Makibaka at pawiin ang lahat ng takot!
Buong lakas na nakikiisa ang NDF-North Central Mindanao Region sa lahat ng mamamayan sa pagdiriwang ngayong araw sa ika-48 na anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines.
Kasabay ng nasabing pagdiriwang, ibigay natin ang pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa – sa mga kadre at myembro ng Partido Komunista ng Pilipinas, sa mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at sa lahat ng myembro ng mga organisasyong masa, at sa lahat ng mamamayan na matapang na nagpunyagi sa harap ng pasismo at tiranya ng estado at sa kanilang walang-humpay na pagsusulong ng digmang bayan.
Napakainam ng kalagayan ngayon para sa higit pang pagdaluyong ng rebolusyonaryong lakas ng mamamayan. Kaya’t makatarungan lamang na tayo’y lumaban at makibaka at pawiin ang anumang takot upang makamit natin ang mas marami pang tagumpay.
Makibaka tayo upang ilantad at ikundena ang mabagal, hindi-seryoso at pabor-sa-ganansya na pagharap ng rehimeng US-Duterte sa krisis ng pandemyang Covid-19. Angkop na paulit-ulit nating isulong ang pangmasa, laganap, libre at mabilisan na pagbakuna upang mailigtas ang mamamayan mula sa pandemya. Kasabay nito, angkop din na ilantad natin ang gahaman na mga imperyalistang bansa, lalo na ang US at China, sa kanilang pagsamantala sa pandemya para sa kanilang interes sa ekonomiya at pulitika sa mga atrasadong bansa, kabilang ang Pilipinas.
Makibaka tayo at ating labanan ang mistulang asong nauulol na teror na paghahari ni Duterte. Nitong taon lang, nasaksihan natin sa rehiyon ang mas pinatinding pangangatake at panunupil sa mga ordinaryong sibilyan. Sa kanayunan, pinagbabawalan ng mga berdugong sundalo ng AFP ang mga masang magsasaka na magbungkal sa malalayong sulok na lugar o, kung pinapayagan man, limitado ang oras ng pagsasaka. Nililigalig at pinaparatangan kaagad na mga tagapagsuporta ng NPA ang mga ordinaryong namumuhay, kahit sa mga dalisdis ng bundok. Sa harap nitong pagpapahirap at malubhang pagpapagutom, wala ring binibigay na suporta ang gobyerno upang makakain ang mga magsasaka. Samantala, sa kalunsuran, mas lumaganap din ang kawalan ng trabaho at kagutuman. Kasabay nito ay mas lumaganap din ang pagpatay, pagpataw ng mga gawa-gawang kaso at iligal na pag-aresto sa mga inosente. Angkop na pangibabawan natin ang ating takot sa mga pwersa ng estado at ating ipakita ang ating lakas mula sa ating matibay na pagkakaisa.
Makibaka rin tayo at ating ikundena ang patuloy na pagbuyangyang ni Duterte sa ekonomiya ng Pilipinas sa harap ng nakakamatay na kalagayan ng mamamayan. Lalong binigyan ng prayoridad ng estado ang pagpasok ng dayuhang mga negosyo sa bansa, pag-iimport ng mga batayang pangangailangan tulad ng bigas (sa pamamagitan ng Rice Tariffication Law) at karneng baboy at pagbibigay ng bentaha at benipisyo sa mga malalaking burgesya kumprador habang lumalala ang pagkalugi at pagkabangkarote ng mga malilit na negosyante at kagutuman at kawalan ng trabaho ng malawak na bilang ng masang Pilipino.
Makibaka tayo para sa ating pambansang soberanya. Nitong huli ay pinapakita ni Duterte na matapang lamang siya sa salita at sa mga ordinaryong sibilyan habang duwag sa dayuhan at walang-kakayahan na depensahan ang sariling bansa. Sa harap ng pagiging makatwiran na sa Pilipinas ang West Philippine Sea, wala pa ring pag-iimbot na isinusuko ito ni Duterte sa China. Pinayagan lamang nito ang 220 barko ng China na mag-istasyon sa Julian Felipe Reef sa Spratly Islands. Hindi tayo nangangailangan ng tutang presidente na handang ibenta ang soberanya ng ating bansa. Dahil dito, tanging ang mamamayan lamang ang may kakayahan na isulong at depensahan ang pambansang kalayaan.
Higit sa lahat, makatarungan na makibaka tayo at hidi matakot dahil napakainam ng kalagayan ngayon para sa pagpapatagumpay ng ating digmang bayan. Muli nating pag-aralan ang mayaman na kasaysayan ng pakikibaka ng mamamayan at muli nating patunayan na ang ating paglaban ang susi ng ating kalayaan at pagkamit ng pantay-pantay at sosyalistang lipunan.
MAKIBAKA, HUWAG MATAKOT!
MABUHAY ANG IKA-48 NA ANIBERSARYO NG NDFP!
MABUHAY ANG NAKIKIBAKANG MAMAMAYAN!
IBAGSAK ANG REHIMENG US-DUTERTE!
ISULONG ANG DIGMANG BAYAN HANGGANG SA TAGUMPAY!