“Malakas” na AFP, instrumento ni Duterte sa teroristang panunupil sa mamamayan
Hungkag ang pagyayabang ni Duterte sa kanyang Talk to the People noong Lunes na tiwala siyang matatapos ang kanyang termino na “malakas” ang AFP, na isa sa mga ipinangako niya sa panahong nangangampanya noong 2016. Dahil raw ito sa inilaan niyang malaking pondo para sa pagtaaas ng sahod ng mga sundalo at opisyal at pagtitiyak ng modernisasyon ng AFP sa buong panahon ng panunungkulan niya. Sa ilalim ni Duterte, higit na nag-ibayo ang pasista at mersenaryong tradisyon ng AFP. Pinaypayan ni Duterte ang kultura ng impyunidad at terorismo ng estado na lalo pang nagpalala sa kalagayan ng karapatang tao sa Pilipinas. Higit silang kinamumuhian ng sambayanang Pilipino na nananawagan ng hustisya sa mga krimen ng teroristang rehimen at ng AFP.
Kunsabagay, ano nga ba naman ang maipagyayabang na accomplishment ni Duterte? Ito nga lamang ang natupad niya sa dami ng kanyang nasira at sinirang pangako sa taumbayan tulad ng pagwawakas sa kontraktwalisasyon, pagsugpo sa iligal na droga, paglaban sa kurapsyon at pagsusulong ng usapang pangkapayapaan sa NDFP. Habang binubundat ni Duterte ang AFP at PNP sa mga umento at pabuya, hindi katanggap-tanggap para sa mas maraming low-medium income earners na nasa sektor publiko tulad ng mga guro, nars, empleyado ng gubyerno na mas mataas pa ang sahod ng mga karaniwang sundalo sa kanila laluna sa gitna ng pandemyang COVID-19. Sagad na pinagtatrabaho ang mga guro at nars sa mahabang oras at ang marami ay napipilitang maghanap ng sideline na pagkakakitaan para punuan ang pangangailangan ng pamilya. Naitaas nga ni Duterte ang sahod ng mga sundalo pero pahirapan pang makakuha ng dagdag na alawans ang mga medical frontliners na pangunahing humaharap sa panganib ng kumakalat na sakit.
Pero ang totoo, kabalintunaan ang pagmamayabang ni Duterte dahil isang malaking karuwagan ng AFP ang paggamit ng makabagong armas laban sa mga sibilyan. Duwag ang AFP dahil isinama nito ang mamamayan sa mga target ng anti-droga at anti-komunistang gera na nagresulta sa dumaraming kaso ng paglabag sa karapatang tao. Walang kahihiyang pinagbabalingan ng mga sundalo ang mga sibilyan at di-armado sa tuwing nabibigwasan sila ng NPA sa mga inilulunsad nitong matatagumpay na taktikal na opensiba. Lalong duwag ang AFP na nagkukubli sa likod ng malalakas na armas at sandata bilang pantapat sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayang lumalaban.
Sa kalunsuran, minamanmanan, inaaresto at pinapaslang ng mga ahente ng estado sa kumpas ni Duterte at kanyang juntang militar ang mga aktibista, makabayan, progresibong indibidwal at organisasyon at mga kritiko gamit ang mga makabagong kagamitan sa paniktik. Bahagi ito ng kampanyang panunupil ng estado upang patahimikin ang mga lumalaban sa anti-mamamayan at anti-demokratikong patakaran ng rehimen.
Sa kanayunan, walang habas na binobomba at kinakanyon ng AFP ang mga komunidad at sakahan ng mga magsasaka at pambansang minorya gamit ang mga bagong armas pandigma kahit walang malilinaw na target. Sa Timog Katagalugan, binomba ng AFP ang mga hangganan ng mga bayan ng Catanauan, Mulanay, San Narciso at Buenavista sa Quezon (Pebrero 2021); hangganan ng Roxas at Mansalay sa Oriental Mindoro (Marso 2021); Brgy. Nicanor Zabala, Roxas, Palawan (Hulyo 2021), Brgy. Manoot, Rizal, Occidental Mindoro (Nobyembre 2021) at hangganan ng Lopez, Gumaca, Pitogo at Macalelon sa Quezon (Nobyembre 2021) matapos ang mga labanan sa NPA. Hindi bababa sa 30,000 mamamayan ang naitalang bilang ng mga apektado at napinsala sa naturang pambobomba. Sa Mindanao, naiulat ang walang pakundangang pambobomba at panganganyon ng AFP kahit walang nagaganap na labanan.
Lansakan ding nilalabag ng AFP ang batas ng digma at ang karapatan ng mga armadong pwersang wala nang kakayahang lumaban. Napakahaba ng listahan ng kanilang kaso ng pagtotoryur at pagpaslang sa mga hors de combat. Makahayup ang AFP sa paglapastangan sa mga labi ng mga Pulang mandirigma at pagpapahirap sa mga kaanak ng mga biktima na makuha ang mga labi at mabigyan ng disenteng libing.
Habang nagpapalaganap ng takot at teror, nagpapakasasa naman ang matataas na opisyal ng AFP sa malaking pondong inilaan ng rehimeng Duterte sa kampanyang pagpapasuko, pekeng proyektong pangkaunlaran at mga FMO at RCSPO. Sinisilaw ni Duterte ng suhol at pabuya ang AFP para maging bulag na instrumento ng terorismo sa kanyang patakarang Kill, Kill, Kill. Binubuhusan ng malaking pondo at benepisyo ang mga sundalo upang maging sunud-sunuran sa bawat naisin ni Duterte, patuloy na maghasik ng karahasan at ipagtanggol ang pasistang pamumunong militar. Noong 2021 lamang, nakatanggap ang NTF-ELCAC ng P19 bilyong budget (katumbas ng 3,000% pagtaas sa budget) sa kabila ng malakas na panawagang tanggalan na ito ng pondo. Naglaan pa si Duterte ng P38 bilyon para sa AFP modernization program. Ngayong 2022, naglaan ang rehimen ng P222 bilyon sa Department of National Defense (DND), ikatlo sa may pinakamalaking pondo sa pambansang badyet o katumbas ng 4.4% ng kabuuang badyet.
Sa kabila ng pagwawasiwas ni Duterte ng mga makabagong armas at pagbibigay ng pabuya sa AFP-PNP, hindi nito nagawang pahinain ang rebolusyonaryong kilusan na patuloy pa ring lumalakas at umaani ng malawak na suportang masa. Patunay nito ang paurong nang paurong na pagtatakda ng dedlayn ng pagwasak diumano sa rebolusyonaryong kilusan, mula noong 2019, at kamakailan ay muling pinalawig hanggang sa pagtatapos ng termino ni Duterte sa Hunyo 2022.
Hindi dapat panghinaan ang mamamayang Pilipino sa ipinagmamalaking makabagong armas ng rehimen at “lakas” ng AFP. Napapawalang-saysay ng pagkakaisa ng mamamayan at pakikipagtulungan sa NPA ang anumang nakukuhang abanteng sandata ng AFP. Sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagtutulungan ng mamamayan at Hukbo, nagagawang ikubli ang presensya ng NPA sa kanayunan sa gitna ng masinsing pakat at operasyong militar at pulis. Nailulunsad din ang matatagumpay na taktikal na opensiba na bumibigwas sa mga palalong kaaway.
Nakahanda ang mga yunit ng NPA sa ilalim ng MGC na tupdin ang tungkulin nitong isulong ang armadong pakikibaka sa kanayunan. Bibigwasan nito ang pasistang AFP-PNP upang ipagtanggol ang mamamayan at kamtin ang hustisya. Kasabay nito, kailangang paigtingin ng mamamayang Pilipino ang kanilang anti-pasistang pakikibaka laban sa rehimeng Duterte at AFP. Patibayin ang kanilang bigkis para maging matibay na muog na hindi mabubuwag ng pasismo ng estado. Dapat na singilin at panagutin si Duterte at ang AFP-PNP sa kanilang mga krimen sa bayan.
Patuloy na suportahan ang digmang bayan bilang tanging sandata ng mamamayan laban sa marumi at brutal na kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimeng Duterte. Patuloy na tangkilikin ang NPA bilang tunay na Hukbo ng mamamayan na nagtatanggol at nagtataguyod sa interes ng inaapi at pinagsasamantalahan. Kasabay nito, makakaasa ang mamamayan sa NPA sa buhay-at-kamatayang pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon sa panibagong antas hanggang sa tagumpay. ###