Makatarungang hatol kay Palparan, tagumpay ng sambayanang Pilipino

 

Nagbubunyi ang sambayanang Pilipino sa hatol ni Judge Alexander Tamayo ng Bulacan Regional Trial Court Branch 15 na reclusion perpetua o habambuhay na pagkakabilanggo sa berdugong si retired Maj. Gen. Jovito Palparan. Higit na ipinagdiwang ito ng mamamayan sa Timog Katagalugan na biktima rin ng walang kaparis na pandarahas at panunupil ng mga militar sa pangunguna ni Palparan.

Sa Timog Katagalugan pa lamang, libu-libo ang bilang ng mga biktima ng kanyang mga kasong kriminal sa bayan. Tampok rito ang pagpaslang kina Eddie Gumanoy, Eden Marcellana, Atty. Jovy Magsino, Leima Fortu at Isaias Manano. Nagdusa ang mga komunidad sa kanayunan sa walang habas na pagtotortyur, pananakot, panghaharas at intimidasyon lalo sa hanay ng katutubong Mangyan. Kung ang rebolusyonaryong kilusan at mamamayan ang tatanungin, kulang ang isang habambuhay na pagkakabilanggo at danyos perwisyo sa bigat, dami at laki ng inutang na dugo ni Palparan, hindi lamang sa Timog Katagalugan kundi sa Gitnang Luzon at Silangang Visayas.

Ang makatarungang hatol kay Palparan ay bunga ng malaon at masigasig na panawagan hindi lamang ng pamilya ng mga biktima kundi ng buong sambayanan. Hindi nagsawa ang mamamayang Pilipino sa paglaban sa kanilang mga karapatan sa kabila ng bulok at napakabagal na sistema ng hustisya at nagbabadyang deklarasyon ng Batas Militar ng rehimeng US-Duterte. Sa harap ng halos walang ipinagkaibang pasismo ng estado sa mga nagdaang rehimen, nanindigan ang sambayanang Pilipino para panagutin si Palparan.

Nais din naming bigyang pugay ang makatarungan at matapang na pasya at paninindigan ni Judge Alexander Tamayo sa kasong ito ni Palparan. Nararapat itong tularan ng iba pang mga nagmamahal sa karapatang tao sa hanay ng reaksyunaryong hudikatura.

Subalit hindi dito nagtatapos ang laban ng mamamayan para sa hustisya at katarungan. Nananatiling ligtas sa kanilang mga krimen sina Ex-President at kasalukuyang House Speaker Gloria Macapagal Arroyo, DILG Secretary at retired Gen. Eduardo Año, National Security Adviser retired Gen. Hermogenes Esperon na siyang kasabwat sa mga kasong ginawa ni Palparan bilang mga dating pinuno ng AFP na nag-utos ng kampanyang supresyon laban sa mamamayan.

Sa kabila ng tagumpay na ito, dapat maging mapagbantay ang mamamayang Pilipino laban sa mga tusong pakana at pang-aabuso sa kapangyarihan ng estado ng pangkating Marcos-Arroyo-Duterte (MAD). Napakalaki pa rin ng posibilidad na maniubrahin ng pangkating ito ang pagpapalaya at pagpapawalang-sala kay Palparan. Tulad ni Palparan, pinatunayan rin ng kasaysayan ang madugong rekord ng pangkating ito laban sa mamamayan. Kung gayon, higit na kailangang magkaisa ang mamamayan sa kasalukuyang tiranikal na pamumuno at nagbabadyang diktadura ni Duterte.

Sa panahon ng paghaharing pasista ni Duterte, higit ang pangangailangan na maging mapagbantay at matapang ang mga pamilya ng biktima ng karahasan kasama ang malawak na masang Pilipino na labanan ang anumang uri ng karahasan at kalupitan ng mga mersenaryo, pasista at berdugong militar at pulis sa kanayunan at kalunsuran.

Nananawagan ang Melito Glor Command – New People’s Army sa Timog Katagalugan at buong bansa na patuloy na ipaglaban ang kanilang mga karapatan para sa hustisya at katarungan. Laging handa ang NPA na ipatupad ang rebolusyonaryong hustisya sa utos ng Demokratikong Gubyernong Bayan sa lahat ng mga kaaway, berdugo at may utang na dugo sa mamamayan.###

Makatarungang hatol kay Palparan, tagumpay ng sambayanang Pilipino