Manggagawang Pilipino, Ibayong Magkaisa! Ipaglaban ang kabuhayan at karapatan sa gitna ng pananalasa ng pandemyang COVID-19 at ng terorismo ng estado! Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte!
Ngayong Mayo 1, 2021, pinakamahigpit na pakikiisa ang ipinapaabot ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU-NDF-ST) sa lahat ng mga manggagawang Pilipino at mamamayan sa paggunita at pagdiriwang sa makasaysayang Pandaigdigang Araw ng Paggawa.
Ipinagbubunyi ngayon sa iba’t ibang panig ng daigdig ng uring manggagawa at buong uring anakpawis ang makasaysayang pagkakaisa at pagkilos ng lahat ng api at pinagsasamantalahang uri na lumalaban sa mga ipinatutupad na mga anti-mamamayan at anti-manggagawang patakaran ng mga monopolyo-kapitalistang rehimen at ng mga kliyenteng estado ng imperyalismo. Nagsasama-sama ang mamamayan sa mga bansang ito at malakas nilang nilalabanan ang mga neoliberal na patakarang ipinatutupad kasabay ng paglaban para sugpuin ang pandemyang COVID-19.
Sa Pilipinas, kung saan hinaharap ngayon ng manggagawa at mamamayan ang walang kaparis na kahirapan dahil sa patuloy na paglaganap ng pandemyang COVID-19 at ng halos limang taong pananalasa sa kabuhayan at karapatan ng mamamayan ng mamamatay taong bayrus sa Malacañang na walang pakundangang gumagamit ng kamay na bakal para ipatupad ang militaristang lockdown. Ito ang kanyang piniling solusyon sa pandemya at marahas na panunupil laban sa mamamayang kritikal sa kanyang bulok na pamamalakad at kriminal na kapabayaan.
Inspirasyon ng manggagawa at mamamayang nakikibaka at naghahanap ng pagbabagong panlipunan ang makasaysayang Pandaigdigang Araw ng Paggawa na pinatampok ng sama-samang pagkilos ng manggagawa at mamamayan at ng kanilang kapangahasang makibaka at magtagumpay hindi lamang para sa sariling interes kundi para sa kagalingan ng buong bayan.
Sa gitna ng ipinatutupad ng pasistang rehimeng US-Duterte na militaristang lockdown at ng kabi-kabilang panunupil sa manggagawa at mamamayan, nananatiling malaki ang puwang ng pagsasama-sama at pagbubuklod ng hanay para magsagawa ng pagkilos upang ipaglaban ang kalusugan, sahod at trabaho, kabuhayan, karapatan at kasarinlan ng mahal nating bayan.
Sa pananatili sa poder ng berdugong rehimen, makatarungang magbalikwas ang uring anakpawis at lahat ng mamamayang biktima ng kalupitan ng rehimeng US-Duterte. Kailangang pangunahan ng uring manggagawa ang malakas na tinig ng pagkasuklam at malakas na panawagan ng sambayanang Pilipino na patalsikin na sa poder ang korap at pasistang rehimeng Duterte.
Panahon na at makatarungang ipanawagan ang pagpapatalsik sa kapangyarihan kay Duterte dahil sa kanyang pagiging korap, traydor sa bayan, kriminal na mamamatay tao, pasista at ang pagiging pabaya, inutil at bangkarote ng kanyang paraan sa paglaban sa COVID-19. Sa halip na masugpo ay lalong lumala makalipas ang isang taong palpak na pagharap dito. Lalo lamang niyang inilublob sa ibayong kahirapan ang sambayanang Pilipino habang patuloy ang paglimas ng kanyang pamilya at mga kasapakat sa pondo ng bayan. Ginagawa niyang isang biro ang pagharap sa napaka-seryosong problema ng taumbayan. Matapos malimas ang pondo ng bayan dahil sa pambubusog sa mga heneral at kasapakat niya, umabot na sa P10.405 trilyong piso noong Pebrero 2021 ang pambansang utang sa iba’t ibang bangko at pinansyal na institusyon sa loob at labas ng bansa na may kalakip na kundisyon hinggil sa pagluluwag ng ekonomiya at iba pang neoliberal na patakaran.
Sa nagdaang taon, patuloy na bumagsak ang ekonomiya ng bansa nang tinatayang 9.5%. Sa aktwal, kinatatangian ito ng malawakang kawalan ng regular na trabaho at sahod na di nakaagapay sa tumataas na mga presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng pagkain. Sa tala ng IBON Foundation, aabot sa 5 milyong Pilipino ang walang trabaho sa kasalukuyan at inaasahan pa na tataas ito sa mga susunod na araw at buwan. Ang tinatanggap na minimum na sahod ng mga manggagawang pormal ay bumagsak ang halaga nang mula P80 hanggang lampas P100. Sumisirit pataas ang presyo ng mga bilihin dulot ng papataas na antas ng implasyon na nasa 4.7% sa pagtatapos ng Pebrero 2021.
Sa yugtong ito, hindi natugunan ang matagal nang panawagan ng mga manggagawa para wakasan ang salot na iskemang kontraktwalisasyon, pagtaas ng sahod para sa mga manggagawang nasa pribado at publiko, mga manggagawa sa kalusugan at propesyunal, libre at ligtas na edukasyon para sa kabataan at libreng serbisyong panlipunan para sa mamamayan. Teyngang kawali si Duterte sa partikular na panawagan ng mga manggagawa sa kalusugan na kinakatawan ng Alliance of Health Workers (AHW) na bigyang pansin ang kanilang kapakanan lalo na at sila ang pangunahing sumasagupa sa gera laban sa COVID-19.
Nilampasan na ng rehimeng US-Duterte ang kasalanan sa bayan ng mga nagdaang rehimen. Pinangunahan niya ang pamamaslang sa ngalan ng kanyang gera kontra-droga, pinahintulutan ang mabilisang pagtaas ng presyo ng mga batayang bilihin at pagkain dulot ng mga anti-mamamayang batas na kagyat niyang ipinasâ, isinakatuparan ang malawakang pang-aaresto dahil sa mga gawa-gawang kaso at pagpaslang sa mga aktibista at unyonista, at pangangayupapa sa China kahit patuloy ang konstruksyon nito ng mga artipisyal na istrukturang militar sa mga isla at bahura sa saklaw ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Kasuklam-suklam at dapat nang wakasan ang militaristang paraan ng pagharap at kawalan ng syentipikong plano kung paano susugpuin ang pandemya. Sa kabilang banda, sa gitna ng kagutuman, malawakang pagkawala ng trabaho at pagkawasak ng kabuhayan na dinaranas ng mamamayan dahil sa lockdown at kakarampot ng ayuda, lantaran ang paghuthot sa pondo ng bayan sa bihis ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nagkakahalaga ng P19 bilyon, at samu’t saring intelligence funds na siyang ginagamit sa panunupil sa kanyang mga kritiko.
Sa Timog Katagalugan, tampok ang isinagawang masaker sa 9 na aktibista at pagkaaresto ng 6 pa noong Marso 7 o Bloody Sunday. Bago pa man ito, iligal nang inaresto sina Arnedo Lagunias, opisyales ng unyon sa Honda at Alyansa ng Manggagawa sa Engklabo (AMEN), at Ramir Corcolon ng COURAGE. Samantala, sa panahon ng Semana Santa na kung saan ay nangingilin ang sambayanan, patraydor na pinaslang si Dandy Miguel, ikalawang tagapangulo ng PAMANTIK-KMU at pangulo ng unyon sa Fuji Electric sa Canlubang, Calamba. Bago ang pagpaslang sa kanya, nauna nang niredtag si Dandy Miguel at ang PAMANTIK-KMU ni Heneral Parlade ng NTF-ELCAC at SOLCOM, at ng PNP-CALABARZON.
Walang anumang nagawang krimen sa bayan ang mga unyonista at aktibistang ito maliban sa kanilang pagkilos sa lansangan para ipanawagan ang lupa, sahod, trabaho, at karapatan, ngunit pagpatay ang sagot ng pasistang estado sa kanilang hanay.
Sa impormasyong nakuha ng RCTU-ST, nagpapatuloy at higit pang suminsin ang redtagging at harassment sa mga lider unyon at sa mga unyong kaanib ng KMU sa TK. Mayor ang papel ng NTF-ELCAC na nilikha sa bisa ng EO 70 o whole-of-nation approach at ng Joint Industrial Peace Concerns Office (JIPCO) na nilikha ng PEZA at PNP upang supilin ang mga tinagurian nilang mga “radikal na unyon”. Iwinawasiwas din ng AFP-PNP ang matalim na espada ng Anti-Terorrism Act of 2020 bilang lisensya ng pagtugis sa mga unyonista at aktibista, pananakot sa mga indibidwal na nais nilang patahimikin na tinagurian nilang mga “teroristang komunista” kahit pa nakabinbin ang malakas na pagtutol dito ng taumbayan sa Korte Suprema.
Sa mga engklabo sa rehiyon, aktibo ang PNP-CALABARZON sa pagsasagawa ng seminar sa tabing ng anti-Covid, gender awareness, sexual harassment at environment pero ang tunay na agenda ay alamin sino-sino ang mga lider ng unyon sa nabanggit na mga pagawaan at saka isa-isang kakausapin. Ganito rin ang ginagawa sa mga pagawaang may nakatayong unyon sa probinsya ng Laguna. Sapilitang sinusugsog ng tauhan ng RTF-ELCAC ang mga lider ng unyon at kilalang organisador gamit ang ilang taksil sa uring manggagawa at tinatakot na kapag hindi nakipagtulungan sa kanila ay mapapagaya sa kanilang mga ikinulong at pinaslang na lider manggagawa.
Sa kabilang banda, desperado ang rehimen sa ambisyong durugin ang rebolusyonaryong kilusan sa kanyang nauupos nang taning na panahon, kaya naman, para ipakitang nananalo ito sa gera, naglulubid ng kasinungalingan at red-tagging sa mga lider magsasaka sa kanayunan, mga unyonista at aktibista sa kalunsuran na siya ngayong binibiktima ng inihahasik nitong maruming gera at terorismo. Ang katotohanan, ang numero-unong terorista sa bansa ay walang iba kundi si Duterte mismo. Tigmak ng dugo ng daan-daang magsasaka, unyonista, at aktibista ang kanyang mga kamay na biktima ng kanyang pamamaslang at humihiyaw ng hustisya maging ang mga mamamayang sinisikil ng terorismo ng estado at kriminal na kapabayaan sa COVID-19.
Samantala, malaking kahangalan na ituring na terorista ang CPP-NPA-NDF na nagsusulong ng Demokratikong Rebolusyon ng Bayan (DRB) at naghahangad ng pagpapatupad ng rebolusyong agraryo para sa kapakanan ng magsasaka, at nagnanais na itayo ang lipunang walang pang-aapi at pagsasamantala. Lalong malaking kahangalan ng rehimeng Duterte at ng berdugong NTF-ELCAC na ituring na terorismo ang aktibismo at unyonismo at ibilang silang target ng gera laban sa rebolusyonaryong kilusan dahil ginagarantiyahan ng Konstitusyon ng Pilipinas at ng internasyunal na mga panuntuna’t makataong batas ang aktibismo at unyonismo.
Walang ibang patutunguhan ang rehimeng Duterte kundi ang kanyang mabilis na pagkahiwalay sa mamamayan at pagbagsak dahil sa korap at palpak na pagharap sa pandemya. Sagad na sagad na ang taumbayan sa pagtitiis at naghahanap na ng pagbabago at seryosong tugon sa pandemya at kahirapan. Hindi na kaya pang palampasin ng mamamayang Pilipinong nagmamahal sa dangal at kasarinlan ng Inang Bayan ang patuloy na kapabayaan ni Duterte sa kanyang mamamayan at pagbebenta ng kasarinlan at soberanya ng bansa.
Hindi kailanman malulutas ang krisis ng labis na produksyon ng pandaigdigang sistema ng monopolyo-kapitalismo. Dahil dito, lalong nagiging ganid ang monopolyo-kapitalismo sa paghahabol na magkamal ng dambuhalang tubo. Higit na naging matingkad ito sa pagragasa ng pandemyang COVID-19, na ibayong nagsadlak sa mga ekonomya, kapwa ng mauunlad at atrasadong mga bansa, sa walang kaparis na pagkabangkarote. Sa paglikha ng bakuna sa COVID-19, nasa unahan pa din ng monopolyo-kapitalismo ang tubò kaysa kapakanan ng mamamayan sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Sa pagdiriwang ng pandaigdigang araw ng paggawa, ibayo nating buklurin at palakasin ang pagkakaisa ng masang manggagawa at sambayanang Pilipino para ipaglaban ang kanilang kabuhayan at karapatan at biguin ang pakana ng mga lokal na tiranong pinangungunahan ni Duterte. Kailangang muling hinangin ang mahigpit na pagkakaisa at pag-alabin ang paglaban para ibagsak ang malaon ng nagpapahirap sa sambayanang Pilipino – ang Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo na kinakatawan ngayon ng rehimeng Duterte. Sa pagsusulong at pagtatagumpay ng DRB, na nasa pamumuno ng CPP-NPA-NDF, makakamit ng sambayanang Pilipino ang tunay na kalayaan at demokrasya na may sosyalistang hinaharap.
Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU-NDF-ST)!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDF!
Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!