Malayang Tugon sa Reaksyon ni Col. Paul Regencia sa Pahayag ng NDF-Bikol na ang “Red October Plot” ay Pakana ng Rehimeng US-Duterte sa Pagpataw ng Batas Militar sa buong bansa
Kahapon lamang, naglabas ng pahayag ang NDF Bikol hinggil sa kwento sa likod ng ipinangangalandakan ng AFP na Red October Plot ng rebolusyonaryong kilusan laban sa rehimeng US-Duterte. Ilininaw sa pahayag na ito na walang ibang layunin ang balitang Red October Plot kundi ang likhain ang klima para sa pagpapataw ng Batas Militar sa pambansang saklaw. Alinsunod sa disenyo ng US, linalayon nitong pahupain ang paglaban ng sambayanan nang tuluy-tuloy na makapanalasa sa bansa ang mga neoliberal na patakaran ng pagsasamantala. Kasabay ng paglilinaw na ito ang hamon ng NDF-Bikol sa rehimeng US-Duterte at AFP na panagutan ang sunud-sunod nilang krimen laban sa masang Bikolnon.
Ngunit sa halip na sagutin ang usapin ng katakut-takot na pasismo at terorismo sa rehiyon at ang kainutilan ng kanilang among diktador na tugunan ang pang-ekonomyang krisis na nananalasa sa masa, nagkasya na lamang si Col. Paul Regencia sa pagpapakawala ng mga komentaryong hindi pinag-isipang mabuti. Liban sa panlilibak sa kakayahan ng NPA, nakapagpapanting ng tengang marinig ang pahayag ni Regencia na ‘maganda’ umano ang buhay ng masang Bikolnon at na ‘hanggat binibigyan sila ng tulong ay wala silang galit’.
Mukhang hibang na si Regencia. Anong tulong ang tinutukoy niya? Ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion at ang kakambal nitong pagsirit ng presyo ng mga bilihin? Ang Oplan Tokhang at Oplan Kapayapaan ba na pumatay na ng ilang libong sibilyan? O ang Batas Militar sa Mindanao na hanggang ngayong ay wumawasak sa daang komunidad at kumikitil sa libu-libong buhay? Paano niya nagagawang sabihing hindi nagngangalit ang masang Bikolano sa harap ng nagdudumilat na pagtaas ng presyo ng bilihin, kuryente, tubig, pamasahe, bayarin sa eskwelahan at iba pa? Saan humugot ng lakas ng loob si Regencia na ipagyabang na maganda ang buhay ng mamamayang Bikolano gayong ikatlo sa may pinakamababang sahod ang mga manggagawang Bikolano at nananatiling walang lupa ang kalakhan ng magsasaka sa rehiyon? Matapos aminin ni Duterte ang kanyang patakarang ekstrahudisyal na pagpaslang, paano inaasahan ni Regencia na paniniwalaan ng mamamayang sila ay tumitindig para sa kapayapaan at kaligtasan ng masa?
Hindi nakapagtataka ang mga pahayag ni Regencia. Tunay namang masarap ang buhay ng mga bayarang mamamatay-tao sa ilalim ng proteksyon ng pasistang rehimen. Hindi tulad ng masang Bikolnon na nagkakandakuba sa pagpasan ng kahirapan ng bansa, walang ibang iniisip ang upisyales ng militar kundi ang madagdagan pa ang bilang ng kanilang napapatay nang matuwa ang kanilang among terorista. Hindi tulad ng karaniwang mamamayan, hindi kinakailangan pumila ng mga upisyales ng AFP at alipures ni Duterte para sa ilang kilo ng NFA rice. Hindi nila kailangan pagkasyahin ang P290 na arawang sahod para sa buong pamilya. Ang kailangan lang nilang gawin ay pumatay at sumunod sa dikta ni Duterte.
Ano nga naman ang aasahan ng mamamayan mula sa isang gubyernong masigasig na papet ng imperyalistang US at walang pagrespeto sa talino at kakayahan ng masang suriin ang kanyang sariling kalagayan? Natural lamang na iwasan at pagtakpan ng mga tagapagsalita ng lahat ng sangay ng gubyerno at AFP ang kainutilan ng kanilang pinagsisilbihang institusyon. Sa tuwing mayroong usaping hindi nila kayang sagutin o ‘di kaya ay napasisinungalingan ang kanilang mga gawa-gawang kwento, kaagad nilang ilinilihis ang usapan at ibinababa na lamang sa panlilibak o mas masahol pa sa pagsasabing biro lang ito. Ngunit ang totoo, nagtatago sa likod ng kanilang nagtatapang-tapangang imahe ang pagkakandarapa nilang apulahin ang pagkamuhi ng mamamayan sa nangyayari sa lipunan. Sa rehiyon, natatalisod ang 9th IDPA sa sarili nilang mga salita’t hinabing kwento.
Sa usapin pa nga lamang ng diumano’y engkwentro sa Sorsogon, nagkakabuhul-buhol na ang dila ni Regencia. Kahit pinaghandaan na niya ang kanyang pahayag, hindi pa rin nagtutugma ang mga datos. Kung sinasabi niyang kagyat silang naglagay ng mga checkpoint sa palibot nang pinangyarihan, paano nakalusot sa kanila ang isang ambulansyang naglalaman umano ng mga sugatang NPA? Napakalaki ng posibilidad na hindi mga pulang mandirigma ang sugatang lulan ng naturang ambulansya kundi ang mga patay at sugatan mula sa kanilang hanay. Labag din sa protocol ng digma ang madalas nilang paggamit ng ambulansya at pamasadang van sa patagong pagpasok sa mga sonang gerilya.
Gayundin, ano’t nananatiling naka-red alert ang kasundaluhan at kapulisan sa rehiyon at kinailangan pa ngang buuhin ang Task Force Bicolandia kung, ayon kay Regencia, wala nang kakayahan ang NPA na magsagawa ng malalakihang opensiba tungong destabilisasyon? Bakit nangangatog ang tuhod ng militar sa bawat balita ng opensiba ng NPA at nagkakasya na lamang sa pananakot at pagpatay ng mga sibilyan kung talagang wala nang lakas ang rebolusyonaryong kilusan sa Bikol? Ni hindi nakasagot nang direkta ang tagapagsalita ng 9th IDPA nang tanungin hinggil sa pagpaslang ng kanilang mga elemento sa dalawang matandang sibilyan sa Caramoan nitong nakaraan.
Pinararatangan ni Regencia ang BHB sa Kabikulan ng walang pakundangang pag-atake o indiscriminate firing. Ang totoo, ang lahat ng taktikal na opensiba ng BHB ay mayroong mga tiyak na target at may pagsasaalang-alang sa buhay at kabuhayan ng masa. Ang AFP ang may mahaba nang kasaysayan ng walang pakundangan at walang piling pagpaslang. Sa Batas Militar pa lamang sa Mindanao, puu-puong bomba ang bumabagsak mula sa himpapawid ng Marawi at walang pakundangang sumisira ng kabuhayan at kumikitil ng sinumang masaklaw ng pagsabog. Akala yata ni Regencia nalimutan na ng masang dalawang beses namatay ang higit sa 10 nilang kabaro dahil sa todo-largang pambobomba nila sa lugar. Kahit mismong mga elemento ng kasundaluhan, biktima ng kanilang sariling pang-aatake. Sa rehiyon, ang panggigipit at sapilitang pagpapalikas ng 9th IDPA sa daan-daang pamilya, ang pagpatay nila sa mga sibilyan, paglilibing nang buhay sa mga magsasaka, pagpatay sa mga bata at matatanda – ito ang tunay na walang pakundangang karahasan.
Hindi tulad ng berdugong AFP na walang pagkilala sa hirap na dinaranas ng masang Bikolnon at walang pangingiming ipagtanggol ang isang estadong pumapatay ng mga walang kalaban-labang sibilyan, tumitindig ang buong rebolusyonaryong kilusan kasama ang sambayanan sa kanilang pagtatakwil sa pasista, mapagsamantala at makaimperyalistang rehimeng ito. Patuloy na makakaasa ang mamamayan na ang lahat ng hakbangin ng CPP-NPA-NDFP ay ayon sa kanilang interes at kahingian. Hindi magsasawa ang rebolusyonaryong kilusan na maglunsad ng mga taktikal na opensibang maniningil sa berdugong AFP at sa pasistang rehimeng pahirap sa masa. Magpapatuloy ang pagpupunyagi ng masang labanan at panagutin ang gubyerno ni Duterte na wala nang ibang ginawa kundi ang atakehin ang mamamayan at magpatupad ng mga neoliberal na patakaran ayon sa interes ng kanyang among imperyalistang US.
Hinahamon ng NDF-Bikol si Col. Paul Regencia, ang 9th IDPA at ang buong rehimeng US-Duterte na harapin ang paniningil ng sambayanan. Alam ng masang ang Red October Plot ay pakana lamang ng rehimen upang mailusot ang Batas Militar at makonsentra ang kapangyarihan sa kamay ni Duterte. Sa ganitong paraan, madali na niyang mapagbibigyan ang kanyang among US na magpatupad ng mga neoliberal na patakaran. Malinaw sa masang ang mga kontra-mamamayang patakarang ito ang dahilan kung bakit kumakalam ang kanilang mga tyan habang lalong nabubundat ang mga nasa kapangyarihan. May sapat na talas ang masa upang tuligsain ang pasismo ng rehimeng US-Duterte at ng kanyang bayarang armadong pwersa.
Nananawagan din ang NDF-Bikol sa mga kasapi ng kasundaluhan na namumulat na mula sa kabulukan ng institusyong kasalukuyan nilang kinakaaniban. Laging bukas ang rebolusyonaryong kilusan sa anumang tulong at suporta na nais ipaabot katulad ng mga bala at kagamitang militar na ipinadadala ng mga naliliwanagang myembro nila. Naghihintay ang mamamayan sa tuluyan nilang pagtalikod sa pwersa armadang ilang dekada nang instrumento ng pagsasamantala.
Sa huli, hindi magmamaliw ang paniniwala ng rebolusyonaryong kilusan sa kakayahan ng mamamayang kilalanin ang tunay nilang kasama sa laban para sa kanilang mga demokratikong interes. Ang paglakas at paglawak ng rebolusyonaryong pwersa sa Kabikulan ang hindi maitatangging patunay ng patuloy na pagtangkilik ng masa sa tunay na gubyernong nagsisilbi sa kanila – ang CPP-NPA-NDFP.