Manginig ang mapang-aping rehimen sa sumisiklab na galit ng mga magsasaka at mangingisda

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sukdulan na ang ipinapataw na kahirapan at kagutumang ng rehimeng US-Duterte sa mga magsasaka at mangingisdang siyang nagpapakain ng lipunan. Dagdag na naming pasanin ang walang awat na pagsirit ng presyo ng produktong petrolyo para sa mga magsasakang nagpupumilit na maghanapbuhay sa harap ng mga dati nang patakarang nagpapasakit sa kanila tulad ng Rice Tariffication Law.

Ano pa mang gawing paggarantiya ng ganid na rehimeng US-Duterte, hindi kasagutan ang ipinagmamalaki nitong buwis mula sa RTL bilang ayudang limitado lang din naman ang saklaw sa mga magsasakang may sariling lupa. Alam ng mga magsasaka’t mangingisdang hindi totoong nakatali ang kamay ni Duterte sa pagtugon sa krisis sa langis dahil sa gera sa pagitan ng Ukraine at Rusya. Ang totoo, itinatali ni Duterte ang kanyang mga kamay sa lubusang paglilingkod sa malalaking burgesya kumprador at amo nitong imperyalista.

Dahil iilan lang ang mabibigyan ng ayuda at hindi makatatanggap ang mga manggagawang bukid at pesanteng walang sariling lupa, pinagsasabong-sabong ni Duterte ang malawak na hanay ng mga magsasaka. Samantala, ang katotohanan ay hindi maiibsan ng ayudang ito ang hirap ng mga magsasaka. Batayan ang kanilang suliranin: kawalan ng lupang masasaka, komersyalisasyon ng mga produkto at neoliberal na sakal sa halaga at pagpepresyo ng kanilang mga produkto.

Samantala ang mga mangingisda naman ay napilitang magbawas ng pagpalaot mula apat na beses tungong dalawang beses na lamang. Malaking dagok ito sa kanila, laluna sa harap ng patuloy na pag-iral ng Philippine Fisheries Code Amendments of 2015 at hindi pantay na kumpetisyon sa malalaking pangisdaan na pag-aari ng mga dayuhan at lokal na burukrata kapitalista. Maging ang isda na kanilang nahuhuli ay may karibal na ring mga imported na produkto.

Sa ganitong kalagayan, walang ibang mapanghahawakan ang mga organisadong magsasaka at mangingisda kundi ang pagkakaisa at pagtutulungan nila at ng kanilang mga kauri sa pagharap ng matinding kahirapan sa kasalukuyan. Patuloy ang pagmumulat nila sa mga maralitang tulad nila upang maorganisa at mapakilos. Sa ganitong pagsisikap nag-uusbungan ang mga luyo-luyo, grupong tulungan at maliliit na kooperatiba na umaagapay sa kanilang mga pangangailangan.

Hindi kayang pigilan ng inutil na rehimen ang pagbugso ng mga magsasaka at mangingisda sa mga kalsada at pangangalampag nila sa mga tarangkahan ng DAR at Malacañang para isigaw ang kanilang mga kahingian. Lalo nang dapat manginig ang walang-kwentang rehimen sa sumisilakbong galit ng mga magsasaka at mangingisdang handa nang humawak ng armas upang higit na palakasin ang rebolusyonaryong kilusang wawakas sa pag-iral ng mapang-aping naghaharing uri. Katakutan ni Duterte ang pagkagagap ng mga magbubukid sa katotohanang nasa kamay nila – ng bawat maralitang magsasaka at mangingisda, ang kakayahang magpunyagi at sumulong upang makamit ang tagumpay ng makauring digma.

Manginig ang mapang-aping rehimen sa sumisiklab na galit ng mga magsasaka at mangingisda