Makiisa sa protesta at panawagan ng mga manggagawa sa sektor sa kalusugan para sa karapatan sa sapat at makabuluhang sahod, kumpensasyon at benepisyo!
Read in: English
Hindi biro ang araw-araw na pakikipagsapalaran ng lahat ng mga manggagawang pangkalusugan laban sa pandemyang Covid-19. Ipinupuhunan nila ang sariling mga buhay at kaligtasan ng kanilang mga kaanak sa araw-araw na pakikipagbuno sa suliraning kinahaharap ng bansa sa ngayon. Mahigpit na nakikiisa ang Makabayang Samahang Pangkalusugan (MSP- Bikol) sa ilulunsad na malawakang kilos-protesta at tigil-paggawa ng mga manggagawang pangkalusugan. Marapat lamang na tugunan, at kung tutuusin ay higitan pa nga, ng rehimeng US-Duterte ang lahat ng mga makatwirang kahingian ng mga frontliners. Hindi sapat ang mga pangako ng benepisyong ilinista lamang sa tubig. Hindi na katanggap-tanggap ang sinasabi ng rehimen na walang sapat na pondo. Hindi na dapat makatakas sa kanilang pananagutan ang ahensya ng DOH at ang buong gubyernong Duterte.
Palibhasa, simula’t sapul ay wala ni katiting na pagpapahalaga si Duterte sa buhay at kapakanan ng mamamayang Pilipino. Bago pa ang pandemya, ipinagpatuloy at pinasidhi na niya ang pagpapatupad ng mga neoliberal na programa at mapagsamantalang patakaran sa paggawang dati nang naglugmok sa mga manggagawa at buong sektor sa kalunus-lunos na kalagayan. Habang nangungulelat at laging kapos ang pondong ibinibigay sa DOH, bumabaha naman ng trilyun-trilyon na pondo para sa Build, Build, Build at iba pang programang pinaglalawayan ng malalaking kapitalista at dayuhang mamumuhunan.
Higit sa lahat, pasismo at terorismo ang tanging bukang-bibig ng tirano. Ilang daang bilyon ang linulustay para sa mga bala, bomba at mga armas ng malawakang pagwasak na sumira sa mga komunidad samantala wala ni isang kusing na natatanggap ang mga manggagawa at propesyunal pangkalusugan. Hindi nalilimot ng sambayanang nauna pang doblehin ni Duterte ang sweldo ng pulis at militar bago magbigay ng baryang dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa iba pang mga sektor. Prayoridad ng rehimen ang modernisasyon ng mga berdugong institusyon ng AFP at PNP samantala ni walang anumang makabuluhang programang susuporta sa research and development. Ngayon, kahit sa gitna ng pandemya, pinili pa rin ni Duterte na unahin ang pagpapatupad at pagpondo ng kanyang walang katuturan at labis na mapangwasak na gera kontramamamayan.
Masahol pa, kaliwa’t kanang korupsyon at anomalya ang lalo pang sumisimot sa kakarampot na pondong para sana sa sektor ng kalusugan. Mula sa eskandalo ng bilyun-bilyong halagang kinurakot ng Philhealth hanggang sa P67 bilyong pondong hindi ilinaan ng DOH para sa frontliners – batbat ng samu’t saring kaso ng pandarambong ang buong sektor. Sa gitna ng lahat ng ito, nasisikmura pa ni Duterte na insultuhin ang mamamayan at sabihing kahit siya na lang ang natitira sa mundo ay kakampihan pa rin niya si DOH Sec. Francisco Duque III.
Nananawagan ang MSP-Bikol sa masang Bikolano na suportahan ang laban ng medical frontliners. Mahigpit na kundenahin, ilantad at itakwil ang pambabaluktot ng pasistang rehimen na nagsisimula ng kaguluhan at mapanghati ang protesta ng mga manggagawang pangkalusugan at ang paniningil ng sambayanan. Hindi tinatalikuran ng mga medical frontliners ang kanilang sinumpaang tungkuling magbigay-kalinga at lunas sa mamamayan. Ipinagtatanggol lamang nila ang mga karapatang ipinagdadamot mula sa kanila. Kailanman, hindi naging maling ipaglaban ang mga demokratikong interes ng mamamayang matagal nang ipinagkakait sa kanila. Tunay na tanging ang nagkakaisang pagkilos at pagbalikwas ng sambayanan ang makapagtutulak ng makabuluhang pagbabago at hahawan ng landas upang makamit ng mga manggagawa sa sektor ng kalusugan at iba pang uring inaapi at pinagsasamantalahan ang lahat ng kanilang mga karapatan at makatwirang kahingian.