Manggagawa, Lansagin ang Pasistang Diktadurang Duterte!
Ngayong Mayo 1, ginugunita natin at sa buong mundo ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Araw ito ng napakalaking pagkilala para sa uring manggagawa sa kanilang napakalaking kontribusyon na nagtulak ng gahiganteng pag-unlad sa buong mundo saanmang larangan ng teknolohiya.
Bigyang pugay natin ang mga manggagawang nagbuwis ng kanilang buhay para sa kapakanan ng manggagawang Pilipino, magiting na lumaban para sa karapatan ng kilusang paggawa.
Ang uring manggagawa ang isa sa pinaka-aping uri sa buong mundo subalit sila din ang pangunahing pwersa kung bakit pinatunayan din ng kasaysayan sa buong mundo na sa pamumuno ng uring manggagawa, naitayo ang mga sosyalistang bansa sa Russia at China at nagluwal ng mga partido komunista sa mga bayang nasa ilalim ng mga sistemang malapyudal at malakolonyal. Hindi maisasantabi ang katumpakan nito.
Ngayong may pandemya, lalong nalugmok sa pighati ang kalagayan ng mga manggagawa. Halos tumigil ang buong produksyon sa buong mundo. Sa Pilipinas, ang dati nang napakaabang kalagayan ng manggagawa ay lalong nasadlak sa mas malalang kalagayan. Ayon sa Ibon Foundation, umabot sa 4.5 milyon manggagawa ang displaced sa mga pormal na empresa samantalang nasa 3.8 milyon naman ang walang trabaho ayon sa datos noong Oktubre 2020. Nitong nakaraang Abril 29, mayroon na namang dagdag na 1 milyon ang naitalang walang trabaho sa NCR ayon sa DTI.
Inutil ang rehimeng US-Duterte sa pagtetengang-kawali sa hinaing ng mga manggagawa, mas binigyang prayoridad ng gubyernong ito ang pagpapalaki ng budget sa kagamitang-militar. Hindi pa kasama ang bilyong pondo na inilaan nila sa NTF-ELCAC at E-Clip. Samantalang hindi naman niya kayang tumindig para sa soberanya ng bansa. Gayundin, hindi niya kayang iprayoridad ang syentipikong pagharap upang maapula o makontrol ang mabilis na hawaan ng bayrus. Patuloy ang paglobo ng mga apektado ng bayrus at namamatay dahil dito. Patuloy ang kanyang pagmamatigas ayon sa kagustuhan niyang militaristang pagharap.
Sa halip na ang mga manggagawa ay bigyan ng ayuda upang makaagapay sa kanilang mga pang-araw araw na pangangailangan bagkus ay tinatanggal sila at ang sinumang tumindig para ipaglaban ang kanilang karapatan sa nakabubuhay na sahod, regularisasyon sa trabaho at benepisyo ay nagiging biktima pa ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Sagad na ang pasensya ng uring manggagawa.
Nananawagan ang SBC sa uring manggagawa, ang lumaban at tumindig para sa karapatan ay hindi terorismo. Walang mawawala sa inyo kundi ang tanikala ng inyong pagkaalipin. Labanan natin ang mapanupil na presidenteng si Duterte.