Makasaysayang plebisito upang hatiin ang Palawan, ibinasura ng mga Palaweño!
NO to 3in1 Palawan! Ito ang boses ng mayorya ng mamamayang Palaweño sa katatapos na ginawang plebisito na magseselyo sa paghahati ng Palawan bilang tatlong lalawigan. Inilampaso ng botong NO ang maniubrang pulitikal ng pangkating Duterte-Alvarez at tuluyang ibinasura ang RA11259! Sa kabila ng granyosong paghahanda ni Alvarez sa COMELEC, DepEd, sa ilang ahensyang pangkalusugan, at sa halos 1,500 pwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ay mistulang nahulog sa kanyang tumba-tumbang bangko si Alvarez nang pinakain ng alikabok ang botong YES ng di-inaasahang resulta at pagkatalo sa ambisyosong pangarap ng lokal na naghaharing uri na paghatian sa kani-kanilang pampulitikang balwarte ang Palawan.
Sa katatapos na plebisito, ang pagkatalo ng botong YES ay repleksyon ng malaking diskredito sa liderato ni Alvarez. Sa huling taon nito bilang gobernador ng Palawan, isinampal ng mga Palaweños sa mukha ni Alvarez ang mariin nilang pagtutol at magpalinlang sa pakanang “hatiin ang Palawan para pagharian ng iilan.” Paano nga naman ipagtitiwala ng mga Palaweño ang malaking desisyon ng pagbabago para sa Palawan kung ang negosyanteng gobernador ang siya ngayong nakikinabang at naghuhuthot sa limpak-limpak ng yaman na disin sana’y pinakikinabangan ng higit na nakararami? At para isalba ang sarili sa kahihiyan, buong panghihinayang na sinasabi nito na “hindi nya kawalan ang pagkatatlo ng botong YES, kundi kawalan ng mga Palaweño.”
Hanggang ngayon ay nakabitin pa rin ang mga isyung sa bibig mismo ng gobernador nanggaling na aniya inaakusahan siyang mamatay-tao, mang-aagaw ng lupa at sumisira ng kalikasan. Itanggi man, gamitin man ang pwesto at kapangyarihan upang ito ay mapagtakpan, ang taumbayan ay may panahon ng paniningil at hindi ito kailanman matatakasan. Anupaman ang katotohanan, uhaw sa hustisya ang mamamayan!
Nagbubunyi ang sambayanang Palaweño sa tagumpay na nakamit at nahadlangan ang maniobrang pulitikal ng gubyernong Duterte-Alvarez. Binabati ng NDFP-Isla ng Palawan ang lahat ng nanindigan para sa tunay na kapakinabangan at kagalingan ng mamamayang Palaweño na hindi nagpasindak at matapang na nakipaglaban.
Ang labang ito ay apoy na patuloy na mag-aalab sa mga darating pang labanan na susuungin ng mamamayan. Nanawagan ngayon ang NDFP-Isla ng Palawan sa masang Palaweño na patuloy na bigkisin ang mataas na pagkakaisa at militansya para sa ipaglaban pa ang kanilang kagalingan at mga karapatan na tumanggap ng serbisyong panlipunan laluna ng libreng serbisyong medikal at bakuna. Sa harap ng nagpapapatuloy na pandemya ng Covid-19, igiit ang paglikha ng mga hanapbuhay para sa mamamayan at pagtitiyak ng pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino.
Nananatiling buhay at nag-aalab ang laban ng masang Palaweño tulad ng laban ng mga mangingisda na ibasura ang PCSD AO5; ang pagbawi sa kanilang lupa ng mamamayang pinapalayas sa kabundukan at tabing dagat para bigyang-daan ang mga proyektong eko-turismo ni Alvarez; ang laban sa mapanirang pagmimina ng mga dayuhang kompanya; ang pangangamkam ng lupa sa mga katutubo ng mga negosyong agro-plantation tulad ng oil palm; ang pagtatanggol sa soberanya at teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea laban sa panghihimasok ng China; at ang panawagang mapalayas ang base militar ng US sa Palawan.
Ipinakita ng plebisito na hindi nanaisin ng mga Palaweño na hatiin-hatiin ang probinsya at ipamigay sa mga tuso lalo na sa nagriribalang imperyalistang Chna at US na malaki ang paghahangad na dambungin ang yaman ng isla ng Palawan!
Mabuhay ang nakikibakang mamamayang Pilipino!
Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDFP!