Manggagawang Pilipino, magkaisa at ipaglaban ang karapatan sa harap ng pasismong Duterte!

Taas-kamaong nagpupugay ang Revolutionary Council of Trade Unions – NDF-Southern Tagalog (RCTU-NDF-ST) sa mga manggagawa Pilipino sa dakilang pagdiriwang nito ika-117 taon ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa buong daigdig! Gugunitain ng buong uring manggagawa ng daigdig ang makasaysayang araw na ito sa gitna ng tumitinding pananalasa ng pandemikong Covid-19 at ibayong panunupil ng mga pasistang rehimen sa mga mamamayan.

Sa Pilipinas, ginaganap at ipinagdiriwang natin ang Mayo Uno sa gitna ng isang ekstra-ordinaryong sitwasyon na may pinaiiral na malupit na lockdown sa buong Luzon at maraming panig ng bansa—isa diumanong medikal na pangangailangan upang kontrolin ang pagkalat at maramihang pagkahawa sa Covid-19. Umabot na nitong Abril 28 sa 7,958 ang positibong nagkasakit sa buong bansa, 975 ang nakarekober at 530 ang namatay.

Habang mabilis ang pagkalat ng Covid-19 pandemic sa bansa, LABIS NA NAPAKABAGAL at USAD KUHOL ang pagtugon at pagkilos ng rehimeng US-Duterte dito. Ang kriminal na kapabayaang ito ang naglagay sa mamamayang Pilipino sa napakatinding panganib sa buhay at nagsadlak sa sambayanang Pilipino sa napakatinding kahirapan, kagutuman, panunupil, karahasan at pamamaslang.

Maikling Kasaysayan ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa

Ang kasaysayan ng kilusang paggawa ay sumasalamin sa magiting na pakikibaka ng uring manggagawa para palayain ang kanyang sarili laban sa matinding pagsasamantala ng kapital at sa isang lipunang mapang-api.

Noong May 1,1886, kumilos ang 400,000 manggagawa sa Chicago sa Estados Unidos para ipanawagan ang walong (8) oras na paggawa at maka-alpas ang mga manggagawa sa 12 hanggang 16 oras na pagtatrabaho. Kinabukasan, nagkaroon ng pagkilos ang 6,000 manggagawa ng McCormick Harvester Co. sa pangunguna ng Lumber ShoversUnion sa harapan ng kanilang planta. Marahas itong binuwag ng mga kapulisan, 4 na manggagawa ang namatay, 6 ang nagtamo ng seryosong pinsala sa katawan at maraming nasaktan. Dahil dito, muling nagkaroon ng pagkilos sa Haymarket Square, Chicago na muling nabalot ng madugong enkwentro sa pagitan ng mga kapulisan at mga nagpoprotestang manggagawa.

Sa gitna ng protesta, may nagpasabog ng isang bomba at namaril ang mga pulis sa mga manggagawang sumama sa rali, isang pulis ang namatay pero maraming malubhang nasugatan sa panig ng mga manggagawa at 8 ang iligal na inaresto. Sa walong inarestong manggagawa, 5 ang nahatulan ng kamatayan, 4 ang binigti, 1 ang nagpakamatay sa kulungan, 3 ang ang hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo sa pagpatay sa pulis. Samantala, makalipas ang 7 taon ay nakalaya ang 3 dahil sa lumakas na panawagan sa US at sa ibang panig ng mundo para sa kanilang pagpapalaya.

Kasunod nito, gumawa ng mga hakbangin ang gobyerno ng Estados Unidos sa pangunguna ni US President Grover Cleveland noon para mabaon sa limot ang malakas na paglaban ng mga manggagawa, gumawa sila ng batas na nagdideklara ng unang lunes ng September ang pagdiriwang ng Labor Day sa US at ginaya ito maging sa Canada.

Samantala noong 1889, napagkaisahan ng mga nakadalo sa 2nd International Socialist Congress na manawagan at magkaroon ng Internasyunal na pagkilos ng mga manggagawa sa May 1, 1890 upang ipanawagan ang 8 oras na paggawa, pagpapalaya sa mga iligal na inaresto at paggunita sa naganap na marahas na pagbuwag sa protesta ng mga manggagawa sa Haymarket Square, Chicago. Taong 1892, naitakda ang kauna-unahang internasyonal na pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Paggawa sa maraming bilang ng mga bansa sa daigdig.

Naganap sa Pilipinas ang kauna-unahang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa noong Mayo 1, 1903 na pinangunahan ng Union Obrero Democratica de Filipinas (UODF). Sa kabila ng pagkakait ng permiso dito, nagmartsa ang 100,000 manggagawa patungong Malacañang habang sumisigaw ng “Kamatayan sa Imperyalismong Amerikano!”.

Iginuhit ng militanteng pagkakaisa at sama-samang paglaban ng manggagawa para sa kanilang kagalingan ang kasaysayan ng Mayo Uno. Naunang itinatag noong Pebrero 2, 1902 nina Isabelo de los Reyes ang Union Obrero Democratica (UOD) sa Cine Variadades sa Sampaloc, Maynila. Sinumpaan ng mga kasapi ng UOD ang pagsusulong hindi lamang ng karapatan at kagalingan ng mga manggagawa, kundi ang pagkakamit ng kalayaan ng bansa mula sa kolonyalismong US.

Kasunod nito ang mabilis na paglawak ng kasapian ng UOD at ang masiglang paglulunsad ng mga welga para ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa. Inaresto ng estado si Isabelo de los Reyes dahil sa kanyang pamumuno at pagkalaya nya ay nagretiro na sya sa pagiging lider manggagawa at itinayo nya ang Iglesia Filipina Independiente (IFI).

Hindi namatay ang UOD sa pagkawala ni Isabelo de los Reyes. Agad na nagtipon ang mga kasapi ng pederasyon at muli itong binuhay sa ibang pangalan— ang Union Obrero Democratica de Filipinas (UODF). Ibinandila ng UODF ang pagsusulong ng isang masigla at buhay na nasyonalismo laban sa anumang hugis ng imperyalismo, laban sa panlulupig.” Lalong nag-ibayo ang paglawak ng kasapian ng UODF. Pinatunayan ito sa mainit na pagtangkilik ng mga manggagawa sa mga panawagan ng pederasyon kagaya ng paglulunsad ng makasaysayang unang Mayo Uno sa Pilipinas noong 1903.

Sa loob ng 117 taon, ipinakita ng masang manggagawa ang masikhay at militanteng pakikibaka ng mga manggagawa para sa kagalingan at interes nito. Hindi pa rin nakakalaya sa kuko ng imperialismo ang mga manggagawang Pilipino, bagkus mas lalong tumindi ang pagsasamantala sa mga manggagawa dahil sa pagpapatupad ng anti-mamamayang neoliberal na patakaran ng mga sunod-sunod na nagdaang rehimen na ngayon ay ipinagpapatuloy ng korap, pasista at makadayuhang rehimeng US Duterte.

Sa ngalan ng globalisasyon, naipatupad ang pleksibleng paggawa sa Pilipinas sa pamamagitan ng pagsasabatas ng anti-manggagawang kodigo sa paggawa na RA 6715 o Herrera Law. Laman nito ang tatlong nagpapahirap sa manggagawa gaya ng pagliligalisa sa kontraktwalisasyon, pagbibigay kapangyarihan sa kalihim ng paggawa ng mag-isyu ng Assumption of Jurisdiction(AJ) sa mga labor dispute para itali ang kamay ng manggagawa at tripartite body (NTIPC). Kaalinsunod nito, isinabatas din ang iskema ng aliping sahuran sa pamamagitan ng RA 6727 o Wage Rationalization & Productivity Act na nagtatakda ng pangrehiyong sahod sa balangkas ng Regional Wage and Productivity Board at pagtatayo ng mga Enklabong Pang-ekonomiya (EPZA) na may isang nagsasariling patakaran at regulasyon labas sa batas ng DOLE at makapagtatakda ng kanyang sariling batas na lubhang nagpahirap at lumalabag sa mga karapatang pangmanggagawa.

Sa Timog Katagalugan, ginawang laboratoryo ng neoliberal na patakaran ang malawakang pagpapatupad ng kontraktwalisasyon, aliping sahuran, pagsiil sa karapatang mag unyon ng polisiyang NUNS (No-Union No-Strike Policy) sa mga enklabo at komprehensibong panunupil sa kilusang paggawa.

May pabalat bunga kahit papaano ng pagbibigay ng mumong sahod sa mga manggagawa ang mga nagdaang rehimen, pero kay Rodrigo Duterte walang ibinibigay kahit panis na mumo sa manggagawa tuwing Mayo Uno. Sa apat na taong ng kanyang kapangyarihan, isang beses kada 22 buwan ang rekord nya sa pagbibigay ng umento sa sahod-na pinakamabagal sa lahat ng pangulo sa kasaysayan ng bansa.

Ang rehiyon din ang ginawang laboratoryo ng napakasahol na kalagayan ng pasahod. Maliban sa pagpapatupad ng RA 6727 na nag-iiba-iba sa sahod ng ibat-ibang rehiyon, ito ang pinakaunang pinaglunsaran ng “two-tiered wage system” na hindi lamang nagdidistrungka sa national minimum wage kundi lalo pang pinaliit ang sahod ng mga manggagawa sa pamamagitan ng paglalagay ng dalawang antas ng pasahod; ang floor wage at incentive o productivity wage. Mas malala pa, pinag-iba-iba pa ang sistema ng pasahod sa kada probinsya, syudad/bayan at batay sa inabot na pag-unlad ng isang erya gaya ng growth corridor area at emerging growth area na ibayong nagpasahol pa sa pinapairal na sistema ng aliping sahuran.

Sa datos ng Disyembre 1, 2019, ang minimum wage na pinaiiral sa Calabarzon sa sektor na di-agrikultura ay mula Php317-400 at Php303-372 sa sektor ng agrikultura kumpara sa umiiral sa NCR na Php500-537 at Gitnang Luzon na Php393-400 (P339 sa Aurora). Subalit habang papalayo sa NCR, pababa nang pababa ang minimum wage at itinatakda rin ng wage rationalization ang pag-iiba-iba ng sahod batay sa kategorya ng mga lugar bilang growth corridor area (Php325-400), emerging growth area (Php317.50-344) at resource based area (Php317-327). Sa Mimaropa, ang pinaiiral na sahod ay Php294-320. Kulang na kulang ito sa batayang pansustento na katumbas ng P1,099 na kailangan ng isang pamilyang may 6 na miyembro para kahit papano ay makakain sila ng 3 beses isang araw.

Noong 2018, batay sa sinalamangkang datos ng gubyerno, 412,000 manggagawa o 5.2% ang walang trabaho at 743,000 manggagawa o 22.2% ang kulang sa trabaho sa Calabarzon o humigit-kumulang sa 1.16 milyon manggagawa ang kulang o walang trabaho hindi pa kasama dito ang MIMAROPA. Lubhang mahirap paniwalaan ang opisyal na datos ng reaksyunaryong gubyerno. Gaano man pagtakpan at itago ng reaksyunaryong gubyerno ang tunay na kalagayan, hindi maipagkakaila na mas malubha pa dito ang disempleyo sa rehiyon.

Sa gitna ng pananalasa ng imperyalistang Globalisasyon sa manggagawa, dumagan pa sa mamamayan ang kahirapang dulot ng pandemic. Pinasahol ito ng kabagalan at militaristang solusyon ng rehimen sa krisis ng pampublikong kalusugan.

Ayon sa DOLE, umabot na sa 2.6 milyong manggagawa ang naapektuhan ng pagsasarado at pagsasagawa ng flexible work arrangement sanhi ng pananalasa ng pandemyang COVID-19 sa buong Luzon habang sa CALABARZON aabot sa 160,000 manggagawa ang apektado. Hindi makatotohanan ang bilang na ito dahil sa taya ng RCTU-ST aabot sa 350,000 hanggang sa 400,000 ang mga manggagawang apektado ng militaristang LOCKDOWN. Sa Cavite Ecozone pa lang ayon sa Philippine Export Zone Authority (PEZA) ay nasa 86,549 na ang nawalan ng trabaho dahil sa temporaryong pagsasara ng 309 na kumpanya. Di hamak na mas maraming engklabo at pagawaang nasa labas ng engklabo ang temporaryong nagsara sa mga probinsya ng Laguna, Batangas, Rizal at ilan sa Quezon. Ang mas makatotohanang datos, maliit lamang ang natulungang manggagawa ng ayudang mula sa CAMP AT TUPAD ng DOLE at lalong nalubog sa kumunoy ng kahirapan at kagutuman ang masang manggagawang naapektuhan ng lockdown.

Hindi pa man nagkakaroon ng Covid-19 pandemic, kaliwa’t kanang tanggalan na ang naganap sa rehiyon, dulot ng kumbinasyon ng napakalalang krisis ng pandaigdig na sistemang kapitalista at ng kronikong krisis ng isang malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit tuloy-tuloy na bumabagsak ang ekonomiya sa bansa at sa matinding pagbagsak ng ekonomiya ay ang mga manggagawa at magsasaka sa kanayunan ang pangunahing tinatamaan at nagpapasan ng kahirapan. Sa biglaang iligal na pagsasara ng Honda Cars, hindi nito ginamit na dahilan ang pagkalat ng corona virus sa pagsasara. Inamin nito na kailangang baguhin ang moda at operasyon ng negosyo upang mas magkamal ng dambuhalang tubo. Inamin nito na ang pangunahing dahilan kung bakit nagsara ay dahil sa mataas na gastos sa produksyon at maliit na return of investment dahil sa TRAIN Law.

Ayon sa pag-aaral ng IBON Foundation, ang pagsasara ng mga kumpanya at paglipat nito sa ibang bansa ay tutuong dahil sa mataas na production cost. Pero ang malaking bahagi nito ay ang gastusin sa power cost o kuryente dahil ang Pilipinas ang ikalawa sa may pinakamahal na bayaring kuryente sa buong Asia sunod sa Japan, malawakang korapsyon sa bansa at maaari pang tumaas ang bayarin sa upa sa lupa dahil sa kasunod na aaprubahang batas sa pagbubuwis na Citera Law.

Asahan natin ang mas matinding krisis at kahirapang kakaharapin pa ng uring manggagawa sa mga susunod na buwan. Una, dahil sa nagpapatuloy na krisis at dekada nang istagnasyon ng kapitalistang sistema at ng kronikong krisis ng malapyudal at pre-industriyal na ekonomya ng Pilipinas na ibayong pinalala ng pandemic; at ikalawa, dahil sa inaasahang pagpapatindi ng kapitalistang pagsasamantala sa manggagawa para mabilis na makabawi sa naantala at nawalang tubo sa panahon ng lockdown.

Samantala, para supilin ang lumalakas na paglaban ng mamamayan dahil sa napakatinding kagutuman, kahirapan, kawalan ng hanapbuhay at trabaho dulot ng ipinatutupad na LOCKDOWN o Enhanced Community Quarantine (Stay at Home Policy) mas pinasahol pa ito ng pag-utos ni Duterte na gawing ala martial law ang pagpapatupad. Kaya naman, ang ECQ ngayon ay nakabalangkas na sa NTF-ELCAC at Oplan Kapanatagan na may hungkag na panaginip na wakasan ang CPP-NPA-NDF at armadong tunggalian sa bansa. Dahil dito, mabilis na tumaas ang bilang ng nakakaranas ng panunupil, karahasan at paglabag sa karapatang pantao sa buong bansa.

Simula nang iutos ni Duterte na gawing ala martial law at patayin ang mga lumalaban sa kapulisan at sundalo sa ECQ, araw-araw nang makikita sa tri-media ang paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan na tila nagiging karaniwan na lamang. Ang paghuli pambubugbog sa isang vendor sa QC ng mga QC TF DISIPLINA kahit na nagmamakaawa ang tao at mga kapitbahay nya; ang ginawang pagpatay ng pulis kay ex Cpl. Wilson Ragos na may sakit na PTSD dahil lamang sa paglabag sa ECQ; ang pwersahang pagpasok ng mga pulis sa mga pribadong bahay at condominium gaya ng nangyari sa BGC Taguig at ang marahas na paraan ng paghuli kay Mr. Parra, isang foreigner na nakatira sa Dasmariñas Village sa Makati kahit nasa loob ng kanyang bakuran dahil sa pagsita na walang face mask ang kanyang kasambahay habang nagdidilig ng halaman—ay ilan lamang sa mga kaso ng malaganap na pag-aboso sa kapangyarihan ng mga pwersang panseguridad. Kung nagagawa nila ito sa mga eklusibong subdibisyon na tirahan ng mga mayayaman at kilalang tao, kayang-kaya nila itong gawin sa mga kabahayan ng maralitang lunsod at mga magsasaka.

Umabot na ng 140,000 ang nahuli sa Checkpoint at ECQ, mga hinuli dahil lumabag sa curfew, pupunta ng palengke, bibili ng gamot at pangangilangan nila sa bahay, mga taong maghahanapbuhay para may pambili ng pagkain at mga nakatambay sa harapan ng kanilang bahay dahil sa sobrang siksikan sila sa sikip na mga kabahayan. Karamihan sa mga iligal na hinuli ay ipinahiya sa pamamagitan ng pagpaparada sa kanila sa EDSA, pagbibilad sa init ng araw, pagdadala sa sementeryo, pagpapatulog sa mga basketball court nang nakaupo, pambubugbog, pagkakaso at iba pang di makataong parusa. Ayon sa CHR at ilang makabayang abogado, labag sa karapatang pantao ang ginagawa ng mga kapulisan at kasundaluhan sa ginagawang warrantless arrest, pagbugbog at pag-alipusta sa pagkatao ng mga hinuling violators daw ng ECQ.

Sa balangkas ng NTF-ELCAC, nagpapatuloy ang redtagging at harassment sa karaniwang unyunista sa Timog Katagalugan kahit pa nga nasa gitna ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine(ECQ) ang mamamayan ng buong Luzon. Walang kahihiyang nagbabahay-bahay ang mga elemento ng Police Regional Office 4A(PRO4A) at AFP-SOLCOM sa mga lider manggagawa sa mga pagawaan sa Santa Rosa City, Laguna katuwang ang kanilang asset at bayarang si Rey Medellin at kapwa opurtunistang sina si Raffy Baylosis at Francisco Ladi ng pagawaan ng Coca Cola. Pinapasok ang mga bahay ng mga lider manggagawa ng Coca Cola at pamilya nila, tinatakot at pinapasuko dahil mga kasapi daw diumano ng NPA at kapag hindi sumuko ay may mangyayari sa kanila at sa pamilya nila. Dahil napupuno na sa panghaharas ang mga kawawang manggagawa at banta ng pagkahawa at pagkalat ng Covid-19, noong April 28 habang hinaharas ng 2 sundalo na kasama nina Raffy Baylosis at Francisco Ladi ang mga manggagawa ay tinulungan sila at ipinagtabuyan ng mga taga komunidad habang bahag ang buntot na mabilis na tumakas at muntik pang makasagasa ng mga nasa komunidad.

Sa nagdaang taon, nagpatuloy ang mahigpit ng pagkakaisa at sama-samang pagkilos ng manggagawa kahit sa gitna ng masidhing pagpapatupad ng NTF-ELCAC. Resulta ng kanilang pagkakaisa at sama-samang pagkilos sa gitna ng panunupil sa kanilang hanay, walang dudang nagkamit ng makabuluhang dagdag na sahod at iba pang tagumpay sa ekonomiya’t pulitika ang masang manggagawa. Ito ay nang matagumpay na makapagsara ng mainam na Collective Bargaining Agreement (CBA) ang siyam (9) na unyon ng manggagawa, makapagtayo ng limang (5) bagong unyon at matagumpay na makapagsagawa ng welga ang 3 unyon/organisasyon ng manggagawang kontraktwal para ipaglaban ang kanilang regularisasyon sa pagawaan. Pagpapatunay ito na walang ibang aasahan ang masang manggagawa kundi ang kanilang sariling lakas, ang kanilang tuloy-tuloy na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos para sa kanilang kagalingan at interes.

Walang maasahan sa gobyernong inutil, pabaya at mamamatay-tao ang masang manggagawa. Kinakailangang umasa sa sariling lakas at kumilos para sa sariling makauring interes at upang palakasin ang kanilang hanay at kolektibong makibaka. Nararapat lamang na ang mga manggagawa ay ibayong magkaisa, maging mulat at mag-organisa para magkaroon ng malakas at malawak na boses sa paglulunsad ng mga militanteng pagkilos para maipagtanggol ang kanyang interes at karapatan.

Sa makasaysayang pagdiriwang ng pandaigdigang araw ng paggawa, kinakailangang pataasin ng uring manggagawa ang antas ng kanyang pakikibaka – mula pakikibakang pang-ekonomiya tungo sa pamumuno at pakikibaka para sa pagpapabagsak sa rehimeng US-Duterte. Para maisagawa ito, kinakailangang palakasin, palawakin at ikonsolida ng mga manggagawa ang kanilang hanay sa pamamagitan ng pagpapalakas at pagpapalawak ng rebolusyonaryong kilusang manggagawa; palakasin ang Partido ng proletaryong Pilipino sa pamamagitan ng malawakang pagrekluta ng kasapian ng Partido Komunista ng Pilipinas hindi lamang sa hanay ng mga manggagawa kundi maging sa ibang sektor; aktibong lumahok ang mga manggagawa sa armadong pakikibaka sa pamamagitan ng pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan ng maibagsak ang paghaharing tiraniko ni Duterte kaalinsabay ng determinasyon nating pabagsakin ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na hahawan sa landas ng sosyalismo sa ating bayan.

Tanging sa pagtatagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon ng bayan na may sosyalistang hinaharap makakamit ang tunay na kaunlaran, katiwasayan at maaliwalas na bukas!



MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!

MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!

MABUHAY ANG MANGGAGAWANG PILIPINO!

Manggagawang Pilipino, magkaisa at ipaglaban ang karapatan sa harap ng pasismong Duterte!