Magpursigi, magpunyagi at patuloy na manalig sa wastong landas ng armadong rebolusyon!
Napakainam ng panlipunang kalagayan para sa pagsulong ng digmang bayan.
Magpursigi, magpunyagi at patuloy na manalig sa wastong landas ng armadong rebolusyon!
Ngayong 52nd founding anniversary ng New People’s Army, sa ngalan ng lahat ng yunit ng NPA at ng National Operational Command, ay buong-lugod kong binabati ang lahat ng mga magigiting nating mga Pulang mandirigma at kumander, mga kasapi ng Milisyang Bayan, lahat ng rebolusyonaryong pwersa at masa ng mamamayang Pilipino sa buong bansa. Happy anniversary sa tunay na hukbo ng mamamayan! Maligayang anibersaryo sa ating lahat, mga kasama!
Pinakamataas na parangal ang iginagawad natin sa lahat ng mga bayani at martir ng digmang bayan na nag-alay at nagbuwis ng buhay para sa rebolusyon. Ilan sa mga namartir sa ilalim ng rehimeng US-Duterte ay sina Kasamang Afredo “Ka Bendoy” Merilos, Randy Malayao, Julius “Ka Nars” Giron, Eugenia Magpantay at Agaton Topacio, Randall Echanis, Dennis Rodenas, Alvin “Ka Joaquin Jacinto” Luque, Antonio Cabanatan at kanyang asawa at marami pang iba na pawang karumaldumal na pinaslang sa ilalim ng pasistang rehimeng US-Duterte. Hindi makakamit ang mga naging tagumpay ng NPA sa nagdaang 52 taon kung wala ang serbisyo at sakripisyo ng mga martir para sa rebolusyon. Habampanahong nakaukit ang kanilang pangalan at legasiya sa kasaysayan ng rebolusyong Pilipino. Mananatiling inspirasyon sila para sa ating lahat upang tanganan ang mabibigat pang tungkulin ng armadong rebolusyon.
Sinasaluduhan din natin ang libu-libong mga Pulang kumander at mandirigma ng NPA, yaong mga beterano, datihan na at bagong rekrut sa ating hanay. Sigurado akong nagdiriwang kayo ngayon sa iba’t ibang dako ng bansa sa iba’t ibang paraan kasama ang mahal nating masa, o naglunsad ng taktikal na opensiba bilang isa ring paraan ng pagdiriwang. Sa anumang paraan natin gunitain, tiyak na binubugkos tayo ng kolektibong tunguhing magpursigi, magpunyagi at patuloy na manalig sa wastong landas ng armadong rebolusyon, ipagtanggol at paglingkuran ang masa at isulong ang mithiin ng bayan para sa rebolusyonaryong pagbabagong panlipunan.
Mga kasama, nararapat lang na saludohan ang inyong buong-buong loob na pagsulong sa armadong pakikibaka nang walang pag-iimbot at buong tapang. Nang dahil sa inyo, nananatili ang prestihiyo ng NPA, hindi lamang dito sa ating bansa kundi maging sa ibang mga bansang nagsusulong din ng armadong pakikibaka; at nananatili ang tiwala ng masa ng mamamayang Pilipino sa tunay na hukbong bayan.
Sa harap ng maraming kahirapan, pagsubok at sakripisyong sinuong natin sa ating pakikibaka at paglilingkod sa sambayanan, nananatiling maraming dahilan upang tayo ay magdiwang.
Sa nagdaang 52 taon ng ating pakikidigmang gerilya, nakamit ng NPA at mamamayan ang malalaking tagumpay sa pagtatanggol sa interes ng mga api at pinagsasamantalahan. Tangan ang naipong lakas at mga aral sa nagdaang 52 taon, nananatiling maaliwalas ang bukas ng ating armadong rebolusyon. Sa ilalim ng teroristang rehimeng US-Duterte, ngayon higit kailanman napatunayan natin: Kung wala ang hukbong bayan, walang anuman ang mamamayan. At kung wala ang patuloy na pagmamahal at suporta ng masa, hindi makapagpupunyagi ang NPA at rebolusyonaryong kilusan.
Palpak ang mga mayor na gera ni Duterte dahil lalo lamang siyang hiniwalay ng mga ito sa mamamayan. Ang “gera kontra droga” ay nagresulta sa masaker ng mahigit 30,000 inosenteng sibilyan at pinaghihinalaang mga sangkot sa droga; gayong ang tunay na “Godfather” ngayon ng malalaking sindikato ng droga ay si Duterte mismo, ang kanyang anak at manugang. Gayundin, ang kanyang gera sa Marawi ay pagmasaker at pagwasak sa natatanging Islamic City ng bansa at tahasang pangangamkam ng lupain ng mga kapatid nating Maranao.
Ang kanyang “gera kontra-korapsyon” naman, sa totoo lang, ay panakip-butas para pagtakpan ang malakihan niyang pangungurakot at ng kanyang mga alipores at military junta. Maging ang gera kontra-Covid19 ay walang-hiyang pinagkakakitaan pa nina Duterte at kanyang mga galamay habang ang mamamayan ay nananatiling di-ligtas sa lalong paglala ng pandemya sa bansa dahil sa maanomalyang at palpak na vaccine procurement, at lugmok na lugmok na sa kahirapan at gutom dahil sa patuloy na pagbulusok ng ekonomiya.
Habang ang “gera kontra-insurhensya” ni Duterte ay lantarang pagmasaker sa mga aktibista, lider masa at inosenteng mga sibilyan na pinagbibintangang mga NPA, komunista o kanilang mga tagasuporta. Mistulang asong nauulol ang pag-atake ni Duterte sa mamamayang Pilipino. Sa pamamagitan ng National Task Force to End Local Communist Insurgency o NTF-ELCAC, Anti-Terror Act at iba pang mga kontra-demokratiko at kontra-mamamayang mga batas at patakaran, binubusalan, tinatakot at pinapatay ang mga kasapi ng ligal na oposisyon, mga aktibista at progresibong pwersa at grupo at kalakhang demokratikong sektor ng lipunan sa pamamagitan ng paggamit sa isang de facto martial law sa porma ng paghaharing militar na lantaran ngayong nangingibabaw sa civilian supremacy sa gobyerno. Habang ang pondo ng NTF-ELCAC naman ang kasalukuyang gatasang baka nina Duterte at mga retirado at aktibong heneral at upisyal militar sa “gera kontra-insurhensya” ng rehimen.
Ngayon pa lang ay idinedeklara na nating nabigo natin ang pangarap ni Duterte na “durugin” ang NPA. Sa ilalim ng pamumuno ng Communist Party of the Philippines, nananatiling determinado ang NPA na patuloy pang lagpasan at biguin ang todong mga opensibang militar, labanan ang pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte at papanagutin ito sa lahat ng mga krimen at kasalanan nito sa mamamayan.
Hindi nakamit ng rehimeng US-Duterte ang hangal nitong ilusyong lansagin ang rebolusyonaryong kilusan sa loob ng unang anim na buwan ni Duterte. Bagkus, matapos ang halos limang taon, inamin na mismo ni Duterte na hindi na nila ito magagawa pa sa loob ng kanyang termino. Sa kadulo-duluhan, hindi ang NPA ang mauubusan ng hangin kundi ang kapit-tuko sa pwesto at teroristang si Duterte. Malapit nang matapos ang termino ni Duterte pero magiting pa ring lumalaban ang NPA. Pupulutin na lamang si Duterte sa kangkungan ng kasaysayan pero tiyak na tiyak tayong patuloy na dadaluyong ang ating digmang bayan.
Matapos ang mahigit limang dekada ng ating pagpupunyagi sa pakikibaka, mula sa maliit at mahina na hukbong nakabase sa isang distrito lang sa Tarlac, ngayon ay nakalatag at naitatag na natin ang daang-daang platun at kumpanya ng NPA sa buong bansa. Kasama ang libu-libong Milisyang Bayan sa halos lahat ng 72 probinsya sa buong bansa, nakapaglunsad tayo ng mahigit 300 mga taktikal na opensiba noong nakaraang taong 2020 na nagresulta sa kaswalti sa hanay ng kaaway na katumbas ng dalawang batalyon.
Sa kabuuan, panalo tayo dahil hindi kinayang gupuin ng kaaway ang ating hukbo at buong rebolusyonaryong kilusan sa kabila ng pagdagdag ng mahigit 30% sa kanilang armadong pwersa at paggamit ng malalakas na sandata at modernong air assets at drones. Gayundin, unti-unti na nating nababalanse ang antas ng pagsulong ng armadong pakikibaka sa tatlong mayor na isla kaya’t napilitan ang kaaway na banatin ang kanilang lakas at latag. Sa Luzon, mula 38 AFP batalyon noong 2020, may 41 batalyon na ngayon. Sa Visayas, mula 19 batalyon noong 2020, 22 batalyon na. At sa mga NPA erya sa Mindanao, dinagdagan pa ang 42 batalyon para maging 47 batalyon; habang binawasan ang mga naka-deploy sa Moro erya, mula 29 batalyon noong 2020 na naging 27 batalyon na lang ngayon. Hindi pa kasama dito ang mga batalyon ng PNP.
Habang binabayo naman ng sari-saring teroristang karahasan ng rehimeng US-Duterte ang pagkakaisa at paglaban ng mamamayan, nananatiling patuloy ang suporta ng mamamayan sa kanilang hukbong bayan at buong rebolusyonaryong kilusan sa iba’t-ibang mga pamamaraan.
Iniikutan lang ng mamamayan ang pambabraso NTF-ELCAC na sapilitang pinadedeklarang “persona non grata” ang NPA sa mga komunidad, barangay, bayan at probinsya. Ang mga magsasaka at pambansang minorya ay tineterorisa sa pamamagitan ng hamletting, mga focused military operation, mga blokeyo sa kanilang pagkain at iba pang mga pangangailangan, pagpapataw ng mga tsekpoynt, curfew at iba pang mapanupil na patakaran at iligal na pag-okupa sa kanilang mga komunidad at kalupaan – na ang ultimong layunin ay ibuyangyang ang kanilang mga lupain para sa mga dambuhalang mina at plantasyon ng mga dayuhan at lokal na naghaharing uri. Ang mga magsasaka at pambansang minorya ay sinasampahan rin ng mga gawa-gawang kaso, iligal na inaaresto at minamasaker. Labis ang kanilang pagdurusa sa kamay ng militar, pero nananatili pa rin ang kanilang suporta sa ating hukbo.
Ang rehimeng US-Duterte rin mismo ang nagtutulak sa paparaming bilang ng mamamayan na sumuporta at sumapi sa ating hukbong bayan at rebolusyonaryong kilusan. Hinahalihaw man ng mga teroristang kampon ni Duterte ang mga base ng hukbo sa pamamagitan ng kanilang malawakang marahas na mga base denial operations, gradual constriction, blockhouse warfare, at resource and population control, hindi lubos na napagkaitan ang Pulang hukbo ng suportang masa.
Habang ipinagmamalaki ng rehimeng Duterte ang kanyang pekeng repormang agraryo sa porma ng mga ipinamumudmod na mga kapirasong papel na diumano’y mga titulo ng lupain, kasama ang iilang salop ng bigas, canned goods, noodles at medical mission, higit na mas malaki pa rin ang benepisyong natamo ng mga masasaka sa kanayunan bunga ng mga anti-pyudal na pakikibaka at kampanyang masa sa produksyon, kalusugan, edukasyon at iba pa.
Maramihan at malaganap daw ang sumukong mga NPA. Totoong may mga sumuko sa iba’t ibang mga dahilan. Marami sa kanila ay napresyur dahil hinuli ng militar ang kanilang mga magulang o pinagbantaang papatayin ang kanilang mga kapamilya. May ilan ding nagkasakit o kinailangang bumaba para harapin ang mga problema sa pamilya at napilitang sumuko dahil natakot na patayin “tokhang-style”. May ilan ding hindi naging handa sa sakripisyo at kahirapan bilang mga rebolusyonaryo at gerilya kaya’t bumaba at napilitang magsurender.
Habang ang iilan ay hindi nakapagpanibagong-hubog ng kanilang mga kahinaan, ugali at makasariling interes kung kaya’t madaling nakapitan ng mga pang-iintriga at panunuhol ng kaaway ng pera, pabahay, kabuhayan at iba pang mga pampalubag-loob na “pabuya” bilang kapalit ng kanilang paninindigan at sa kapinsalaan ng mamamayan. Ang kanilang pagsuko ay hindi malaking kawalan sa lakas ng ating hanay. Bagkus, nalinis ang ating hanay ng mga hindi na kanais-nais na iilang mga elemento.
Marami rin daw ang napatay na NPA. Bahagi na ng digmang bayan na may nagbubuwis ng kanilang buhay para sa rebolusyon at mamamayan. May ilang mga labanan na nagdulot ng malaking pinsala sa atin, pero bibihira lang ang mga insidenteng ito. Sa katunayan, ang ilan sa mga ipinagmamayabang ng militar na napatay daw nila ay mga inosenteng sibilyan na pinaratangan o pinalabas nilang mga NPA. Sa kabilang banda, kadalasa’y hindi nalalantad sa midya at sa publiko ang higit na nakararaming kaswalti sa hanay ng AFP at PNP dahil kusang inililingid ng militar ang impormasyon sa midya at mamamayan.
Kaya naman sa biglang tingin ay mistulang “malakas” ang rehimeng US-Duterte dahil sa gamit nitong paninindak na teroristang panunupil. Pero ang totoo’y mabilis na itong humihina, bangkarote na at lugmok na lugmok sa utang dahil sa matinding korapsyon at maling prayoridad sa paglalaan ng pondo ng bayan. Wala na rin itong maasahang malaking ayuda mula sa kanyang imperyalistang amo dahil apektado rin ito ng mabilis na pagbulusok ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya.
Habang patuloy na iwinawasiwas ni Duterte ang bangis ng pasistang paghahari, lalong nalalantad na siya ay naghihingalo na at desperadong kumapit sa pwesto sa anumang paraan upang maiwasang managot sa lahat ng kanyang krimen sa mamamayan. Ang sirang-plaka niyang utos sa AFP at PNP na pagpapatayin ang lahat ng mga NPA ay patunay din ng kanyang matinding takot sa rebolusyonaryong kilusan at sa patuloy na lumalawak na kilusang talsik laban sa kanya.
Samantala, lalong idinidiin ng kasalukuyang krisis ng naghaharing sistema ang pangangailangang isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon. Lalo pa itong pinatingkad ng pasistang paghahari, korapsyon, walang-kapantay na paglabag sa karapatang-tao, kriminal na pananagutan sa sadyang kapabayaan at bigong pagtugon sa krisis ng pandemya, maramihang pagpatay, pagpapakatuta sa imperyalismo, sobrang paglugmok sa bayan sa dayuhang pautang, pabigat na mga buwis at pagtatraydor sa pambansang soberanya at patrimonya ng rehimeng US-Duterte. Maaaring pabagsakin ang rehimeng US-Duterte sa lalong madaling panahon ng daluyong ng pakikibaka ng nagkakaisang hanay ng mamamayang Pilipino, kasabay ng panibagong muling pagdaluyong ng pakikibaka ng mga mamamayan sa ibang mga bansa laban sa pasismo at imperyalismo.
Kaya, mga kasama at mamamayan, napakainam ng panlipunang kalagayan para sa pagsulong ng ating digmang bayan. Iniimbitahan ko ang mga manggagawa, magsasaka at pambansang minorya, kababaihan, kabataan at estudyante, mga panggitnang uri at lahat ng inaaping Pilipino, kasama ng NPA, ang tunay na hukbong bayan, mapangahas nating ihulma ang ating kasaysayan. Sa harap pa man ng lalong pinatinding mababangis na pasistang atake ng rehimen sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan, hindi nito makakayang hadlangan ang daloy ng kasaysayan.
Walang sinuman, walang anumang makahahadlang sa martsa ng mamamayan tungo sa tagumpay. Mga magigiting na Pulang mandirigma, magpursigi, magpunyagi at patuloy na manalig sa wastong landas ng armadong rebolusyon!
Ipagdiwang ang ika-52 anibersaryo ng tunay na hukbo ng mamamayan!
Mabuhay ang NPA!
Mabuhay ang CPP!
Mabuhay ang nagkakaisang hanay ng mamamayan!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang digmang bayan hanggang tagumpay!