Magpunyagi sa pakikibaka, biguin ang brutal na kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng US-Duterte!
Buong tapang at giting na sinasalubong ng mga Pulang mandirigma ng MGC-NPA ST ang bagong taon na determinadong tupdin ang mga tungkulin nitong ibayong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan alinsunod sa mensahe ng CPP sa ika-53 anibersaryo nito.
Katawa-tawa ang pagyayabang ng AFP chief-of-staff na si Gen. Andres Centino na wawakasan ng mga berdugo ang rebolusyonaryong kilusan bago ang Hunyo 2022. Hindi na nadalâ ang mga ito sa paulit-ulit na pagtatakda ng bagong palugit/dedlayn simula pa noong binalangkas ang Oplan Kapayapaan hanggang JCP Kapanatagan. Sa Timog Katagalugan, ipinamalas ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ang kanilang katatagan at marubdob na paglaban sa pinatinding anti-komunistang kampanya ng rehimen. Sampal sa mukha ng Southern Luzon Command ang patuloy na pagtindig at pagpupunyagi ng mga larangang gerilya sa rehiyon, laluna sa Mindoro na itinakda nitong sentro at pokus ng kontra-rebolusyonaryong gera noong 2021 at sa Quezon na tuluy-tuloy na inooperasyon kahit pa mayroong kalamidad at pandemya.
Higit pang magpupunyagi ang buong rehiyon sa harap ng pinaigting na atake ng rehimen ngayon at sa susunod pang mga taon. Mabisang target ang paparaming bilang ng nag-ooperasyong sundalo at pulis sa kanayunan kung saan ginagamit ng NPA ang taktikang gerilya para gapiin ang maliliit at hiwa-hiwalay na kaaway. Bentahe sa Pulang hukbo ang pamilyarisasyon sa tereyn at tinatamasa nitong malalim na suportang masa sa hanay ng mga magsasaka at pambansang minorya sa kanayunan. Samantala, nawawalan ng saysay ang mga modernong kagamitan ng AFP-PNP dahil sa matibay na bigkis ng mamamayan at NPA. Masikhay na pinag-aaralan ng mga Pulang kumander at mandirigma ang kalakasan at bulnerabilidad ng mga ito. Ipinakita ng mga Pulang mandirigma ng NPA Mindoro noong Enero 2021 na kayang patamaan ang ipinagmamalaking Black Hawk helicopter ng AFP.
Patuloy ring susuportahan ng MGC-NPA ST ang pakikibaka ng sambayanan para sa kanilang mga demokratikong karapatan. Kahit sa gitna ng pandemya, lumalakas ang panawagan ng mamamayan para sa trabaho, lupa, ayuda, bakuna, serbisyong medikal at edukasyon. Tinututulan nila ang neoliberal na patakaran sa sektor ng agrikultura na nagpabaha ng mga imported na produkto. Kinakalampag nila ang gubyernong Duterte sa pagsirit ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin. Sinisingil nila ang malawakang korapsyon ng rehimen, kriminal na kapabayaan at pagpapalala ng kahirapan sa bansa dahil sa palyadong tugon sa pandemya. Ipinababasura nila ang mga anti-mamamayang patakaran kagaya ng Anti-terrorism Law at nilalabanan ang malawakang red-tagging ng estado.
Desperado si Duterte na manatili sa kapangyarihan sa pamamagitan ng lansakang pandaraya, pagdedeklara ng batas militar o pagtutulak ng senaryong “No Elections” at iba pang maniobra. Nito lamang Disyembre 31, naghain ng petisyon sa COMELEC ang paksyong Cusi-Duterte ng PDP-Laban na muling buksan ang paghahain ng kandidatura ngayong taon. Indikasyon ito ng patuloy na lumalaking bitak sa hanay ng mga naghaharing uri at paghahabol ng rehimeng Duterte ng higit pang konsolidasyon ng kanyang humihinang paksyon.
Ginagawang paborable ng mga kalagayang ito ang pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa Pilipinas. Marapat na magpursige ang rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon na edukahin ang mamamayan sa tunay na katangian ng reaksyunaryo at burges na eleksyon. Patuloy na imulat, organisahin at pakilusin ang mamamayan na gamitin ang eleksyon para sa kanilang kagalingan. Sa kabilang banda, tungkulin ng NPA na biguin ang maruruming pakana ng mga reaksyunaryong pulitiko. Hindi papahintulutan ng MGC na pumasok ang mga armadong goons at militar sa saklaw ng mga larangang gerilya para maghasik ng teror sa ngalan ng pagpapanalo sa mga reaksyunaryo at sagadsaring pulitiko kagaya nina Bongbong Marcos at Sara Duterte-Carpio.
Nararapat na paigtingin ng mga yunit ng NPA sa ilalim ng MGC ang pakikidigmang gerilya para bigwasan ang palalong AFP-PNP. Patuloy na ipagtatanggol ng MGC-NPA ST ang mamamayan sa mga atake ng estado at pagbabayarin ang AFP-PNP sa kanilang mga krimen sa bayan. Kasabay nito, tutuwangan ng NPA ang masang magsasaka sa pagpapanalo ng kanilang mga kampanya sa rebolusyong agraryo at patatatagin ang mga organo ng Pulang kapangyarihang pampulitika ng mamamayan sa kanayunan.###