Manggangawang kababaihan, pwersa ng tunay na lipunang pagbabago
Ngayong Pandaigdigang Araw ng Manggagawang Kababaihan, pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng NDF-Bikol sa kababaihang patuloy na nakikibaka kaisa ang masang anakpawis. Mula sa paglaban sa dayuhang mananakop at imperyalismo at pagtatanggol ng mga demokratikong karapatan, nananatiling integral na bahagi ang kababaihan sa pakikibaka ng mamamayan para sa tunay na kalayaan, katarungan at demokorasya.
Sa Kabikulan, malaki ang ambag ng kababaihan sa aktibong anti-pyudal, anti-pasista at anti-imperyalistang pakikibaka. Noong 2009, kasama ng mamamayang Pilipino ang makabayang kababaihan sa pagkundena sa Balikatan Exercises sa pagitan ng US at Pilipinas sa rehiyon. Ngayon, tumitindig para sda katarungan ang mga magulang at kapatid ng mga pinaslang ng madugong gera kontra droga at iba pang humaharap sa matinding militarisasyon at pandarahas ng militar. Sa anti-pyudal na pakikibaka, nananatiling bahagi ang kilusan ng kababaihan sa pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Ilang kababaihang magsasaka ang nanguna sa kampanya upang itaas ang presyo ng kopra at pagtanggal ng resiko, pagtaas ng presyo ng palay at iba pang produktong agrikultural.
Marami na rin mula sa sektor ng kababaihan ang pumili ng landas ng armadong pakikibaka. Tumangan ng armas at naging bahagi ng pagpupundar ng Pulang kapangyarihan sa kanayunan sina Maita Gomez, Graciella “Ka Sisa” Miranda, Nerissa “Ka Alma” San Juan, Christine “Ka Nel” Puche at Lorena “Ka Ligaya” Barros. Inigpawan nila ang kani-kanilang limitasyon at sinuong ang mga sakripisyong kaakibat ng rebolusyon. Sila ay inspirasyon sa libu-libo pang Pulang mandirigma at rebolusyonaryong pwersa. Hanggang sa ngayon, patuloy na dumarami ang kababaihan mula sa ibat ibang sektor na tumatangan ng armas at nagpapamalas ng kanilang husay sa ibat ibang larangan ng gawain sa rebolusyonaryong kilusan.
Sa kanayunan, naiaangat na ang antas ng mga grupong pang-organisa. Nakakapagtayo na ng mga kooperatiba ang ilang ganap na samahan ng kababaihan. Maraming babae ang namumuno at nagiging bahagi ng mga grupong tulungan. Hindi mapagkakaila ang kanilang papel sa paglulunsad ng rebolusyong agraryo. Ito ay malaking pagbalikwas mula sa bulok at pyudal na sistemang nagmamaliit sa kanilang lakas.
Bahagi ang kababaihan sa bawat hakbang at inabot ng rebolusyong Pilipino. Mahigpit na nananawagan ang NDF-Bikol sa mamamayang magkaisa upang makamit ang matagal nang ipinagkat na kalayaan, katarungan at demokrasya. Hamon sa kilusang kababaihang higit na magpalawak at magpatatag ng hanay upang panghawakan ang kanilang papel bilang pwersa ng lipunang pagbabago.
Proletaryadong kababaihan, lumaban at lumaya!
Magtalingkas sa pagkaoripon!