Mamamayang Mindoreño, ipaglaban ang karapatan sa pamamalakaya at pambansang soberanya!
Anim (6) taon na mula nang pinaboran ng Permanent Court of Arbitrations (PCA) ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang bansang Pilipinas sa arbitral tribunal laban sa Tsina sa usapin ng karapatan sa teritoryo sa karagatan at isla ng West Philippine Sea (WPS). Ang inilabas na husga ng PCA na nagdedeklara na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) at Extended Continental Shelf (ECS) ng Pilipinas ang mga isla sa WPS ay isang malaking tagumpay para sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa pambansang soberanya.
Sa kabila ng arbitral award, buong kakapalan ng mukha pang iginiit ng Tsina na hindi nito kinikilala ang pasya ng UNCLOS. Sa halip ginagamit nito ang walang batayang mapang 9-dash line para angkinin ang buong South China Sea kasama ang WPS. Ang 9-dash line ay ibinasura at pinawalang saysay bilang walang batayang ligal at istorikal ng UNCLOS. Ang UNCLOS ay isang kasunduang pirmado ng 167 bansa kasama mismo ang Tsina.
Imbis na gamiting tuntungan ang tagumpay na ito para igiit ang soberanya ng bansa sa imperyalistang Tsina, nangayupapa ang reaksyunaryong gobyerno. Tinuring na basura ng teroristang rehimeng US-Duterte ang arbitral award ng UNCLOS. Garapalan nitong binenta ang soberanya kapalit ng $24 bilyong pondo at pautang mula sa imperyalistang Tsina para sa bakuna at programang Build, Build, Build. Sa bisa ng berbal na kasunduan, buong kataksilang pinahintulutan ng tutang si Duterte ang Tsina na maglayag at malayang manghuli ng isda sa EEZ at ECS ng bansa at pinagtatakpan o minamaliit lamang ang mga aktibidad nito sa WPS na lansakang lumalabag at nanghihimasok sa soberanong karapatan ng Pilipinas sa mga eryang ito.
Ang EEZ ng Pilipinas sa WPS ay may 376,350 kilometro kwadrado na mas malaki pa sa sukat ng pinagsama-samang kalupaan ng Pilipinas na humigit-kumulang sa 300,000 kilometro kwadrado. Hindi lamang ito mayaman sa samu’t saring klase ng isda at yamang-dagat kundi maging sa depositong mineral, fossil fuel at natural gas na napakaimportante sa ekonomiya at kaunlaran ng bansa.
Bunsod nito, nagmistulang hari ang imperyalistang Tsina sa loob ng EEZ at ECS ng Pilipinas. Habang trinatong iskwater at magnanakaw ng likas na yaman sa WPS ang mga mangingisdang Pilipino, lantaran namang inaangkin at dinadambong ng imperyalistang Tsina ang yamang dagat, karagatan at kalupaan sa ilalim nito na dapat ay pag-aari ng mga Pilipino. Tinatayang aabot sa 3,240 metriko toneladang (MT) isda ang hinahakot ng Tsina sa ating karagatan sa isang araw o katumbas ng 3 milyong MT sa isang taon. Katumbas ito ng P300 bilyong halaga ng isdang nawawala sa Pilipinas taon-taon.
Nilabag din ng Tsina ang patakaran ng UNCLOS kaugnay sa soberanyang karapatan ng Pilipinas sa kanyang EEZ at ECS nang magtayo ito ng mga artipisyal na isla, reklamasyon, okupasyon, dredging, at pagwasak sa mga bahura na lingid sa kaalaman ng Pilipinas. Nilabag din ng Tsina ang probisyon sa pagpreserba at pangangalaga sa marine environment dahil sa mapanirang pangunguha ng mga endangered species sa mga bahura at islang ito.
Ang mga sinakop na isla at itinayong artipisyal na mga isla ay natransporma na bilang military airstrips, radar station at missile systems tulad ng ginawa sa Fiery Cross Island mula 2014, na siya naman ngayong pinakaabante sa mga base militar nito sa Timog Dagat Tsina. Ang mga pasilidad-militar na ito ang base ng pwersang militar, coast guard, at milisya na nagsisilbing tanod sa karagatang ito para sa layuning militar at ekonomiko ng Tsina.
Hindi rin pinanagot ang Tsina sa kasalanan nito sa pag-iwan sa mga mangingisdang Mindoreño ng FB Gemver matapos nitong banggain ang isdang pambasnig sa laot na naglagay sa bingit ng panganib sa buhay ng 22 tripulanteng tubong San Jose, Occidental Mindoro. Pinakamalala pa, walang narinig na pagtutol mula sa rehimeng US-Duterte sa walang kaabog-abog na pagdeklara ng rehimeng Xi Jinping ng fishing ban o pagbabawal sa pangingisda ngayong Hunyo 2022 sa loob ng EEZ ng ating bansa.
Malaki ang pananagutan ng rehimeng US-Duterte sa lantarang panghihimasok at aktibidad ng Tsina sa teritoryo ng bansa sapagkat wala man lamang itong mapagpasyang hakbanging ginawa para masawata o mapanagot ito. Hinayaan lamang ng sunud-sunurang rehimen ang pamamayagpag ng Tsina sa ating karagatan at lugar pangisdaan habang kinakaharap ng mamamayang Pilipino ang krisis ng kawalan ng pagkain bunsod ng mahinang ekonomya at kapalpakan ng rehimeng Duterte. Tulad ng sinundang rehimen, nananatiling inutil ang rehimeng US-Marcos II sa usaping ito sa harap ng Tsina.
Walang aasahang makabuluhang hakbangin sa pagresolba sa usapin ng teritoryo sa WPS sa ilalim ng rehimeng Marcos II, na nakikinabang din sa limpak-limpak na pautang ng imperyalistang Tsina kapalit ng pagtatayo ng mga istruktura at pagkamkam ng mga isla na saklaw sa EEZ ng bansa. Nasaksihan ng sambayanan ang lubusang pangingimi ng mandarambong na rehimen sa pakikipagkasundo nito sa kinatawan ng Tsina na si Wang Yi kaugnay sa pagbibigay ng suporta ng bansa sa proyektong imprastruktura at pang-ekonomya ng bansa, imbis na unahing resolbahin ang usapin sa teritoryo ng Pilipinas. Malinaw sa pasibong tindig ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II kung sino ang kinakatigan nito: ang imperyalistang Tsina at ang mga kasosyo nitong malalaking burgesya komprador at hindi ang 99% mamamayang Pilipinong sadlak sa matinding karukhaan.
Sa ganitong lagay, walang ibang dapat gawin ang mamamayang Pilipino kundi patuloy na palakasin ang kilusang mapagpalaya upang iabante ang lehitimong interes ng mayorya ng mamamayan. Isang pundamental na punto ng prinsipyo sa Programa ng Demokratikong Rebolusyong Bayan na anuman ang pampulitika at panlipunang katangian ng kasalukuyang gubyernong nakaluklok sa Pilipinas ay dapat ipagtanggol ng mamamayang Pilipino at lahat ng patriyotiko at progresibong pwersa ang pambansang soberanya at pangalagaan ang integridad ng teritoryo ng Pilipinas, kabilang ang soberanya sa teritoryong pandagat at sa panloob na katubigan at soberanyong karapatan sa EEZ at ECS.
Dapat kondehanin ang pambabraso ng imperyalistang Tsina, presensyang militar at okupasyon nito ng teritoryong dagat ng Pilipinas at pagdambong sa mga rekurso dito. Singilin ang mandarambong na rehimen sa mabibigat na pautang at maaanomalyang kontratang imprastruktura sa Tsina. Nararapat magsagawa ng mga kinakailangang diplomatiko at pampulitikang hakbang upang igiit ang karapatan ng bansa.
Habang tinutuligsa ang panghihimasok at pandarambong ng Tsina, hindi natin kinakaligtaan ang mas malaking kaaway- ang imperyalismong US, na patuloy na sumasaklot sa Pilipinas gamit ang pwersang militar, kumukontrol at nag-aarmas sa neokolonyal na estado ng Pilipinas at tumatayong pinakamalaking hadlang sa adhikain ng mamamayang Pilipino para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Sa huli, tanging sa pagsalig lamang sa rebolusyon makakamit ng sambayanang Pilipino ang isang lipunang kumakalinga sa mga mahihirap at ipinaglalaban ang soberanya ng bansa mula sa dayuhang panghihimasok. Ang demokratikong rebolusyong bayan at pagkakatatag ng demokratikong gubyernong bayan (DGB) ang lulutas sa matagal nang kaapihan, pagkaalipin at kawalang kalayaan na daan-taon ng nararanasan ng sambayanang Pilipino. Sa loob ng DGB, palalakasin ang kakayanan ng bansa na depensahan ang sariling teritoryo at ipaglaban ang soberanya.
Upang maisakatuparan ang programa ng DGB, kailangang mawasak muna ang pundasyon ng bulok na reaksyunaryong estadong pinamumunuan ng mga naghaharing-uri. Tanging ang Partido Komunista ng Pilipinas (Marxismo-Leninismo-Maoismo), ang pangunahing bisig nito na Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ang Pambansa Demokratikong Prente ng Pilipinas ang may kapasidad at wagas na layuning ipaglaban ang pambansang demokrasya at Kalayaan ng sambayanang Pilipino. Kailangang pagkaisahin ang 99% ng mamamayang api at pinagsasamantalahan upang isulong ang armadong pakikibaka at ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan. Kailangang imulat, organisahin at pakilusin ang malawak na hanay ng mamamayan na magiging sandigan ng BHB. Nararapat lang na palakasin pa ang kakayanan ng BHB na durugin ang mersenaryo at pasistang armadong pwersa ng bulok na reaksyunaryong gubyerno. Sa ganito, matitiyak ang pagsulong at pagdaluyong ng rebolusyonaryong lakas hindi lamang sa isla kundi sa buong bansa.
Atin ang Pinas, Tsina layas!
Ipaglaban ang soberanya sa West Philippine Sea!
Sagot sa kahirapan, digmang bayan!
Mamamayang api, tumangan ng armas! Sumapi sa BHB!###