Mapagpasyang haharapin ng masa ng Partido erya ang RCSP
Lubhang mapanganib sa buhay at kabuhayan ng masa ng Tinambac, Lagonoy at Goa ang presensya ng militar na nagsasagawa ng RCSP at ang nakapakat nang tropa sa hindi bababa sa 12 barangay sa mga bayan ng Tinambac at Lagonoy.
Pagpasok pa lamang ng Mayo, sund-sunod na paglabag sa karapatang tao ang naitala sa tatlong bayan sa kabuuhang 10 bayan ng Partido erya. Kabilang sa mga ito ang pagpaslang kay Marlon Collantes at pag-aresto kay Jo Begonia, kapwa residente ng Brgy. Payatan, Goa. Tampok din ang sapilitang ebakwasyon ng puu-puong pamilya at mga komunidad sa eryang sinaklaw ng RCSP sa bayan ng Lagonoy.
Matatandaang matapos ang kanilang kabiguan sa pumalyang operasyong militar ng 83rd IBPA sa Sitio Malabod, Brgy. Del Carmen, Lagonoy noong Abril 5 na nagresulta sa kaswalti sa hanay ng kaaway, sunud-sunod na pang-aabuso at panghahalihaw ang isinagawa ng iba’t ibang yunit ng naturang erya. Pinakatampok ang pagdalaw pa ni 9th IDPA Commander Henry Robinson, Jr. kasama ang iba pang upisyal-militar sa Sitio Napaw, Brgy. Guibahoy, Lagonoy at ang malisyosong pagdawit sa pangalan ng BHB sa operasyon ng iligal na pagmimina at pagtotroso. Ang totoo, ang mga ipinaradang kagamitan sa naturang operasyon ng JTFB ay mga kagamitan sa produksyon ng masa sa lugar. Umabot sa 10 generator ang ninakaw ng militar mula sa mga residente ng Sitio Pagsimbugan, Brgy. Mapid. Isang residente rin ng naturang sitio ang dinukot at hindi pa ilinilitaw ng militar hanggang ngayon.
Sa pagsisimula ng RCSP, mabilis na ilinalatag ng 83rd IBPA, sa pangunguna ng Bravo Coy, ang kanilang mga yunit sa mga bayan ng Tinambac at Lagonoy. Matagal nang pinag-iinitan ang naturang mga bayan dahil sa mga neoliberal na proyektong pinaglalawayang ipatupad ng kanilang mga among kapitalista. Ang Tinambac, Lagonoy at Goa na nakapalibot sa paanan ng Mt. Isarog ay target sa mga malawakang pagmimina, quarrying at ekoturismo.
Nananawagan ang TPC-BHB East Camarines Sur sa masa ng buong Partido erya na labanan at huwag pahintulutang makapanalasa ang militar, pulis at iba pang ahente ng estado sa kanilang mga komunidad. Marapat lamang na pasiglahin ang pagkakaisa sa hanay ng mamamayan at ipagtanggol ang karapatan ng bawat isa. Dapat maging mapangahs at sunggaban ang lahat ng pagkakataon at pamamaraan – ligal man o ekstraligal – upang mapahinto ang militarisasyon at maagapan ang pang-aabusong militar.
Higit sa lahat, pinakaepektibong pananggalang ng masa ang armadong pakikibaka. Hinihikayat ng TPC-BHB East Camarines Sur ang lahat ng nasa wastong gulang, maayos ang pangangatawan at kaisipan na sumama na sa BHB at makibahagi sa pagtatanggol sa sarili laban sa mga atake ng estado. Tanging sa landas ng demokratikong rebolusyong bayan tunay na matatamasa ng masang inaapi at pinagsasamantalahan ang katarungan, kalayaan at pangmatagalang kapayapaan.