Makibaka sa harap ng nagbabadyang pagsambulat ng mas malalang krisis
Read in: Hiligaynon | Bisaya | English
Download: Audio
Dahil sa labis-labis na pagpapabaya at kapalpakan sa paggugubyerno ni Rodrigo Duterte, laluna sa pagharap sa pandemyang Covid-19, nagbabadyang sumambulat ang mas malaki pang krisis sa mga darating na buwan na posibleng ibunga ng isa o kombinasyon ng sumusunod na salik:
ang patuloy na paglala ng pandemya bunga ng katigasan ng ulo at pagtanggi ni Duterte na bigyang-prayoridad ang mga hakbanging pangkalusugan; ang pagsadsad ng ekonomya at kabuhayan ng mamamayan dahil sa patuloy na pagsalalay sa lockdown at pagpapatupad ng mga pabigat at pahirap na patakaran; at ang paggewang ng rehimeng Duterte dahil sa pagkasaid sa pasensya ng taumbayan.
Dahil sa paglitaw ng Delta variant, at mababa pang antas ng pagbabakuna sa bansa, malaki ang posibilidad na sa mga darating na buwan ay mas mabilis pang kakalat ang Covid-19 na lagpas-lagpas sa kakayahan ng mga ospital at pasilidad. Hindi malayong mapwersa ang gubyerno ni Duterte na magpabalik-balik sa pagpapataw ng lockdown dahil mahina naman ang kapasidad sa testing at contact tracing, at usad-pagong na pagpapabakuna.
Hungkag ang mga katiyakang “babangon na ang ekonomya,” gayong wala namang ginagawang pamumuhunan para pasikarin ang produksyon at pagkonsumo. Batay sa karanasan mula 2020, nananatili ang banta na sa loob lamang ng ilang buwan ay muling sisirit ang bilang ng walang hanapbuhay at darami ang malawakang pagkalugi at pagsasara ng mga negosyo. Ibubunsod nito ang ibayong pagsidhi ng pagsasamantala sa mga manggagawa, lalo pang pagsadsad ng kabuhayan ng milyun-milyong mamamayan kapwa sa kalunsuran at kanayunan, ibayong paglubha ng kagutuman at malnutrisyon, paglala ng krisis sa edukasyon at pagkatuto, at paglala ng iba pang mga suliraning sosyoekonomiko.
Hindi malayong sumiklab ang masidhing krisis sa pulitika ng naghaharing rehimeng Duterte, sa harap ng patuloy nitong pagkabigo na epektibong pamahalaanan ang krisis sa kalusugan at krisis sa ekonomya. Habang papalapit ang pagtatapos ng kanyang termino, at itutulak ang kanyang iskemang magkapit-tuko sa poder, tiyak na lalong titindi ang paggamit ni Duterte ng karahasan at panlilinlang, upang lumpuhin sa takot ang taumbayan at pilayin ang sinumang tumututol.
Natutulak sa desperadong kalagayan ang mamamayan dahil sa bulok, palpak at pahirap na paggugubyerno ni Duterte. Milyun-milyong Pilipino ang araw-araw ay nagtitiis sa kaliwa’t kanang mahahabang pila para sa pagkain, ayuda at bakuna.
Sa harap ng banta ng lalong masidhing krisis, dapat kumilos ang sambayanang Pilipino at ipahayag ang kanilang hinaing at pagtutol sa mga patakarang lalong nagpapahirap sa kanila. Hindi pwedeng manatiling tahimik at watak-watak ang mamamayan. Hindi pwedeng maghintay na lang ng ayuda, o umasa sa kawanggawa ng kapwa, para itawid ang sikmura sa sukdulang kagutuman.
Hindi na dapat pumayag na habampanahong makulong sa loob ng mga bahay habang wala namang ginagawa ang gubyerno na palakasin ang kapasidad sa pagharap sa pandemya, habang inaabuso ng mga upisyal ang kanilang kapangyarihan, hinahaluan pa ng pulitika ang ayuda at bakuna, ibinubulsa ang pondo ng bayan, nilulustay sa gerang walang kapararakan, o ipinambabayad sa palaki nang palaking utang ng gubyerno na hindi naman pinakinabangan ng bayan. Dapat lumabas sa mga eskinita at kalsada, buuin ang nagkakaisang paninindigan at ipamalas ang galit sa palpak na gubyernong siyang responsable sa malalang pandemya at krisis.
Hindi dapat pumayag ang bayan na patuloy silang busalan ng sindak at terorismo ni Duterte. Kung titikom ang bibig ng bayan, lalong lalakas ang loob ni Duterte at ng kanyang mga utusan at alipures na apak-apakan ang mga karapatan at kapakanan ng mamamayan, kamkamin ang pondo ng bayan, ipataw ang mas mabibigat na pasaning buwis, magtraydor at makipagkunsabahan sa mga dayuhan, sarilinin ang pampulitikang kapangyarihan, maghasik ng terorismo at palawigin pa ang pananatili sa Malacañang.
Nasa balikat ng lahat ng pwersang rebolusyonaryo at mga aktibistang progresibo, patriyotiko at demokratiko ang mabigat na responsibilidad na gabayan at pamunuan ang sambayanang Pilipino sa kanilang paglaban sa naghaharing tirano ni Duterte.
Sa harap ng nagbabadyang pagsambulat ng mas malaki pang krisis, dapat ubos-kaya silang kumilos, gamitin ang lahat ng paraan at pangibabawan ang lahat ng limitasyon at mga paghihigpit sa ilalim ng militaristang lockdown, upang abutin ang masang watak-watak, itaas ang kanilang kamulatan sa pamamagitan ng iba’t ibang anyo ng propaganda at edukasyon, palawakin ang kanilang mga organisasyon, buuin ang pinakamaraming samahan sa pinakamaraming lugar, at pandayin ang kanilang militansya na ipahayag ang kanilang poot, ipaglaban ang kanilang mga kagyat na demokratikong kahilingan at mga karapatan at singilin ang palpak at pabayang rehimeng Duterte.
Ang malawak na masang Pilipino na pinahirapan ni Duterte ay mistulang tuyong dayami na naghihintay ng diklap para maging makapangyarihang apoy na tatapos sa kanilang pagdurusa sa ilalim ng pahirap at palpak na rehimen. Ang lumalalim na desperasyon ng mamamayan–para sa pagkain, ayuda at bakuna–ay dapat tipunin at itransporma sa isang pwersa para sa paglaban, habang itinataas ang kanilang pambansa-demokratikong kamulatan. Dapat gabayan ang bayan sa landas ng pagsasama-sama, hindi ng pagkakanya-kanya, sa landas ng pakikibaka, hindi ng pagmamaka-awa.
Said na ang lahat sa masang Pilipino. Wala nang mawawala sa kanila.