Mamamayan ng Tinoc, Ifugao, ilantad ang sabwatan ng SCIC at AFP-PNP! Labanan ang militarisasyon at pandarambong sa lupang ninuno!
Nitong nakaraang mga buwan ay muling nagmamaniobra ang Sta. Clara International Corporation (SCIC) upang maipatupad ang kanilang planong pagtatayo ng negosyong hydropower plant sa ilog na dumadaloy sa mga barangay ng Binablayan at Wangwang ng Tinoc, Ifugao. Noong September 2021, nagtungo ang mga tauhan ng SCIC sa Brg. Binablayan, nagkampo, nag-survey, at nagtayo ng muhon. Ito ay naisagawa dahil sa pagpayag ni Kapitan Ramon Cadap ng Binablayan kahit na wala namang nangyaring wastong free, prior, and informed consent (FPIC) sa mamamayan. Kasabay nito ay ang pagsasagawa ng isang batallion-sized na operasyon ng 54th IB at PNP SAF sa ilang mga barangay ng Tinoc, at ang pagkampo ng AFP-PNP sa mga residential areas ng Brgy. Ahin at Brgy Wangwang, Tinoc. Noon namang February 2022 ay nagpapulong ang SCIC sa mga taga-Brgy. Binablayan, at meron ding naka-iskedyul na papulong sa iba pang mga barangay. Kasabay rin nito ay ang pagsasagawa ulit ng AFP-PNP ng isang malaking operasyon na nagpapatuloy pa hanggang sa kasalukuyan. Tinatakot at iniipit rin ng AFP-PNP ang mga mamamayang matapang at matibay na lumalaban sa SCIC, at sila’y inaakusahang may ugnay sa New People’s Army. Liban pa sa paggamt ng SCIC sa AFP-PNP upang takutin at dahasin ang mamamayan, ginagamit rin nila ang taktika ng panlilinlang. Si Kapitan Ramon Cadap ay naging tagapagsalita na ng SCIC. Ipinapangalandalan niya na kapag raw pumayag ang mamamayan sa pagtatayo ng hydropower plant ay magkakaroon rin ng mga kalsada sa mga barangay. Ngunit kahit na hindi pumayag ang mamamayan sa pagtatayo ng hydropower plant, tungkulin ng gobyerno na magtayo ng mga imprastraktura na kailangan ng mamamayan.
Itong negosyong hydropower plant ng SCIC sa Tinoc ay matagal nang nilalabanan at pinipigilan ng mamamayan. Kung matuloy ang proyektong ito, magiging madumi ang og na dumadaloy sa mga barangay ng Binablayan at Wangwang na siyang pangunahing pinagkukunan ng tubig para sa mga sakahan, mamamatay ang mga isda sa ilog, at sigurado ang pagkasira ng ecosystem nito. Maidedeklarang “watershed area” ang buong Brgy. Eheb at Brgy. Tucucan dahil sa mga barangay na ito itatayo ang catch basin ng hydropower plant, at mawawalan ang mamamayan ng karapatan sa kanilang lupang ninuno. Pagbabawalan na silang mag-garden na siyang pangunahin nilang kabuhayan.
Ang pagtatayo ng mga hydropower plant ay bahagi ng programang “Build! Build! Build!” ng rehimeng Duterte, kayat naghahabol silang maipatayo ito sa Tinoc, kabilang ang isa pang hydropower plant sa Kiangan, bago matapos ang termino ni Duterte sa June 2022. Kayat ganoon kadesperado ang AFP-PNP sa pananakot sa mamamayan ng Ifugao sa pamamagitan ng paglulunsad ng malalaking operasyon upang wasakin ang pagkakaisa ng mamamayan laban sa SCIC.
Mga kababayan, kailangan nating halawin, ipunin, at panghawakan ang mga aral mula sa mga kilos masa ng nakaraan laban sa hydropower plant project na ito. Ipalaganap at ipaalam sa lahat ng mamamayan ng Tinoc at maging sa buong probinsya ng Ifugao ang maruruming hakbangin ng SCIC. Ilantad ang naging papel ng kanilang mga lokal na tuta na katulad ni Ramon Cadap. Labanan ang pananakot ng AFP-PNP. Suportahan at makilahok sa armadong pakikibaka na inilulunsad ng New People’s Army!
Mamamayan ng Tinoc, magkaisa! Labanan ang SCIC Hydropower Plant Project!
Ilantad at labanan ang sabwatan ng SCIC at AFP-PNP!
Tumindig para sa karapatan sa sariling pagpapasya sa lupa, buhay, at likas na yaman!