Magtanggol laban sa higit pang pinatinding pang-aatake ng pulis na atas ni Eleazar!
Read in: English
Napakarami nang utang na dugo ng berdugong PNP sa Masbate ngunit uhaw pa rin sila sa higit pa. Ang utos ni PNP Chief Guillermo Eleazar, sa kanyang pagdalaw sa Bikol, na patindihin pa ang mga operasyong pulis sa naturang prubinsya ay nangangahulugan ng higit pang kaguluhan, pandarahas at pasakit para sa masang Masbatenyo. Wala pa man ang utak-pulburang atas na ito, nakapagtala na ng 72 kaso ng pamamaslang sa naturang prubinsya mula nang maupo sa pwesto si Duterte. Walo rin sa 11 kaso ng masaker sa rehiyon ang naganap sa Masbate. Katumbas ito ng isang Masbatenyong pinapaslang ng pwersang AFP-PNP kada buwan.
Wala sa mamamayan ang katapatan ng PNP kundi nasa kanilang punong tiranong si Duterte at sa kanyang walang katuturang gera kontramamamayan. Kahit sa gitna ng matinding kahirapang dala ng pandemya, naaatim nilang lalo pang padanakin ang dugo at lustayin ang mga buhay at kabuhayan ng masa. Alam ng publiko na dati nang brutal at walang sinasanto ang madudugong operasyon ng pulis. Mapa-bata o matanda, maralita o propesyunal – ang lahat ay maaaring maging biktima ng kanilang iligal na pang-aaresto, tortyur o sukdulang ekstrahudisyal na pamamaslang at masaker. Anumang sahol ng kanilang krimen, madali nilang naililigtas ang sarili mula sa pananagutan sa tila sirang plakang palusot na nanlaban ang mga biktima. Sa ngayon, lampas 30,000 biktima ng modus operandi na ‘nanlaban’ at mga kapamilya nila ang pinagkaitan ng hustisya.
Nananawagan ang NDF-Bikol sa masang Masbatenyo at sa lahat ng mamamayang Bikolanong magkaisa at buong-tapang na ipagtanggol ang hanay laban sa nakaambang higit pang pang-aatake ng pulis. Sa panahong ang estado at ang armadong pwersa nito mismo ang nag-uutos ng kaguluhan at karahasan, walang ibang sasandigan ang mamamayan kundi ang kanilang sariling organisadong lakas. Lagi’t laging gagawa ng paraan ang AFP-PNP at ang rehimen upang pagtakpan ang kanilang mga krimen laban sa mamamayan at upang ipagkait ang hustisya sa lahat ng kanilang mga biktima. Hanggat kontrolado ng naghaharing-uri at nagsisilbi sa kanilang interes ang estado, sa larangan man ng reaksyunaryong batas at hudikatura hanggang sa propaganda, lagi’t laging makalulusot ang argumento ng PNP na nanlaban ang kanilang mga pinaslang – gaanuman kagila-gilalas ang palabas o karami ang butas ng kwento.
Ang tanging paraan upang hadlangan, biguin at tuluyan nang mawakasan ang pasistang atake ng PNP, AFP at iba pang makinarya ng terorismo ng estado ay ang tapatan ng armadong pakikibaka ng mamamayan ang pagwawasiwas ng karahasan ng mersenaryong pwersa at buong-pagpapasyang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan. Tanging sa pananagumpay ng rebolusyon matatapos ang isang bulok na sistema kung saan tungkulin ng pulis at militar ang pumatay nang pumatay sa ngalan ng kanilang mga panginoon. Sa panahong makamit na ng mamamayan ang Pulang bukas, mapagbabayad na ang lahat ng berdugong may utang sa kanilang dugo at makakamit ang tunay na hustisya at kapayapaan.