Mamamayang Pilipino, muling isinangkalan ng rehimeng US-Duterte sa agawan ng kapangyarihan ng US at China sa paglahok sa Balikatan 2019
Pagtataksil sa mamamayan at sa soberanya ng Pilipinas ang lantarang pagpapakatuta ni Duterte at ng AFP sa US at paglulunsad ng Balikatan sa bansa. Inilalagay ng gubyernong Duterte sa peligro ang sambayanang Pilipino sa patuloy nitong pagpapagamit sa US bilang lunsaran ng digma nito laban sa China. Kapalit ng pagpapakatuta sa US ay tumatanggap si Duterte ng pondo, armas, paniktik at payong militar na gagamitin niya at ng bulok na AFP-PNP-CAFGU sa mga kampanyang militar na layong durugin ang rebolusyonaryong kilusan.
Ang Balikatan o joint military exercises sa pagitan ng Pilipinas at US ay bahagi ng patuloy at papatinding panghihimasok militar ng imperyalismong US sa Asya-Pasipiko laluna ngayong mahigpit na tinutunggali ng China ang paghahari ng US sa buong mundo sa larangan ng ekonomya, pulitika at militar. Mapanganib ang pagkakanlong ng Pilipinas sa mga pwersang militar ng US ngayong Balikatan habang aktibong pumoposisyon ang China sa kalapit na West PH Sea (WPS).
Dadagdag sa tensyon sa WPS ang Balikatan 2019 na malinaw na bahagi ng paghahanda ng US sa gera laban sa China. Ang mga piniling sayt ng pagsasanay ay mga isla ng Mindoro at Palawan at ilang probinsya ng Luzon na direktang nakaharap sa WPS. Pahiwatig ito ng intensyong gamitin ang mga isla bilang lunsaran ng mga atake ng US laban sa China sa oras na pumutok ang digmaan.
Mistulan namang dry run ang Balikatan 2019 ng mga operasyon ng US sa Asya-Pasipiko lalo pa’t maritime security at amphibious capabilities o pagpapaunlad ng pakikidigma sa karagatan at baybay-dagat ang pokus ng pagsasanay ngayong taon. Ito rin ang unang beses na magkasamang gagamitin ang sasakyang pandigma ng US na USS Wasp at ang advanced stealth fighter jet na F-35B Lightning II sa isang pagsasanay militar.
Sinasamantala ng gubyernong Duterte ang pamamalagi at pagpapalaki ng pwersang militar ng US sa bansa upang ibayo pang pabangisin ang mga kontra-mamamayan at kontra-rebolusyonaryong gera ng rehimen. Tiyak na gagamitin ng AFP ang mga estratehiya at taktikang ituturo sa Balikatan 2019 sa mga operasyon nito laban sa NPA.
Samantalang patuloy ang pakikipagtulungan ng AFP sa pwersang US, pasibo at hinahayaan naman ng gubyernong Duterte ang China na angkinin ang WPS. Waring tali ang kamay ng GRP na walang kongkretong hakbangin sa paglalayag ng daan-daang barko ng China na pinaghihinalaang nagsasakay ng mga milisya sa WPS.
Hindi makakaiwas sa kapahamakan ang Pilipinas kung mauwi sa labanan ang pagpapaligsahan sa lakas ng dalawang higanteng bansa. Nakataya dito hindi lang ang pambansang soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas kundi pati na ang seguridad ng sambayanang Pilipino.
Rebolusyonaryong tungkulin ng mamamayan ang pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas at pagbigo sa imbing layunin ng US na gamitin ang bansa bilang lunsaran ng digma laban sa China.
Kailangang ilantad, tutulan at labanan ang inilulunsad na Balikatan ganundin ang paglaban sa pagyurak ng China sa pambansang soberanya at teritoryo ng Pilipinas. Kailangang seryosohin ng rehimeng US-Duterte ang pagbabasura sa mga di-pantay na tratadong militar sa pagitan ng Pilipinas at US at iba pang mga bansa. Ang pagkakalantad ni Duterte bilang tuta ng US at maamong tupa ng China ang higit na magtutulak sa mas malawak na hanay ng mamamayang manindigan at lumaban sa kanyang rehimen hanggang sa ganap siyang maibagsak. ###