Magrebolusyon para iwasan ang kapahamakang dulot ng pagbabago sa klima
Nakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa malapad na demokratikong kilusan sa buong mundo sa pagtuligsa sa katatapos na kumperensya ng United Nations hinggil sa pagbabago ng klima (climate change) na bigong umaksyon para mapagpasyang baligtarin ang pagsirit ng temperatura ng daigdig na nagreresulta sa delubyo, pagguho ng lupa, tagtuyot, labis na init ng panahon, superbagyo, mga pagkasunog at pagtaas ng lebel ng karagatan.
Tulad ng nakaraang mga kumperensya kaugnay ng pagbabago ng klima, ang COP26 sa Glaslow, Scotland ay dominado ng imperyalistang mga bansa at monopolyong burgis na malalaking industriya. Ito ang dahilan na tumanggi itong singilin ang pinakamalalaking prodyuser ng green house gas (gas na nagkukulong sa init sa atmospera ng daigdig) kabilang ang nangungunang mga kapitalistang bansa tulad ng United States, China, Russia, Germany, India, United Kingdom, Japan at France.
Ang dati’t bagong mga pangako ng mga kumperensyang ito ay pampahupa lamang sa nagbabangong galit ng mamamayan sa lalong nakapipinsalang kapitalistang pagkagahaman. Nagtengang-kawali ito sa malawakang sigaw para mapagpasyang bawasan ang gamit sa karbon (coal) at iba pang fossil fuel (langis, natural gas), itaguyod ang paggamit ng enerhiyang renewable (nababago) at tuldukan ang malawakang-saklaw na pagmimina, pagtotroso at paghahawan ng mga lupa para sa mga plantasyong monocrop. Tinanggihan nito ang kahingiang bayaran ng mga imperyalista ang kanyang mga malakolonya para sa deka-dekadang pandarambong at pagwasak.
Naninindigan kami kasama ang malalawak na sektor ng lipunan sa pagsasakdal sa imperyalistang mga gubyerno at malalaking monopolyo kapitalisang korporasyon sa kanilang walang-habas na pagsasamantala sa mga rekurso ng daigdig. Binabati namin ang militanteng mga demonstrasyon na nilahukan ng milyun-milyong mamamayan, laluna ng mga kabataan, sa buong daigdig, na nagpamalas ng kanilang poot at pagwaksi sa mga pagpapanggap ng COP26.
Sa mahigit isang siglo, ang mga imperyalista ay sumaklot ng mga kolonya at neokolonya, nanlupig at pumuksa ng mga mamamayan para agawin ang mga pamilihan at pagkukunan ng murang hilaw na materyales. Sumiklab ang mga digmaang inter-imperyalista at proxy (o panghalili) sa nagdaang mga dekada at patuloy na malawakang sumisira sa kalikasan at nagdudulot ng polusyon dahil sa paggamit ng mga armas nukleyar at mga nakalalasong kemikal sa mga pampasabog, gayundin sa pagpapalipad ng mga jet fighter at mga drone (na ilang araw na nasa ere), at sa pang-industriya produksyon ng mga armas at kagamitang militar. Dahil sa walang-pakundangang pandarambong, itinutulak nang itinutulak ng mga imperyalista ang daidig sa bingit ng pandaigdigang kapahamakan.
Ang walang-kabubusugang ng mga monopolyo kapitalista para sa superganansya ang siyang nagtutulak sa walang-taros na pandarambong at paninira sa kalikasan na humahantong sa pagtaas ng pandaigdigang temperatura. Sa kabila ng mga pag-abante sa teknolohiya at mataas na antas ng organisasyon, ang kapitalistang sistema ay patuloy na kinatatangian ng anarkiya at paglulustay sa rekurso sa harap ng pagriribalan ng mga kapitalista sa pagkakamal ng pinakamalaking tubo.
Sa gitna ng lumalalim na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at papabagsak na tantos ng tubo, pinaiigting ng monopolyong burgesya sa walang-kaparis na antas ang produksyon gamit ang mga kompyupter, mga robot, artificial intelligence at iba pang abanteng teknolohiya. Gumagamit sila ng malaking kantidad ng enerhiya at umuubos ng malaking halaga ng rekurso. Nagreresulta ito sa walang-katulad na antas ng sarplas na kalakal at hindi nabebentang imbentaryo
Sa Pilipinas, ang epekto ng tumataas na pandaigdigang temperatura at pandarambong sa kalikasan ay higit na nakapipinsala lalo na para sa malapad na masang Pilipino. Nagiging mas madalas ang mga superbagyo na sinasabing bunga ng tumataas na temperatura ng ibabaw ng karagatan. Mas nagiging mapangwasak ang mga baha at pagguho ng lupa resulta ng pagkasaid ng kagubatan matapos ang daantaong pagtotroso at pagmimina at malawakang paghahawan ng mga lupain para sa mga pantasyon at proyektong imprastruktura. Ang masang magsasaka at mangingisda ang pinakanagdurusa sa epekto ng mga superbagyo, baha at pagguho ng lupa, gayundin ang pagkalason sa lupa at pinagkukunan ng tubig. Ang minoryang mamamayan, na matagal nang nagsilbi tagapag-alaga ng kagubatan, ay itinataboy sa kanilang lupa ng mga kumpanya sa pagmimina at malalaking kapitalistang plantasyon. Sa mga syudad, ang masang manggagawa at malaproletaryado ang pinakanagdurusa sa mga bahang dulot ng pagkabulok ng mga sentrong lungsod.
Sa Pilipinas, masigla at militante ang paglaban sa pandarambong sa kalikasan. Matatag na tinututulan ng masang magsasaka at minoryang mamamayan ang pangangamkam at pagpapalit-gamit sa lupa. Naglulunsad sila ng mga demonstrasyon at barikada para kolektibong labanan ang pagpasok ng mga kumpanya sa pagmimina at operasyon sa pagtotroso. Bilang tugon, lalong tuimitindi ang mga taktikang mapanupil ng naghaharing uri laban sa mga aktibistang pangkalikasan at tagapagtanggol ng kanilang mga lupa.
Sa pamumuno ng Partido, ipinatutupad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga patakaran ng demokratikong gubyernong bayan para bigyang-protekeksyon at pangalagaan ang kalikasan. Pinarurusahan nito ang pinakapusakal na mga sumisira sa kalikasan at pinipigilan ang kanilang mga operasyon, kabilang na ang mga kumpanya sa pagmimina at malalaking plantasyon.
Ang proletaryado at masang anakpawis, lalo na ang nakababatang henerasyon na siyang magmamana sa daigdig, ay dapat kumilos para iwasan ang kapahamakang idudulot ng pagbabago sa klima. Rebolusyon ang tanging tunay na landas para ipaglaban ang pagpapalaya mula sa imperyalismo at itatag ang sosyalismo. Sa pamamagitan lamang ng pagbabagsak sa monopolyo ng burgesya at pagwawakas sa kapitalistang sistema matutuldukan ang pandarambong at pagkasira ng kalikasan at mapagpasyang ihinto ang paikid na pagtaas ng temperatura.
Taglay ang suporta ng lahat ng demokratikong mga uri, dapat maglunsad ang proletaryado ng rebolusyon para agawin ang pampulitikang kapangyarihan mula sa monopolyong burgesya at iba pang reaksyunaryong mga uri upang wakasan ang pagkaganid nila sa tubo. Sa ilalim ng proletaryado, magagawang pagplanuhan ng estado ang produksyon at pamamahagi ng yaman, at tiyakin na buhay ang demokrasya, na nangunguna ang interes at kagalingan ng manggagawa at masang anakpawis, at na mananatiling malusog ang daigdig pag-abot sa komunismo.