Mandatory vaccination, pakana ng isang tamad at pasistang rehimen!

,
Ang artikulong ito ay may salin sa Iloco

Nitong nakaraan, ipinahayag ng mga ahente ng rehimeng Duterte na gagawing mandatory ang pagbabakuna. Sa ilalim ng ganitong patakaran, pagbabawalan ang mga di-bakunado na bumiyahe, sumakay ng mga pampublikong sasakyan, pumasok sa eskwela o trabaho, o makibahagi sa iba’t ibang komunidad.

Iwinawagayway man ng mga ahente ng reaksyunaryong gobyerno na nakokontrol na ang pandemyang COVID at lumuluwag na ang kalagayan, patuloy pa rin ang pagkalat ng sakit na ito at nananatiling bulok ang sistemang pangkalusugan sa bansa. Hindi kataka-taka ang ganitong militaristang kaisipan ng mga nasa reaksyunaryong gobyerno. Sa halip na magbigay ng angkop at sapat na suporta sa kabuhayan at trabaho, aalisan pa nila ang mga mamamayan ng karapatan upang makapagtrabaho. Tumataliwas mismo ito sa konstitusyon ng reaksyunaryong gobyerno ang mga patakarang “No Vaccine, No Ride,” at “No Vaccine, No Work.” Sa halip na magpalaganap ng kaalaman at serbisyong pangkalusugan at dagdagan ang badyet at suporta para sa mga pasilidad at programang pangkalusugan, inuuna pa nila ang intetes ng mga dayuhang korporasyon na siyang gumagawa at nagbebenta ng mga gamot at bakuna. Sa totoo lang, maraming mamamayan ang nagdadalawang-isip na magpabakuna dahil sa maraming naiuulat na pagpalya o di kaya masamang epekto ng bakuna, na siya sanang magtutulak sa gobyerno na suportahan ang pag-aaral hinggil sa mga bakuna at iba pang porma ng pagharap sa COVID. Sa ibang mga probinsya naman ay nagkukulang pa nga ang suplay ng bakuna dahil sa nakasandig ang pambansang gobyerno sa donasyon at utang. Sa ganito ay hindi pangangalaga sa kapakanan ng mga bulnerableng mamamayan ang kanilang nasa isipan kundi ay ang pagpapalaki ng makukuhang ganansya mula sa mga kontrata.

Hindi na nga sana kumalat pa ang COVID sa bansa kung ang inuna ng gobyerno ang kabuhayan at kalusugan ng mamamayan. Dapat labanan ang mga militarista at kontra-mamamayang patakaran ng reaksyunaryong gobyerno tulad mandatory vaccination. Sa isang banda, kailangang ilaban at karapatan ng mamamayan upang mabuhay nang ligtas at malusog. Habang patuloy na nilalarga ang libre at angkop na pagbabakuna, kailangan ring ilarga ang angkop at sapat na suporta sa kabuhayan at trabaho upang magkaroon ang mamamayan ng malusog na pangangatawan at malalas na resistensya na siyang pangkontra sa anumang uri ng sakit. Labanan ang patuloy na pag-ubos ng pampublikong pondo sa mga operasyon ng AFP-PNP, at ipanawagan ang dagdag na badyet sa sektor pangkalusugan. Ang pangunahing solusyon sa pandemyang ito ay ang militante at organisadong pagkilos ng mamamayan, hindi ang karahasan, pananakot, at militarismo ng reaksyunaryong gobyerno.

Mandatory vaccination, pakana ng isang tamad at pasistang rehimen!