sa loob ng dalawang buwan, pitong ulit nang itinaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa Pilipinas, kung saan tumaas nang ₱9.15 ang kada litro ng diesel, ₱6.75 sa bawat litro ng gasolina at ₱8.45 sa kada litro ng gaas. Tumatabo ng malalaking tubo at nagkakamal ng yaman sina Ramon Ang, Cesar Romero at Dennis Uy at mga may-ari at upisyal ng malalaking kumpanya sa langis.
Sa kabilang banda, ang walang-awat na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay nagpapataas sa gastos sa produksyon, transportasyon at presyo ng pagkain at ibang pangangailangan. Sumasadsad ang antas ng pamumuhay ng mamamayan. Pumapatong pa sa pasanin ng mamamayan ang buwis na ipinataw ng rehimeng Duterte sa langis.
Sa walang patid na pagtataas ng presyong petrolyo, ibinibigay ng ganid na mga kapitalista sa masang anakpawis ang lahat ng dahilan na magprotesta para igiit ang pagrolbak sa presyo ng langis. Ang galit ng mamamayan ay ginagatungan lalo ng ganap na kawalan ng malasakit ng rehimeng Duterte sa paghihirap ng milyon-milyong drayber ng dyip at traysikel, mga may maliit na kita, mga manggagawang mababang sahod, mga walang trabaho, magsasaka at iba pang anakpawis.
Dapat igiit ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino ang kanilang mga karapatang panlipunan at pang-ekonomya laluna sa gitna ng malawakang kawalang trabaho, taas presyo, lumolobong utang ng gubyerno, burukratikong korapsyon, pabigat na mga buwis at pagtatambak ng sarplas na produktong dayuhan.
Lalupang pinatutunayan ng garapal na katakawan ng mga kapitalista sa langis at ng rehimeng Duterte ang pangangailangan para humugos ang bayan sa lansangan. Sa kasaysayan, epektibong hinarap ng militanteng paglaban ng sambayanang Pilipino ang pagtaas ng presyo ng langis sa pamamagitan ng mga tigil pasada, rali ng mga estudyante, protesta sa mga komunidad at demonstrasyon sa lansangan.
Dapat labanan nila ngayon at biguin ang mga taktika ng reaksyunaryong estado para patahimikin at lumpuhin sila gamit ang teror, paninindak at panlilinlang. Dapat ibuhos ng malawak na masa ang lahat na pagsisikap para maglunsad ng mga welga, demonstrasyon at iba pang porma ng aksyong masa upang paalingawngawin ang kanilang mga sigaw at wakasan ang kanilang mga paghihirap.