Magpunyagi laban sa legasiya ng pasismo ni Duterte, higit na pakinangin ang gintong pakikibaka ng mamamayan!
Hindi na nahiya ang utak-pulburang si Duterte nang kamakailan lamang ay ipagyabang niya na ang pinakamalaki niyang nagawa sa kanyang buong termino ay ang ma-modernisa ang kanyang sandatahang hukbo. Ni hindi kinilabutan ang inutil na presidenteng ito sa kanyang deklarasyong legasiya niyang maituturing ang pag-una sa pagbusog sa kanyang mga bayarang mamamatay-tao kaysa sa milyun-milyong mamamayang patuloy na nagugutom at nakalublob sa labis-labis na karukhaan.
Sa ngalan ng modernisasyon ng pasistang AFP-PNP, ipinagkait niya ang suportang sosyoekonomiko mula sa mamamayan tulad ng paglalaan ng nararapat na pondo upang mapaunlad ang agrikultura na titiyak sana sa seguridad sa pagkain ng mamamayan. Itinanggi niya ang ayudang dapat mapasakamay ng mga nawawalan ng trabaho sa panahon ng mahihigpit na lockdown at pagkawasak na idinulot ng mapanirang mga sakuna. Ibinuhos niya ang buong atensyon sa pagpaslang sa hindi mabilang na ordinaryong mamamayang ibinuslo niya sa pagiging mga adik, pusher, terorista, supporter ng NPA o NPA. Ito ang tanging iiwan niyang marka sa Bikol at sa bansa – ang patayin sa bala at gutom ang sambayanan.
Ilang bilyong piso na ba ang winaldas niya para sa hindi mabilang na balang tumarget sa masa? Pumugto sa hininga ng bawat isa sa 233 Bikolanong pinaslang sa nanlaban-patay, NPA-kaya-pinatay na modus operandi, RCSP at FMO na pinaraudas niya sa bawat sulok ng buong rehiyon. Ilang bilyong piso ang sinunog niya sa pagpapabagsak at pagpapaulan ng bomba sa mga komunidad, kabilang na ang apat na insidente nito sa Camarines Sur at Masbate?
Kasabay ng pagsisilbi sa kanyang pasistang paghahari, pinabubundat din ni Duterte ang military-industrial complex ng amo niyang imperyalistang US at iba pang mga kapitalistang bansang nagmamanupaktura at nagbebenta ng mga moderno at makabagong mga kagamitang militar.
Ngunit, bagamat malawakan ang pinsalang maaaring idulot ng naturang mga modernong armas pandigma sa mga komunidad ng mamamayan at mga sonang gerilya, nagkakamali si Duterte sa pag-aakalang sapat na ito upang sindakin ang sambayanan at pahinain ang kanilang loob sa pagrerebolusyon. Araw-araw itinuturo ng karanasan ng masa at mga kasama ang katumpakan ng sinabi ni kasamang Mao Zedong – “Ang tao ang mapagpasya, hindi ang mga bagay.” Makailang ulit na rin itong napatunayan sa mahabang kasaysayan ng maliliit at mahihinang bansang nagtagumpay laban sa mga dambuhalang mananakop at mga makapangyarihang bansa.
Walang anumang makabagong armas ang magpapakupas sa gintong pakikibaka ng mamamayan at mga kasama. Lalo lamang nitong pakikinangin ang ginto dahil sa patuloy na pagdarang ng pakikibakang bayan sa apoy ng digma.