Makibaka para sa kagyat na kahingian ng bayan sa harap ng pagsirit ng presyo ng langis

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Walang kahabag-habag ang mga sugapa-sa-tubong kumpanya sa langis at adik-sa-buwis na gubyernong Duterte sa planong ₱12 kada litrong pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo sa darating na linggo. Kriminal, kung tutuusin, ang planong ito at tiyak na daragdag sa pagdurusa ng masang Pilipinong dati nang naghihirap sa sumisirit na presyo at butas nilang bulsa.

Dapat magtungo sa lansangan ang mamamayan at iparinig ang kanilang boses at maglunsad ng iba’t ibang porma ng aksyong masa para ipahayag ang kanilang galit at igiit ang kanilang kagyat na mga kahingian.

Hindi na katanggap-tanggap sa malawak ng masa ang katwiran ng mga kumpanya sa langis na wala silang magagawa kundi itaas ang kanilang presyo dahil sa tumataas na presyo ng imported na krudo, laluna matapos ang mga balitang tumabo ang Petron ng ₱6.41 bilyong kita sa nakaraang taon, umaatikabong 150% na pagrekober ng kita mula 2020. Gayundin, hindi na nila kayang tanggapin ang pagtanggi ng rehimeng Duterte na suspendihin man lamang ang pangungulekta ng buwis sa harap ng katotohanang nakakulekta na ito ng mahigit ₱75 bilyon mula sa mga buwis sa langis na binayaran ng mamamayan.

Ang malapad na mga demokratikong sektor ay dapat magsama-sama at kumilos para ipaglaban ang kanilang kagalingan at kolektibong isigaw ang kahingian para sa kagyat na pagrolbak ng presyo ng langis sa antas bago ang 2022 at kagyat na ihinto ang pangungulekta ng excise value-added tax na ipinapasa sa mga konsyumer.

Natutulak ang mga drayber ng dyip, traysikel at iba pang transporasyon, na lugi lang kapag bumibiyahe, na maglunsad ng welga sa transportasyon at maggiit ng dagdag-pasahe. Iginigiit din nila ang dagdag na subsidyo sa langis pero alam nilang madali lamang din itong masasaid at pupunta lang bulsa ng mga kumpanya sa langis. Ang malapad na masa ng manggagawa na nagdurusa mula sa pagkapako ng sahod mula pa 2018 at pagkakaltas ng sahod simula 2020 ay walang ibang magagawa kundi magkasa ng mga proesta sa pagawaan at welga para igiit ang mas mataas na sahod at maayos na kundisyon sa paggawa.

Ang masang anakpawis at mga propesyunal ay dapat ding magkaisa para igiit ang kanilang kahingian na ibaba ang presyo ng pagkain at iba pang bilihin, itaas ang sweldo, ayuda, pagpahinto ng pagtatambak ng imported na labis na produktong agrikultural, itaas ang presyo ng mga produktong magsasaka, at iba pang kagyat na kahingiang pang-ekonomya.

Habang ipinaglalaban ang kanilang kagyat na mga kahingian, dapat din nilang igiit ang pagbabasura sa Oil Deregulation Law of 1998 na nagpapahintulot sa mga kumpanya ng langis na itakda ang presyo at tiyakin ang tuluy-tuloy na pagbulsa ng tubo. Dapat din nilang tanggihan ang balak na ibalik ang Oil Price Stabilization Fund tulad noong panahon ni Marcos na ipinapasa lamang din sa mga konsyumer at ginamit para bigyang-katwiran ang pagtataas ng presyo.

Dapat din nilang isigaw ang panawagan para sa pagsasabansa ng industriya ng langis kung saan ang estado ang kokontrol sa importasyon ng krudong langis at iba pang produktong petrolyo mula sa pinakamurang pagkukunan, pag-iimbak at pamamahagi ng produktong petrolyo, at gayundin itaas ang kakayahan ng bansa na magrepina ng krudong langis at magmina ng langis mula sa lokal na mga mapagkukunan.

Ang panawagan para sa pagsasabansa ng industriya ng langis ay isa sa mga susing bahagi ng programa ng PKP para sa pambansang industriyalisasyon. Hinihimok ng PKP ang mamamayan na suportahan ang panawagang ito bilang pangmatagalang solusyon sa walang-tigil na problema ng pagtataas ng presyo ng langis.

Makibaka para sa kagyat na kahingian ng bayan sa harap ng pagsirit ng presyo ng langis