Mamamayan, ibayong magkaisa! Tumindig at buong giting na lumaban! Ibagsak ang traydor, korap, inutil at mamamatay taong pasistang rehimeng US-Duterte!
Maysakit man o wala. Malubha man o hindi. Wala nang dahilan pa upang magtagal at manatili sa pwesto ang kasuklam-suklam at matinding kinamumuhian ng taumbayan na si Rodrigo Roa Duterte. Dapat nang patalsikin sa pwesto si Duterte sa pamamagitan ng isang malawakan, orkestrado at koordinadong mga pagkilos sa mga baryo at komunidad, sa mga mayor na lansangan at lugar, sa mga pabrika at paaralan, sa mga opisina, sa social media at maging sa harapan ng mga ospital sa bansa mula sa nagkakaisang hanay ng mga rebolusyonaryo, progresibo at partyotikong mga indibidwal at grupo. Kailangang maramdaman sa buong bansa ang nangangalit na mga tinig ng pag-aalsa ng taumbayan laban sa rehimen. Dapat ding marinig sa bawat sulok ng bansa ang dumadagundong na panawagang ibagsak ang traydor, korap, inutil at mamamatay taong pasistang rehimeng US-Duterte!
Makatarungan, makatwiran at may malalim na dahilan para manawagan ang taumbayan na patalsikin sa kapangyarihan si Duterte. Wala nang moral na kapasidad at ligal na katayuang mamuno sa bansa ang pasistang rehimeng US-Duterte dahil sa mga nagawa nitong katrayduran at krimen sa bayan. Pinagtaksilan niya ang sambayanang Pilipino pangunahin sa pagpapatupad nito ng mga anti-mamamayang patakarang neoliberal sa bansa at sa tuwirang pagsuko sa pambansang soberenya at patrimonya ng Pilipinas sa mga imperyalistang bansang US at China. Malaking katrayduran sa bayan ang ginawa ni Duterte na pagbabalewala sa tagumpay na nakamit ng bansa nuong Hulyo 2016 sa permanent tribunal ng International Tribunal on the Law of the Sea (ITLOS) ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) laban sa pag-aangkin at panghihimasok ng China sa mga teritoryong saklaw ng Pilipinas at sa kinikilalang Exclusive Economic Zones (EEZ) nito sa West Philippine Sea.
Wala nang karapatan si Duterte na manatili sa kapangyarihan dahil sa daan-daang bilyong pisong halaga na kinukurakot niya sa pondo ng bayan at sa mga proyekto sa ilalim ng Public-Private Partnership Projects (PPP’s) at Build, Build, Build programs ng kanyang administrasyon.
Wala nang karapatang manatili pa si Duterte sa pwesto dahil sa patuloy at walang habas na mga paglabag ng kanyang rehimen sa karapatang pantao at internasyunal na makataong batas. Puo-puong libo ang naging biktima ng mga pamamaslang o extra judicial killings (ejk’s) ng mga armadong ahente ng estado dahil sa kanyang madugong pekeng kampanya sa iligal na droga at bilang resulta ng terorismo ng estado na pinatutupad nito laban sa sambayanang Pilipino at sa mamamayang Bangsamoro sa ngalan ng anti-komunismo at anti-terorismo. Pinakahuli sa mga humahabang listahan ng krimen ng pasistang rehimeng US-Duterte ay ang pagpaslang kay Ka Randall Echanis, lider ng Anakpawis partylist at kilalang NDFP Peace Consultant, at kay Zara Alvarez na medical worker at human rights defender sa isla ng Negros.
Hinigitan na ni Duterte, sa usapin ng kalabisan, kalupitan, brutalidad at terorismo ng estado ang labing-apat (14) na taong pag-iral ng batas militar ni Ferdinand E. Marcos at maging ang pinagsamang panahon ng panunungkulan nina Corazon Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Arroyo at B.S. Aquino. Habang nasa kapangyarihan si Duterte, patuloy pang mararanasan ng taumbayan ang walang patumanggang kalupitan at kabagsikan ng pasistang rehimen lalo na’t ganap nang batas ang Anti-Terrorism Act of 2020 o RA 11479.
Inutil at wala na sa kapasidad si Duterte na pamunuan at pangasiwaan ang paglaban ng bansa sa Covid-19. Magpipitong buwan na ang lumipas mula ng makapasok sa bansa ang nakamamatay na Covid-19, na dala ng 3 turistang Tsino mula sa Wuhan, China na sentro ng pinagmulan ng Covid-19, subalit wala pang nararamdaman ang taumbayan na senyales na nagagapi ng gubyerno ang pagkalat ng Covid-19. Patuloy ang pagdami ng bilang ng mga nagkakaroon ng sakit at nangangamatay habang patuloy sa pagkukumahog sa paraang bumbero at patsamba-tsambang humahanap ng paraan ang gubyernong Duterte sa pagsugpo sa pandemya.
Dahil sa walang direksyon at malinaw na estratehiya sa paglaban sa Covid-19, habang kabi-kabila ang kurakutan ng mga tiwaling opisyal ng gubyerno, pulis at militar, lalo lamang nabaon sa utang ang bansa na umaabot na ngayon sa siyam (9) na trilyong piso. Nahigitan na ni Duterte ang mga pinagsanib na pangungutang na ginawa ng mga naunang rehimen. Subalit sa kabila nito, higit pang nalugmok ang dati nang lugmok na kalagayan ng ekonomiya ng bansa dahil sa militaristang paraan ng gubyerno sa paglaban sa bayrus.
Matagal nang naglaho ang pinangangalandakan ng Malacañang na nagtatamasa pa ng malawak na suporta ang inutil na pasistang rehimen. Tanging mga bayarang propagandista at troll armies na lamang ng rehimeng Duterte ang naniniwala at pilit na lumilikha ng ilusyon sa publiko na si Duterte ay “nagtatamasa” ng popularidad. Anuman ang kanilang gawin hindi nila kayang lokohin ang taumbayan at pagtakpan ang nagdudumilat na katotohanan na bigo si Duterte sa lahat ng aspeto ng paggugubyerno.
Ang katotohanan, nasa 27 milyong Pilipino sa bansa ang wala at nawalan ng hanapbuhay. Hindi na kayang tustusan ng bangkaroteng gubyerno ang pagbibigay ng ayuda sa mga mahihirap nating mga kababayan, mga dati nang wala at bagong nawalan ng hanapbuhay na mga Pilipino dahil sa Covid-19. Bagsak sa negative (-) 9% ang Gross Domestic Product (GDP) sa unang hati ng taong 2020. Umabot na sa mahigit sa 700 bilyong piso ang budget depisit ng gubyernong Duterte dahil sa lugmok na kalagayan ng ekonomiya ng bansa.
Sa pangungutang pangunahing nakasandig at sinisweruhan ang gubyernong Duterte sa pagsisikap nitong ibangon at paandarin muli ang halos tigil at lugmok na kalagayang pang-ekonomiya ng bansa. Libu-libong Overseas Filipino Workers (OFW’s) na rin ang umuwi dahil sa wala na silang hanapbuhay sa ibayong dagat. Libu-libo pa ang inaasahang magsipag-uuwian sa bansa. Halos 40% din ng mga nakatatandang populasyon sa bansa ang nagsasabing madilim ang inaasahan nilang buhay sa darating na isang taon sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Batay sa mga naihanay na mga kapabayaan, kainutilan at pananagutang krimen ni Duterte sa sambayanang Pilipino, walang ibang dapat gawin ang taumbayan kundi ang ibayong pahigpitin ang nagkakaisang hanay. Patuloy na magmulat, mag-organisa at magpakilos upang likhain ang isang malapad na nagkakaisang anti-pasista at anti-diktadurang prente laban sa rehimeng Duterte. Magiting na lumaban at magpunyagi sa pakikibaka para maibagsak ang traydor, korap, inutil at mamamatay taong pasistang rehimeng US-Duterte. ###