Mala-SEMPO na atake ng AFP at PNP, patuloy na nararanasan ng magsasakang Bikolano sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic! — PKM-Bicol
Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Bicol | NDF-Bicol | National Democratic Front of the Philippines
May 30, 2020
Mariing kinukundena ng PK -Masbate ang isinasagawang pasismo ng militar at pulis sa mga magsasakang Bikolano. Idinudulot nito ang karagdagang pahirap sa mamamayang nakararanas na ng matinding krisis dahil sa Covid-19. Isa sa pinakamasasahol na pasistang atake sa Kabikulan ang pagmasaker ng pinagkumbinang pwersa ng militar at pulis sa limang magsasaka sa Brgy. Dolos, Bulan, Sorsogon noong Mayo 8. Ginalugad pa ang bahay ng mga biktima at ninakawan ng kagamitan at pera ang kanilang mga pamilya.
Bahagi ito ng papatinding mala-SEMPO na atake ng AFP at PNP sa rehiyon sa panahong nananalasa ang pandemya. Sa Masbate, 11 magsasaka na ang dinakip at iligal na inaresto, tatlo ang iligal na ikinulong, dalawa ang ninakawan at dalawa ang sapilitang pinalayas mula sa kanilang tahanan. Naghulog pa ng mga pampleto ang AFP mula sa kanilang mga helicopter upang hikayatin ang mga tao na ‘sumuko’. Nangyari ang mga atakeng-militar na ito sa panahon ng tigil-putukan.
Malinaw na ginagamit ng rehimeng US-Duterte ang paglaganap ng pandemya upang patahimikin ang mamamayang lumalaban at durugin ang patuloy na lumalakas na rebolusyonaryong kilusan. Sa kabila nito, patuloy na nabibigo ang mga pakana at nalalantad sa mamamayang Bikolano ang kanyang pasistang pang-aatake at kainutilan sa pagharap sa pandemyang COVID-19.
Hindi pahihintulutan ng magsasakang Bikolanong patuloy silang hulihin, paratangan at patayin ng mga bandidong militar at pulis. Patuloy nilang isisigaw ang kanilang mga kahingian at karapatan na pilit tinatabunan ng rehimeng US-Duterte sa mga mapanlinlang na mga proyekto at programa. Hindi ang sakit, kung hindi ang pasistang bayrus ni Duterte, ang higit na banta sa buhay at kabuhayan ng magsasakang Bikolano.
Nananawagan ang PKM-Bikol sa mamamayang Bikolano na organisadong labanan at harapin ang mala-SEMPO na atake ng rehimeng US-Duterte. Dapat organisahin ang pinamalawak na hanay ng mga batayang sektor ng lipunan at paghandaan ang hagupit ng higit pang matinding pananalasa ng pasismo ng estado. Muling buhayin ang praktika ng trooping the radio stations o TRS upang epektibong mailantad ang mga pang-aabuso ng militar sa mga baryo. Mayaman ang karanasan ng masang Bikolano sa paglalantad ng mga karahasan ng ahente ng estado at pagpapalayas ng militar o pagpapaalis ng mga detatsment. Marapat na paghalawan ng aral ang mga ito upang mapataas ang praktika bilang paghahanda sa mga mala-SEMPO na atake.
Mala-SEMPO na atake ng AFP at PNP, patuloy na nararanasan ng magsasakang Bikolano sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic! -- PKM-Bicol