Mahigit 10 katutubo mula sa Occidental Mindoro, iligal na dinetine ng militar
Kinukundena ng NDFP-Southern Tagalog ang 2nd ID at 203rd Brigade ng Philippine Army sa kanilang panlilinlang at iligal na pagdedetine sa mahigit 10 katutubong Mangyan mula sa Barangay Monteclaro, San Jose, Occidental Mindoro. Nasa dalawang buwan nang hindi kapiling ng mga kaanak at komunidad ang mga biktima na huling nakita kasama ang mga sundalo noong Nobyembre.
Dalawang beses na ipinatawag ng mga elemento ng 203rd Brigade ang mga naturang katutubo bago sila nawala. Sa unang pulong, nilinlang ng mga sundalo ang mga biktima at inutusan na sa susunod na patawag ay “magdala sila ng mga damit”. Hindi na pinauwi ang mga biktima mula sa ikalawang patawag at hindi na matunton kung saan sila dinala.
Labis na nag-alala ang kanilang mga kaanak kaya’t humingi sila ng tulong sa barangay. Sa halip na pakinggan ang kanilang hinaing, inabutan ng barangay ng ilang libong piso ang asawa ng isa sa mga biktima upang patahimikin at hindi na magreklamo.
Tinatayang dinala ang mga katutubo sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal na headquarters ng 2nd ID para sanayin at piliting maging CAFGU. Sa mensaheng naipadala ng isa sa mga dinukot na katutubo sa kanyang pamilya, sinabi niyang “huwag nang pumayag na may sumunod pa sa kanila” dahil tiyak na pahihirapan din ang mga ito.
Ipinapakita ng kasong ito ang patuloy na pag-iral ng di-deklaradong batas militar kung saan malaya ang mga berdugo na gawin ang lahat ng kahayupan sa mamamayan nang walang takot na habulin ng batas. Ang higit 10 katutubo ay nauna nang biniktima ng kampanyang pekeng pagpapasuko ng rehimeng Duterte na nanalasa sa San Jose mula 2019. Pinalabas na sila’y mga kasapi ng NPA at pinilit ng mga sundalo na isumbong ang mga kilala nilang tagasuporta ng NPA. Kasama sila sa mga “suko” na diumano’y pinagkalooban ng aabot sa P65,000 na pabuya at iba pang tulong, subalit sa aktwal, kung hindi pa nila kinalampag ang hepe ng RCSPO sa barangay, saka lamang bibigyan ng tig-limang libo ang bawat pamilya ng mga biktima at ilang piraso ng relip kapalit ng pagbabanta sa kanilang mga buhay.
Ang mga komunidad na pinagdausan ng mga kampanyang “suko” ang siya ring naging base ng mga pasistang tropang nagsasagawa ng retooled community support program operations (RCSPO) hanggang ngayon. Imbing layunin ng mga RCSPO na maghasik ng dudahan sa hanay ng mga katutubo at sirain ang kanilang pagkakaisa upang maiabante ang mga mapanirang proyekto na aagaw sa lupaing ninuno. Ang pamayanang pinanggalingan ng mga biktima ay kilalang mayaman sa rekursong natural gas, langis at iba pang mineral na pinaglalawayang makuha ng mga naghaharing uri.
Ang ganitong iskema at krimen ng mga militar ay bahagi ng kanilang todo-gerang inihahasik laban sa mamamayan sa kanayunan laluna sa hanay ng mga magsasaka at pambansang minorya para sindakin at paluhurin sila sa takot sa imbing layuning ilayo sila sa rebolusyonaryong kilusan. Ngunit lalo lamang nilang itinutulak ang masa na higit na sumalig sa rebolusyonaryong kilusan at hanapin ang rebolusyonaryong hustisya sa mga paglabag ng mga yunit ng AFP sa kanilang karapatan.
Dapat kasuhan at panagutin ang mga berdugong militar sa pagdukot at iligal na pagdedetine at sapilitang rekrutment sa CAFGU sa higit 10 katutubo kasabay ng patuloy na pananakot sa kanilang mga pamilya at komunidad. Lansakan itong paglabag sa karapatang tao. Dapat kagyat na palayain ang mga katutubo upang makabalik sa kanilang mga pamilya. Dapat higit na itambol at palakasin ang panawagang palayasin sa kanayunan ang mga yunit ng AFP-PNP-CAFGU na naghahasik ng iba’t ibang anyo ng teror laban sa mamamayan.
Kasabay nito, dapat likhain ang isang malakas na kilusang masa para ipagtanggol ang karapatan ng mga katutubong Mangyan. Marapat tulungan ng mga nagmamalasakit na lingkod bayan at demokratikong pwersa ang pamilya ng mahigit 10 biktima at tutulan ang tuluy-tuloy na panghaharas sa mga katutubo sa San Jose at buong isla ng Mindoro. Panahon na upang tumindig ang mamamayan at itakwil ang terorismo ng pasistang rehimeng US-Duterte.###