Manggagawang Pilipino Magkaisa! Isulong ang mga pakikibaka sa ekonomiya at pulitika! Ipaglaban ang mga karapatan sa gitna ng pagharap ng sambayanan sa pandemikong Covid-19! Ibagsak ang pasistang rehimeng US-Duterte! — NDF-ST
Mahigpit na nakikiisa ang National Democratic Front of the Philippines-Southern Tagalog (NDFP-ST) sa lahat ng mga manggagawang Pilipino at mamamayan sa paggunita at pagdiriwang sa makaysayang Pandaigdigang Araw ng Paggawa ngayong Mayo 1, 2020. Sa iba’t ibang panig ng daigdig, ipinagdiriwang ngayon ng uring manggagawa at buong uring anakpawis ang pagkakaisa ng lahat ng api at pinagsasamtalahang uri na lumalaban sa mga neoliberal at monopolyo-kapitalistang rehimen at mga kliyenteng estado ng imperyalismo habang hinaharap ang pagsugpo sa pandemikong Covid-19.
Sa Pilipinas, mahirap ang sitwasyong kinakaharap sa kasalukuyan ng mga manggagawang Pilipino at sambayanan dahil sa epekto ng Covid-19 at ng mga anti-mamamayan at anti-demokratikong hakbanging pinatutupad ng pasistang rehimeng US-Duterte sa pamamagitan ng kamay-na-bakal na lockdown at sapilitang enhanced community quarantine. Sa kabila ng kahirapang ito, may puwang at may iba’t ibang kaparaanang magagamit upang gunitain at ipagdiwang ang pandaigdigang araw ng paggawa. Hinihingi ng kasalukuyang sitwasyon ang mahigpit na pagkakaisa at tulungan ng uring manggagawa at iba pang uring pinagsasamantalahan at inaapi sa pagharap at pagsugpo sa nakamamatay na Covid–19 at sa paglaban sa tiranya ng rehimeng US-Duterte na gamitin ang Covid-19 upang isulong ang sariling pasistang agenda.
Mahalagang maimarka ng uring anakpawis ang kanyang lakas at kolektibong tinig para iparating sa rehimeng Duterte na labis na kinasusuklaman ito ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino at hinahangad nilang patalsikin ang inutil at korap niyang rehimen. Makatarungan lamang na ipanawagan ang pagpapatalsik sa kapangyarihan si Duterte bilang korap, traydor, kriminal na mamamatay tao, pasista at ang pagiging pabaya, inutil at bangkaroteng paraan sa paglaban sa Covid-19.
Itinuturo ng pandaigdigang araw ng paggawa ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagkilos ng uring manggagawa upang magkamit ng mga tagumpay hindi lamang para sa kanyang sariling interes kundi higit sa lahat para sa interes at kapakanan ng sangkatauhan. Ang mga naging tagumpay sa pakikibaka para sa mataas na sahod, karapatan sa pag-uunyon, seguridad sa trabaho at dagdag na mga benipisyo ay resulta ng sama-samang pagkilos at pakikibaka ng mga manggagawa sa loob ng mga planta at lansangan. Hindi ito kusang ipinagkaloob ng mga kapitalista at ng reaksyunaryong estado kundi pinagbuwisan ng buhay, dugo at di masusukat na mga sakripisyo. Sinisimbolo ng pandaigidigang araw ng paggawa ang kasabihang “sa pagkakaisa ang lakas, sa pagkilos ang tagumpay” at “mangahas makibaka, mangahas magtagumpay”.
Ang mga manggagawa ang isa sa mga sektor na higit na ininda at napinsala ng pinatutupad na kamay-na-bakal na lockdown ng pasistang rehimeng US-Duterte.
Sa Timog Katagalugan, aabot sa kalahating milyong manggagawa ang tuwirang naapektuhan ng pansamantalang pagsasara at pagtigil ng operasyon ng kalakhang mga pabrika sa rehiyon. Kung may pinahintulutan mang magpatuloy ng operasyon ito’y sa kundisyong limitadong bilang lamang ng manggagawa ang patatrabahuin (skeletal force). Bukod pa ang ibang pabrika na nagpapatupad ng mga flexible work arrangements tulad ng pagbabawas ng oras o araw ng pagtatrabaho para makasunod sa pinatutupad na lockdown. Sinamantala din ng mga kapitalista ang sitwasyon para ilusot ang mga iligal at maramihang tanggalan bilang bahagi ng kanyang maitim na balak na union busting lalo na kapag ang unyon ay kabilang sa progresibong bloke.
Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) nasa 99,178 sa Region IV-A at 30,721 sa Region IV-B ang tuwirang apektado ng pinatutupad na lockdown sa Luzon. Lubhang mababa ito sa inilabas na ulat ng Philippine Export Zone Authority (PEZA) kung saan sa Cavite Ecozone pa lang ay nasa 86,549 na ang nawalan ng trabaho dahil sa temporaryong pagsasara ng 309 na kumpanya duon. Mula naman sa pinadalang ulat ng Revolutionary Council of Trade Unions-Southern Tagalog (RCTU-ST), batay sa kanilang malapit sa katotohanang pagtaya, nasa pagitan ng 350,000-400,000 manggagawa sa CALABARZON ang tuwirang apektado ng pinatutupad na lockdown.
Samantala, kakarampot at iilan lang na mga manggagawa ang nakayanang bigyan ng ayuda ng DOLE. Ayon sa pananaliksik ng Ibon Foundation, nasa 856,000 o katumbas ng 0.8% lamang ng 10.7 milyong mga manggagawang nasa formal sector ang napagkalooban ng P5,000 ayuda ng DOLE sa ilalim ng Covid-19 Adjustment Measures (CAMP) habang nasa 52,000 (1%) lamang ng kabuuang 5.2 milyong non agricultural informal earners ang nabiyayaan ng ayuda ng iskemang work for pay. Mismong inamin na ng DOLE na kailangan pa nila ang dagdag na pondo para matugunan pa ang pangangailangan ng mga manggagawang Pilipino na naapektuhan nang pinatutupad na lockdown, ayon sa Ibon Foundation.
Ayon naman sa RCTU-ST, kakarampot ang halaga at iilan lamang na mga manggagawa sa Timog Katagalugan ang nakatanggap ng ayuda mula sa DOLE dahil sa kawalan ng pondo nito.
Sa anupaman, hindi mapapasubalian ang masamang epekto ng lockdown sa kabuhayan at maging sa mental na kalagayan ng mga manggagawa at mamamayan ng rehiyon na pinalawig pa ni Duterte hanggang Mayo 15, 2020. Hindi malayong mangyari na lalong dadanasin at haharapin ng milyong manggagawa at mamayan ng rehiyon ang matinding paghihikahos at malawak na kagutuman dahil sa inaasahang lalong pagsadsad ng ekonomiya ng bansa dulot ng Covid-19 at ng mga malulubhang kapabayaan at labis na kainutilan ni Duterte sa paglaban at pagsugpo nito.
Kaparaanang militar ang tugon ni Duterte sa nagaganap na krisis sa pampublikong kalusugan sa bansa bunga ng Covid-19.
Mas higit na pre-okupado ang rehimen sa mas mahigpit na pagpapatupad ng militaristang lockdown kaysa pag-ukulan ng matamang pansin paano mapapalaki at mapapabilis ang paghahatid ng ayuda sa taumbayan. Kung paano mabibigyan ng ibayong proteksyon ang dumaraming bilang na nagkakasakit sa Covid-19 sa hanay ng mga manggagawang pangkalusugan at mamamayan. Sa pagbibigay katiyakan nang walang-patid na daloy ng medikal suplay lalo na ang mga personal protective equipments (PPE’s) at testing kits, sa pagpaparami ng bilang ng mga ospital na maaaring magsagawa ng pag-eeksamen, mga quarantine centers at ang matagal nang kahilingan ng taumbayan sa mass testing para madaling matukoy, maihiwalay at maikwarantina ang may sakit na Covid-19 nang hindi buo-buong mga komunidad o bayan ang isasailalim sa total lockdown.
Sinasamantala ni Duterte ang krisis sa Covid-19 upang maisulong ang kanyang pasistang agenda na makapaghari lagpas sa kanyang termino na magtatapos sa Hunyo 30, 2022. Sinasangkalan ni Duterte ang rebolusyonaryong kilusan sa kanyang kabiguan na sansalain ang pagkalat ng Covid-19 matapos isa-isa niyang isisi ang kanyang kabiguan sa taumbayan, sa mga kritiko at progresibong grupo, mga lokal na opisyales at maging ang mga manggagawang pangkalusugan. Nagbabanta ngayon si Duterte na ipapataw ang Batas Militar sa bansa. Dapat lang itong labanan at biguin ng uring manggagawa kasama ng iba pang aping sektor. Hindi na dapat pang tumagal sa kapangyarihan ang isang inutil, korap, traydor, kriminal na mamamatay-tao at sagad sa butong pasistang si Rodrigo Roa Duterte.
Si Duterte at ang kanyang naghaharing sibilyan-militar na junta ang pangunahing sagabal sa mabilis na paggapi sa Covid–19.
Mahaba at kumplikado pa ang susuungin nating laban sa pagsugpo sa Covid-19. Walang makakapagsabi kung kailan matatapos ang banta ng pandemya sa bansa at daigdig. Pero ang tiyak tayo ay may mga dapat tayong singilin at papanagutin sa nangyayaring trahedya sa ating bayan. Sina Duterte at ang kanyang mga utak-pulburang retiradong Heneral ang dahilan ng nararanasan nating krisis sa pampublikong kalusugan at ibayong kagutuman. Sila ang mga nagsisilbing sagabal sa mabilis na pagsugpo sa Covid-19 at sa rekoberi ng lugmok na ekonomiya ng bansa. Marapat lang silang mapatalsik sa katungkulan. Higit na magiging epektibo ang pagsugpo sa Covid-19 nang wala sa kapangyarihan at eksena sina Duterte at ang kanyang masugid na mga tauhan.
Sa pagdiriwang ng pandaigdigang araw ng panggawa, ibayo nating palakasin ang pagkakaisa ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino laban sa mga lokal na tiranong naghahari sa bansa. Muli nating pagtibayin ang kapasyahan at determinasyong ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo at hawanin ang landas para isuIong ang sosyalismo sa bansa. Subalit mangyayari lamang ito kung malawakan at maramihang lalahok ang masang manggagawa at mamamayan sa armadong pakikibaka at bagong demokratikong rebolusyon ng bayan na isinusulong ng Partido at Bagong Hukbong Bayan sa buong kapuluan. Tiyak na may naghihintay na maaliwalas na kinabukasan para sa sambayanang Pilipino sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan at sa kagyat na kasunod nitong sosyalitang rebolusyon at konstruksyon.
Mabuhay ang Uring Manggagawa!
Mabuhay ang Revolutionary Council of Trade Unions-ST!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!