Malalang paglabag ng AFP at PNP sa karapatang tao sa mga Sorsoganon

Ngayong Disyembre 10, muli nating gugunitain ang ika-71 taon ng International Human Rights Day, kabilang ang mga Sorsoganon sa maglulunsad nito bahagi ng kanilang karapatang magpahayag ng kanilang hinaing laluna ngayong nananalanta ang Executive Order 70 at Memorandum Order 32 ng rehimeng US-Duterte. Malaki ang pinsalang idinulot ng bagyong Tisoy, subalit mas matindi ang epekto ng pakanang community support program (CSP) ni Duterte at kasapakat nitong pwersa ng AFP at CAFGU sa mga lugar dito sa Sorsogon.

Sa bayan ng Barcelona, nasa ilalim ng CSP ng gubyerno ni Duterte ang mga baryo ng Sta Lourdes, San Antonio, Bagacay, Fabrica, San Ramon at Sta Cruz. Ganundin ang mga baryo ng Tigkiw at Tugawe sa bayan ng Gubat. Ang mga baryo naman ng Sta Barbara at San Jose sa Bulusan. Bawat baryo ay mayroong hindi bababa sa 20 ang pwersang nakatalaga dito. Nagdudulot ito ng takot sa mga komunidad laluna sa mga bata at kababaihan laluna sa hanay ng mga magsasaka.

Nang ideklara ng rehimeng Duterte ang Executive Order 70 at Memorandum Order 32 noong nakaraang taon para ipatupad ang kontra-insurhensiyang paglaban nito sa Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Bagong Hukbong Bayan (BHB), pawang mga sibilyan ang kanilang pinupuntirya at naging biktima katulad nang lantarang pagpaslang kina Nanay Nelly Bagasala at Ryan Hubilla, mga boluntaryong gumagampan para sa kagalingan ng kapwa nila Sorsoganon na ginigipit ng gubyerno ni Duterte.

Mula nang maupo si Duterte, naitala sa probinsya ang 32 kasong biktima ng walang habas na pamamaslang ng mga pwersa nitong AFP-PNP-CAFGU at DDS, walo dito ngayong taon. Pinakahuli sa kanilang pinaslang si Bernabe G. Estiller, 41, kagawad at residente ng San Antonio, Barcelona noong ika-8 ng Nobyembre 2019. Nagdala noon ng kopra sa pisaran si Estiller nang patraydor syang barilin ng dalawang lalaki ayon sa mga nakasaksi.

Layon ng rehimeng Duterte sa mga ganitong paglabag ay lumikha ng takot at patahimikin ang mamamayan laban sa kanyang walang habas na pamamaslang , korapsyon, kainutilan sa usapin ng tunay na pagsisilbi sa bayan—kontrakwalisasyon, walang tunay na reporma sa lupa, libreng edukasyon, kulang na kulang na serbisyong panlipunan pero bukas na bukas sa neoliberal na mga patakarang idinidikta ng mga among dayuhan nito— ang US at China.

Ang kalagayan ng Sorsoganon, ay hindi hiwalay sa kalagayan ng sambayanang Pilipino, nagpapatuloy ang pagdausdos ng kabuhayan ng masang magsasaka dulot ng batas na ipinataw gaya ng RLL o Rice Liberalization Law, na nagresulta ng pagbagsak ng halaga ng palay sa presyong 10/kilo. Ang mga magniniyog ay lugmok din sa kahirapan at wala ng kinikita sa kanilang produktong kopra na sanhi ng liberalisasyon at pagbaha ng produkto mula sa palm oil at dinagdagan ng pahirap na dulot ng bagyong Tisoy.

Ang ganitong kalagayan ng masang pilipino, laluna sa Sorsogon ang dahilan kaya lumalakas ang kilusang mapagpalaya dito. Naghahangad ang mga Sorsoganon ng pagbabago. Nais nilang wakasan na ang tumitinding kahirapan at pagsasamantala laluna ng masang anakpawis.

Hindi dapat matakot tayong mga Sorsoganon. Ito ang panahon ng pagkilos at paglaban, hindi dapat manaig ang pasismo ni Duterte sa ating lipunan. Dapat nating buklurin ang isang malakas na hanay at tinig laban sa pagpapatalsik kay Duterte. Padagundungin natin ang sigaw ng mamamayan ng Sorsogon.

Labanan ang pasista, pahirap at papet na rehimeng US-Duterte!
Ibasura ang kontra mamamayang EO70, MO32 at Oplan Kapanatagan!
Itigil ang atake sa mga Mamamayan!
Itigil ang pagpatay, pagdukot at sapilitang pagkawala!
Katarungan sa paglabag sa Karapatang Tao
Rehimeng US-Duterte, Ibagsak!

 

Malalang paglabag ng AFP at PNP sa karapatang tao sa mga Sorsoganon